PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Juan 14:27—“Kapayapaan ang Iniiwan Ko sa Inyo”
“Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag kayong mag-alala o matakot.”—Juan 14:27, Bagong Sanlibutang Salin.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.”—Juan 14:27, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Juan 14:27
Gamit ang mga salitang ito, tiniyak ni Jesus sa mga apostol niya na hindi sila dapat masyadong mag-alala kapag may mga problema sila. Gaya ni Jesus, puwede silang manatiling kalmado sa tulong ng Diyos.
Ano ang kapayapaang iniwan, o ibinigay ni Jesus sa mga apostol niya? Ibinigay ni Jesus ang kapayapaan niya, na pareho sa kapayapaang naranasan niya. Hindi ito ang kapayapaan na walang pag-aaway o pag-uusig. (Juan 15:20; 16:33) Kahit pinakitunguhan nang di-patas si Jesus at ipinapatay pa nga, mayroon pa rin siyang kapayapaan ng isip at puso. (Lucas 23:27, 28, 32-34; 1 Pedro 2:23) Panatag ang loob niya dahil alam niya na mahal siya at sinasang-ayunan ng kaniyang Ama, si Jehova. a—Mateo 3:16, 17.
Binigyan ni Jesus ng kapayapaan ang mga apostol niya nang tiyakin niya sa kanila na mahal at sinasang-ayunan niya sila at ng kaniyang Ama. (Juan 14:23; 15:9, 10; Roma 5:1) Nananampalataya ang mga apostol na si Jesus ang Anak ng Diyos, kaya nakatulong ang kapayapaang tinanggap nila para hindi sila masyadong matakot at mag-alala. (Juan 14:1) Hindi na makakasama noon ng mga alagad si Jesus, pero ipinangako niya na tutulungan sila ng banal na espiritu ng Diyos na maging panatag at matatag. (Juan 14:25-27) Walang takot na mahaharap ng mga tagasunod ni Jesus ang mga mahihirap na sitwasyon dahil alam nila na sinusuportahan sila at sinasang-ayunan ni Jehova.—Hebreo 13:6.
Noong nasa lupa si Jesus, kaugalian ng mga tao na batiin ang isa’t isa at sabihing sumakanila nawa ang kapayapaan. (Mateo 10:12, 13) Pero hindi lang binati ni Jesus sa ganitong paraan ang mga apostol niya, kundi binigyan niya sila mismo ng kapayapaan. At ibang-iba ang kapayapaang ibinigay ni Jesus sa kapayapaang maibibigay ng mundong b ito. May kapayapaan din namang maibibigay ang mundong ito kapag ang isa ay nagkaroon ng magandang relasyon sa iba, kayamanan, kasikatan, o posisyon. Pero ang kapayapaan ni Jesus ay hindi nakadepende sa mga bagay na gaya nito. Kapayapaan ito ng puso at isip na hindi nawawala.
Konteksto ng Juan 14:27
Sinabi ito ni Jesus sa mga tapat na apostol niya noong gabi bago siya mamatay. Sinabi rin niya noon na malapit na niya silang iwan. (Juan 13:33, 36) Dahil dito, talagang nalungkot ang mga apostol niya. (Juan 16:6) Kaya pinatibay sila ni Jesus at ipinaliwanag sa kanila kung bakit hindi sila dapat masyadong mag-alala sa pag-alis niya.
Mapapatibay din ng mga salitang ito ni Jesus ang mga Kristiyano ngayon. Puwede rin tayong magkaroon ng kapayapaan. (2 Tesalonica 3:16) Nang maging alagad tayo ni Jesus, nalaman natin na mahal at sinasang-ayunan niya tayo at ng kaniyang Ama, si Jehova. (Colosas 3:15; 1 Juan 4:16) Kaya hindi na tayo dapat masyadong mag-alala. Bakit? Kasi alam natin na laging nandiyan ang Diyos para sa atin.—Awit 118:6; Filipos 4:6, 7; 2 Pedro 1:2.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Juan.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Sa Bibliya, ang salitang “mundo” ay puwedeng tumukoy sa masamang lipunan ng mga tao na hiwalay sa Diyos.