Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Makokontrol ang Emosyon Ko?

Paano Ko Makokontrol ang Emosyon Ko?

“May araw na ang saya-saya ko, pero kinabukasan, biglang sobrang lungkot naman. Y’ong mga bagay na bale-wala lang sa akin kahapon, mabigat na problema na ngayon.”—Carissa.

Mabilis bang magbago-bago ang emosyon mo? a Kung oo, makakatulong sa iyo ang artikulong ito!

 Kung bakit ito nangyayari

Ang mabilis na pagbabago-bago ng emosyon ay karaniwang nararanasan ng mga nagbibinata at nagdadalaga. Pero kahit matagal ka nang tin-edyer, baka magulat ka na napakabilis pa ring magbago ng emosyon mo.

Kung nalilito ka dahil paiba-iba ang nadarama mo, tandaan na marami sa mga damdaming ito ay resulta ng mga pagbabago sa iyong hormon pati na ng mga insecurity na normal na bahagi ng paglaki. Ang magandang balita, puwede mong maunawaan at makontrol ang iyong emosyon.

Tandaan: Mahalagang matutuhan mong kontrolin ang emosyon mo habang bata ka pa. Kakailanganin mo ang kasanayang ito sa iba’t ibang sitwasyon kapag adulto ka na.

Ang negatibong mga emosyon ay parang mga lubak sa kalsada. Matututuhan mo ring iwasan ang malalalim na lubak at ma-enjoy ang pagmamaneho

 Tatlong bagay na puwede mong gawin

Makipag-usap. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.

“May malapít na kaibigan ang pamilya namin at parang tita ko na siya. Talagang nakikinig siya kapag nagkukuwento ako, at kaya kong sabihin sa kaniya lahat. Kapag tama ang naiisip ko, proud siya sa akin, pero kapag mali naman, itinutuwid niya ako sa pinakamagandang paraan.”—Yolanda.

Tip: Sa halip na makipag-usap sa mga kaedaran mo lang—na posibleng pabago-bago rin ang emosyon—makipag-usap sa magulang mo o sa iba pang pinagtitiwalaan mong adulto.

Sumulat. Ayon sa Bibliya, noong lungkot na lungkot si Job, sinabi niya: “Ako ay magbubulalas ng aking pagkabahala tungkol sa aking sarili. Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 10:1) Bukod sa pakikipag-usap, puwede mo ring ipahayag ang nadarama mo sa pamamagitan ng pagsusulat.

“Lagi akong may dalang maliit na notepad. Kapag may nangyaring nagpalungkot sa akin, isinusulat ko ’yon. Gumagaan ang pakiramdam ko kapag nagsusulat ako.”—Iliana.

Tip: Mag-ingat ng isang diary kung saan puwede mong isulat kung ano ang nadarama mo, kung ano ang nagpadama sa iyo ng ganoon, at kung paano mo ito haharapin. Makakatulong sa iyo ang worksheet na kasama ng artikulong ito para magawa iyan.

Manalangin. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”—Awit 55:22.

“Palagi akong nagpe-pray kay Jehova kapag nalulungkot ako o nag-aalala. Gumagaan ang pakiramdam ko kapag nasabi ko na sa kaniya lahat.”—Jasmine.

Tip: Kahit nag-aalala ka, umisip ng tatlong bagay sa buhay mo na puwede mong ipagpasalamat. Kapag nananalangin ka kay Jehova, humingi ka ng tulong—pero magpasalamat ka rin sa mga pagpapala sa iyo.

a Tinatalakay sa artikulong ito ang biglang pagbabago-bago sa emosyon na nararanasan ng maraming kabataan. Kung may bipolar disorder ka o iba pang klase ng depresyon, tingnan ang artikulong “Paano Ko Haharapin ang Depresyon?”