TANONG NG MGA KABATAAN
Kailangan Ba Talagang May mga Patakaran sa Bahay?
Nahihigpitan ka ba sa mga magulang mo? Tutulungan ka ng artikulong ito at ng kasamang worksheet para maipakipag-usap mo ito sa kanila.
Ang tamang pananaw
Maling akala: Kapag wala ka na sa poder ng mga magulang mo, wala ka na ring kailangang sundin.
Ang totoo: May mga kailangan ka pa ring sundin kahit wala ka na sa bahay—puwedeng boss, may-ari ng uupahan mong bahay, o gobyerno pa nga. “Sa tingin ko, ang mga kabataan na ayaw sumunod sa mga patakaran sa bahay ay magkakaroon ng malaking problema kapag bumukod na sila,” sabi ni Danielle, 19 na taóng gulang.
Sabi ng Bibliya: “Maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad.” (Tito 3:1) Kung sinasanay mo ang sarili mo na maging masunurin sa mga magulang mo, makakatulong iyan sa iyo kapag adulto ka na.
Ang puwede mong gawin: Tingnan ang magagandang resulta ng pagsunod. “Talagang nakatulong ang mga patakaran ng mga magulang ko para maging matalino ako sa pagpili ng mga kaibigan at paggamit ng panahon,” sabi ng kabataang si Jeremy. “Nakatulong din ang mga ito para hindi ako mababad sa TV at video games, kaya nagkapanahon ako sa kapaki-pakinabang na mga gawain at ang ilan dito ay nae-enjoy ko pa rin.”
Ang tamang gawin
Pero paano kung sa tingin mo ay hindi makatuwiran ang isang patakaran? Sinabi ng kabataang si Tamara: “Pinayagan ako ng mga magulang ko na pumunta sa ibang bansa. Nang makauwi na ako, ayaw nila akong payagang mag-drive papunta sa lunsod na 20 minuto lang ang layo sa amin!”
Kung ganiyan din ang sitwasyon mo, mali bang kausapin ang mga magulang mo tungkol dito? Hindi naman. Pero dapat na alam mo kung kailan at paano mo sila kakausapin.
Kailan. “Kapag napatunayan mo nang mapagkakatiwalaan ka at responsable, puwede mo nang kausapin ang mga magulang mo para baguhin ang isang patakaran,” sabi ng teenager na si Amanda.
Nakita ni Daria na totoo iyan. Sabi niya, “Binago lang ni Mommy ang patakaran niya nang makita niyang lagi na akong sumusunod sa kaniya.” Tandaan, hindi mo puwedeng hingin ang tiwala, kailangan mo itong paghirapan.
Sabi ng Bibliya: “Tuparin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 6:20) Kapag sinunod mo iyan, unti-unting lalaki ang tiwala sa iyo ng mga magulang mo at mas madali na para sa iyo na kausapin sila.
Paano. “Mas makikinig ang mga magulang mo sa iyo kapag magalang ka at kalmado kaysa kapag nagrereklamo ka at sumisigaw,” sabi ng kabataang si Steven.
Sang-ayon diyan si Daria, na nabanggit kanina. Sabi niya: “Kapag nakipagtalo ako kay Mommy, walang nagbabago. Minsan, lalo pa siyang naghihigpit.”
Sabi ng Bibliya: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” (Kawikaan 29:11) Maraming magagandang resulta ang pagpipigil sa sarili, hindi lang sa bahay kundi sa paaralan, trabaho, at iba pa.
Ang puwede mong gawin: Mag-isip bago magsalita. Ang nagawa mong rekord ng pagiging mapagkakatiwalaan ay puwedeng mabura dahil sa paglalabas ng galit. Kaya sinasabi ng Bibliya na ang “mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan.”—Kawikaan 14:29.
Tip: Sagutan ang kasama nitong worksheet para mapag-isipan mo ang mga patakaran ng mga magulang mo, at kung kailangan, ipakipag-usap mo ito sa kanila.