Ano ang Babilonyang Dakila?
Ang sagot ng Bibliya
Ang Babilonyang Dakila, gaya ng inilalarawan ng aklat na Apocalipsis, ay tumutukoy sa lahat ng huwad na relihiyon sa daigdig, na hindi sinasang-ayunan ng Diyos. a (Apocalipsis 14:8; 17:5; 18:21) Bagaman maraming pagkakaiba sa mga relihiyong ito, inilalayo nilang lahat ang mga tao sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.—Deuteronomio 4:35.
Pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila
Ang Babilonyang Dakila ay isa lamang simbolo. Inilalarawan siya ng Bibliya na “isang babae” at isang “dakilang patutot,” o bayarang babae, na may pangalan na “isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila.’” (Apocalipsis 17:1, 3, 5) Ang aklat ng Apocalipsis ay inihaharap sa pamamagitan ng “mga tanda,” kaya makatuwiran lang sabihin na ang Babilonyang Dakila ay isa lamang simbolo, at hindi literal na babae. (Apocalipsis 1:1) Bukod diyan, siya ay “nakaupo sa maraming tubig,” na kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:1, 15) Hindi iyan magagawa ng isang literal na babae.
Ang Babilonyang Dakila ay kumakatawan sa isang internasyonal na organisasyon. Siya ay tinatawag na “ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” (Apocalipsis 17:18) Kaya saklaw niya at may impluwensiya siya sa buong daigdig.
Ang Babilonyang Dakila ay isang relihiyosong organisasyon, at hindi politikal o komersiyal na organisasyon. Ang sinaunang Babilonya ay isang napakarelihiyosong lunsod na kilala sa paggamit ng espiritistikong “mga engkanto” at “panggagaway,” o pangkukulam. (Isaias 47:1, 12, 13; Jeremias 50:1, 2, 38) Sa katunayan, isinasagawa roon ang huwad na relihiyong salansang sa tunay na Diyos, si Jehova. (Genesis 10:8, 9; 11:2-4, 8) May-paghahambog na itinaas ng mga tagapamahala ng Babilonya ang kanilang sarili nang higit kaysa kay Jehova at sa kaniyang pagsamba. (Isaias 14:4, 13, 14; Daniel 5:2-4, 23) Ang Babilonyang Dakila ay kilala rin sa kaniyang “mga espiritistikong gawain.” Pinatutunayan nitong siya ay isang relihiyosong organisasyon.—Apocalipsis 18:23.
Ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring maging politikal na organisasyon, yamang ang “mga hari sa lupa” ay magdadalamhati sa kaniyang pagkapuksa. (Apocalipsis 17:1, 2; 18:9) Hindi rin naman siya puwedeng tumukoy sa komersiyal na organisasyon, dahil ipinakikita ng Bibliya na naiiba siya sa mga “mangangalakal sa lupa.”—Apocalipsis 18:11, 15.
Ang Babilonyang Dakila ay angkop na lumalarawan sa huwad na relihiyon. Sa halip na turuan ang mga tao kung paano magiging malapít sa tunay na Diyos, si Jehova, inaakay sila ng huwad na relihiyon na sumamba sa ibang mga diyos. Tinatawag ito ng Bibliya na “imoral na pakikipagtalik sa kanilang mga diyos,” o espirituwal na prostitusyon. (Levitico 20:6; Exodo 34:15, 16) Ang mga paniniwalang gaya ng Trinidad at imortalidad ng kaluluwa at ang mga gawaing gaya ng paggamit ng imahen sa pagsamba ay nagsimula sa sinaunang Babilonya at makikita pa rin hanggang ngayon sa huwad na relihiyon. Inihalo rin ng mga relihiyong ito sa kanilang pagsamba ang pag-ibig sa sanlibutan. Ang ganitong pagtataksil, ayon sa Bibliya, ay isang espirituwal na pangangalunya.—Santiago 4:4.
Ang kayamanan ng huwad na relihiyon at ang pagpaparangya nito ay tamang-tama sa paglalarawan ng Bibliya sa Babilonyang Dakila, na “nagagayakan ng purpura at iskarlata, at napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas.” (Apocalipsis 17:4) Ang Babilonyang Dakila ay pinagmumulan ng “mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa,” o mga turo at gawaing lumalapastangan sa Diyos. (Apocalipsis 17:5) Ang mga miyembro ng huwad na relihiyon ay “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika” na sumusuporta sa Babilonyang Dakila.—Apocalipsis 17:15.
Ang Babilonyang Dakila ang nasa likod ng kamatayan ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Sa buong kasaysayan ng tao, ang huwad na relihiyon ay hindi lang nagsulsol ng mga digmaan at terorismo kundi nabigo rin itong magturo sa mga tao ng katotohanan tungkol kay Jehova, ang Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ito ang dahilan ng maraming pagdanak ng dugo. Kaya naman para makamit ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat silang ‘lumabas sa kaniya,’ sa pamamagitan ng paghiwalay sa huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:4; 2 Corinto 6:14-17.
a Tingnan ang artikulong “Paano Ko Makikilala ang Tunay na Relihiyon?”