Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Pagte-text?

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Pagte-text?
  • :-) Kung magiging maingat ka sa pagte-text, maaaring magandang paraan ito para makipag-usap sa iba.

  • :-( Kung hindi ka magiging maingat, maaaring masira nito ang kaugnayan mo sa iba at ang reputasyon mo.

Tatalakayin sa artikulong ito ang mga dapat mong malaman tungkol sa

Mayroon ding:

 Kung kanino makikipag-text

Para sa maraming tin-edyer, ang pagte-text ay malaking tulong sa pakikipag-usap nila sa iba. Sa pagte-text, nakakausap mo ang sinuman at ang lahat ng nasa phonebook mo—maliban na lang kung hindi payag ang mga magulang mo.

“Ayaw ni Daddy na nakikipag-usap kami ng kapatid kong babae sa mga lalaki. Kung gagawin man namin iyon, dapat ay sa telepono sa sala at may kasama.”—Lenore.

Ang dapat mong malaman: Kung ibibigay mo ang number mo kung kani-kanino, puwede kang mapahamak.

“Kung basta mo na lang ibibigay ang number mo sa kahit sino, baka makatanggap ka ng mga message o larawan na hindi mo gusto.”—Scott.

“Kung madalas kang makipag-text sa isang di-kasekso, malamang na mahulog agad ang loob mo sa taong iyon.”—Steven.

Sabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Kung mag-iingat ka, maiiwasan mo ang maraming problema.

Karanasan: “May kaibigan akong lalaki, at lagi kaming magka-text. Katuwiran ko, close lang talaga kami. Hindi ko iniisip na magiging problema iyon hanggang sa sabihin niya na nagkakagusto na siya sa akin. Dapat pala hindi ako naging ganoon kalapít sa kaniya at ganoon kadalas mag-text.”—Melinda.

Pag-isipan ito: Sa palagay mo, ano ang mangyayari sa pakikipagkaibigan ni Melinda sa lalaking iyon ngayong nalaman niyang may pagtingin ito sa kaniya?

Ibahin ang takbo ng kuwento! Ano sana ang ginawa ni Melinda para nanatili na lang silang magkaibigan?

 Kung ano ang ite-text

Napakadaling magpadala ng text—at masaya ring makatanggap nito—nakakaligtaan nga lang ng ilan na posibleng ma-misinterpret ito ng bumabasa.

Ang dapat mong malaman: Puwedeng ma-misinterpret ang text mo.

“Sa text, hindi mo mahahalata ang damdamin at tono ng boses—kahit pa meron itong mga emoticon o text symbol. Puwede itong maging dahilan ng di-pagkakaunawaan.”—Briana.

“May alam akong mga babae na nasira ang reputasyon at nakilalang flirt dahil sa mga itine-text nila sa mga lalaki.”—Laura.

Sabi ng Bibliya: “Nag-iisip muna ang mabuting tao bago sumagot.” (Kawikaan 15:28, Today’s English Version) Ang aral? Basahin muna ang text mo bago ito ipadala!

 Kung kailan magte-text

Kung magiging makatuwiran ka, makakaisip ka ng sarili mong mga patakaran sa pakikipag-text o “texting etiquette,” gaya ng tawag dito ng ilan.

Ang dapat mong malaman: Kung hindi mo ilalagay sa lugar ang pagte-text, magtitingin kang walang modo at mahihirapan ka sa pakikipagkaibigan.

“Madaling malimutan ang texting etiquette. Kung minsan, may kausap ako o may kasamang kumakain, pero nakikipag-text ako sa iba.”—Allison.

“Delikadong mag-text habang nagmamaneho. Kung hindi ka nakatingin sa daan, puwede kang maaksidente.”—Anne.

Sabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Totoo rin iyan pagdating sa pagte-text!

 Mga tip sa pagte-text

Kung kanino makikipag-text

  • ;-) Sundin ang mga paalaala ng mga magulang mo.—Colosas 3:20.

  • ;-) Huwag basta-basta ibigay sa iba ang number mo. Kung matututo kang maging magalang sa pagtangging magbigay ng iyong pribadong impormasyon—gaya ng cellphone number mo—mapapakinabangan mo ito hanggang sa maging adulto ka na.

  • ;-) Huwag makipag-flirt sa text. Kung may mabuong romantikong damdamin, baka mauwi lang ito sa pagkabigo at sakit ng damdamin.

“Kilalá ako ng mga magulang ko na maingat sa paggamit ng cellphone, kaya may tiwala sila sa akin na magiging maingat ako sa pagpili ng mga number na ise-save ko sa phonebook ko.”—Briana.

Kung ano ang ite-text

  • ;-) Bago mag-text, tanungin ang sarili, ‘Tama kayang idaan sa text ang sasabihin ko sa sitwasyong ito?’ Baka naman mas mabuting tumawag sa telepono o maghintay na makausap siya nang personal.

  • ;-) Huwag i-text ang mga bagay na hindi mo naman sasabihin kung kaharap mo siya. “Kung hindi ito dapat sabihin nang harapan, hindi rin ito dapat i-text,” ang sabi ng 23-anyos na si Sarah.

“Kung may magpadala sa iyo ng mahahalay na larawan, sabihin mo ito sa mga magulang mo. Magsisilbi itong proteksiyon at magtitiwala ang mga magulang mo sa iyo.”—Sirvan.

Kung kailan magte-text

  • ;-) Patiunang magpasiya kung kailan ka hindi gagamit ng cellphone. “Hindi ko dala ang cellphone ko kapag kumakain o habang nag-aaral,” ang sabi ng tin-edyer na si Olivia. “Ino-off ko ang cellphone ko kapag nasa Kristiyanong pulong para hindi ako matuksong tingnan iyon.”

  • ;-) Maging makonsiderasyon. (Filipos 2:4) Huwag mag-text kung may kaharap kang kausap.

“Nag-set ako ng limitasyon sa sarili ko, gaya ng hindi ako magte-text kapag may kasama akong mga kaibigan maliban na lang kung kailangan. Hindi ko rin ibinibigay ang number ko sa mga hindi ko pa ka-close.”—Janelly.