TANONG NG MGA KABATAAN
Sobrang Conscious Ba Ako sa Hitsura Ko?
Quiz: Sobrang conscious ba ako?
Alin ka rito?
Kahit minsan hindi ako nakontento sa hitsura ko.
Paminsan-minsan kontento ako sa hitsura ko.
Lagi akong kontento sa hitsura ko.
Ano ang pinakagusto mong baguhin sa hitsura mo?
Height
Timbang
Korte ng katawan
Buhok
Kulay
Muscle
Iba pa
Kumpletuhin.
Nai-insecure ako . . .
kapag nagtitimbang.
kapag nananalamin.
kapag ikinukumpara ko ang sarili ko sa iba (mga kaibigan, modelo, artista).
Kumpletuhin.
Nagtitimbang ako . . .
araw-araw.
linggu-linggo.
madalang sa isang buwan.
Sino ka sa mga ito?
Pangit ang tingin sa sarili. (Halimbawa: “Sa tuwing mananalamin ako, tingin ko sa sarili ko, ang taba-taba ko! Ang pangit! Minsan nga, hindi na ako kumakain para lang pumayat.”—Serena.)
Balanse ang tingin sa sarili. (Halimbawa: “Meron at meron tayong hindi magugustuhan sa hitsura natin, pero may mga bagay na dapat na lang nating tanggapin. Wala tayong mapapala sa pag-iisíp sa mga bagay na hindi natin kayang baguhin.”—Natanya.)
Sinasabi ng Bibliya na huwag tayong mag-isip nang higit tungkol sa ating sarili “kaysa sa nararapat isipin.” (Roma 12:3) Ibig sabihin, hindi naman masama—o dapat lang—na isipin natin ang ating sarili. Iyan ang dahilan kaya nagsisipilyo tayo at pinananatiling malinis ang ating katawan.
Pero paano kung nadidismaya ka o nagiging sobrang conscious na sa hitsura mo? Baka maisip mo . . .
‘Bakit ba pangit ang tingin ko sa sarili ko?’
Maraming posibleng dahilan. Kasali rito ang:
Impluwensiya ng media. “Ang mga kabataan ay pinauulanan ng napakaraming panoorin at babasahin na nagpapadamang dapat ay napakapayat namin at lagi kaming maganda. Kaya kung hindi kami perfect, nakakainis!”—Kellie.
Impluwensiya ng mga magulang. “Napansin ko na kapag sobrang conscious ang nanay sa kaniyang hitsura, kadalasan, gano’n din ang anak na babae. Totoo rin iyan sa mga magtatay.”—Rita.
Mababang kumpiyansa sa sarili. “Gusto ng mga taong sobrang conscious sa kanilang hitsura na lagi silang purihin. Nakakapagod kasama ang gano’n!”—Jeanne.
Anuman ang dahilan ng pangit na tingin mo sa iyong sarili, baka iniisip mo . . .
‘Dapat ko bang baguhin ang hitsura ko?’
Pansinin ang sinasabi ng ibang kabataan.
“Hindi mo laging mababago ang mga ayaw mo sa sarili mo, kaya mas mabuting tanggapin mo na lang ang iyong mga kapintasan. Mas malamang na hindi pa iyon mapansin ng iba.”—Rori.
“Sikaping maging malusog. Kapag malusog ka, makikita’t makikita iyon sa hitsura mo. At kung ang gusto lang sa iyo ng isang tao ay ang hitsura mo at hindi kung sino ka talaga, hindi kaibigan ang taong iyon.”—Olivia.
Tandaan: Mag-ayos, pero huwag maging masyadong conscious sa iyong hitsura dahil makakasama ito sa iyo. (Tingnan ang “ Karanasan ni Julia.”)
Kapag balanse ka, magiging makatotohanan ang tingin mo sa iyong sarili, at iyan ang natutuhan ng kabataang si Erin. “Siyempre, may insecurities din ako,” ang sabi niya, “pero napansin kong nadidismaya lang naman ako kapag nagpopokus ako sa maling mga bagay. Ngayon, regular akong nag-e-exercise at kumakain nang tama. Unti-unti, nagiging maayos na rin ang iba pang mga bagay.”
Ang pinakamagandang makeover!
Mas maganda ang pakiramdam (at maging ang hitsura) mo kapag balanse ang tingin mo sa sarili. Makakatulong ang Bibliya. Pinapayuhan ka nitong maging:
Kontento. “Masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan.”—Mangangaral (o, Eclesiastes) 6:9, Magandang Balita Biblia.
Balanse sa pag-e-exercise. “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti.”—1 Timoteo 4:8.
Magkaroon ng magandang kalooban. “Ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
“Nakikita sa ating mukha kung ano ang tingin natin sa ating sarili. Kapag kontento ang isa, nakikita iyon ng iba at nakakagaanan agad nila ng loob ang taong iyon.”—Sarah.
“Madaling napapansin ang ganda. Pero ang pagkatao mo at ang mabubuti mong katangian ang mas natatandaan ng mga tao.”—Phylicia.
Tingnan din ang Kawikaan 11:22; Colosas 3:10, 12; 1 Pedro 3:3, 4.