Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Puwedeng Sirain ng Pornograpya ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa

Puwedeng Sirain ng Pornograpya ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa

 Nabisto ng asawa niya ang sekreto niya. Paulit-ulit siyang humingi ng tawad at nangakong titigil na. Nagawa naman niya, pero umulit na naman siya at bumalik sa dati niyang bisyo.

 Ganiyan din ba ang sitwasyon mo? Kung oo, kailangan mong maintindihan ang epekto sa asawa mo ng panonood mo ng pornograpya at kailangan mo ring malaman kung paano mo tuluyang maihihinto ang bisyong ito. a

Sa artikulong ito

 Ang dapat mong malaman

 Puwedeng sirain ng pornograpya ang pagsasama ninyong mag-asawa. Magagalit sa iyo ang asawa mo at hindi na siya magtitiwala sa iyo. b

 Puwedeng maramdaman ng asawang babae ang sumusunod kapag nanonood ng pornograpya ang mister niya:

  •   Pinagtaksilan. Sinabi ni Sarah, “Pakiramdam ko, paulit-ulit akong pinagtataksilan ng mister ko.”

  •   May kulang sa kaniya. Pakiramdam ng isang asawang babae na ang pangit niya at hiyang-hiya siya dahil sa panonood ng pornograpya ng mister niya.

  •   Nawalan ng tiwala. “Bawat kilos ng asawa ko, pinagdududahan ko na,” ang sabi ni Helen.

  •   Nag-aalala. Inamin ni Catherine, “Puro pag-aalala sa bisyo ng asawa ko ang laman ng isip ko.”

 Pag-isipan: Sinasabi ng Bibliya na dapat mahalin ng asawang lalaki ang asawa niya. (Efeso 5:25) Nagagawa ba niya iyon kung siya ang dahilan ng mga nararamdaman ng asawa niya na binanggit sa itaas?

 Ang puwede mong gawin

 Hindi madaling itigil ang bisyong panonood ng pornograpya. “Naitigil ng mister ko ang paninigarilyo, paggamit ng marijuana, at pag-inom,” ang sabi ni Stacey, “pero hirap na hirap pa rin siyang itigil ang pornograpya.”

 Kung ganiyan ang sitwasyon mo, makakatulong ang sumusunod para tuluyan mong maitigil ang bisyong ito.

  •   Alamin kung bakit masama ang pornograpya. Dahil sa pornograpya, sariling kasiyahan lang ang iniisip ng isa. Kaya nawawala ang pag-ibig, tiwala, at katapatan na mahalaga para maging masaya ang mag-asawa. Kapag may ganitong bisyo ang isa, ipinapakita niyang wala siyang paggalang sa Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Maging marangal nawa para sa lahat ang pag-aasawa.”—Hebreo 13:4.

  •   Panagutan mo ang lahat ng ginagawa mo. Huwag mong sabihin, ‘Kung mas malambing sana ang asawa ko, hindi ako manonood ng pornograpya.’ Hindi tamang sisihin mo ang asawa mo kasi ganiyan ulit ang idadahilan mo kapag may hindi ka nagustuhan sa kaniya.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.”—Santiago 1:14.

  •   Maging open at tapat sa asawa mo. Sinabi ni Kevin: “Araw-araw kong sinasabi sa misis ko kung pinalampas ko ang tuksong manood ng pornograpya o hindi. Nakatulong ito para hindi niya isiping may itinatago ako.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.

  •   Maging alisto. Kahit ilang taon mo nang naihinto ang bisyong ito, puwede mo pa rin itong maulit. Sinabi ni Kevin, na binanggit kanina: “Sampung taon ko nang naihinto ang pornograpya, at akala ko hindi ko na iyon uulitin. Pero ang totoo, hindi pa rin ’yon nawawala. Nag-aabang lang ‘to ng pagkakataon para atakihin ulit ako.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal.”—1 Corinto 10:12.

  •   Kapag natutukso ka, mag-isip muna. Kung sakaling hindi mo mapigilan ang maling pagnanasa mo, mapipigilan mo naman ang ikikilos mo. Lilipas din ang pagnanasang iyon—baka nga mas mabilis pa kung matututo kang magpokus sa ibang gawain.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan para mapanatili itong banal at marangal, na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa.”—1 Tesalonica 4:4, 5.

  •   Iwasan ang mga sitwasyong gigising sa pagnanasa mo. “Kapag nasa alanganin kang sitwasyon,” sabi sa aklat na Willpower’s Not Enough, “parang sinindihan mo na ang posporo. Kaunting gatong lang . . . lalaki na ang apoy.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag nawang mangibabaw sa akin ang kasamaan.”—Awit 119:133.

  •   Huwag mawalan ng pag-asa. Puwedeng matagalan at abutin pa nga ng ilang taon bago bumalik ang tiwala ng asawa mo. Pero ipinapakita ng mga karanasan na posible ito.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang pag-ibig ay matiisin.”—1 Corinto 13:4.

a Mga asawang lalaki ang binabanggit sa artikulong ito. Pero para rin sa mga asawang babae na nanonood ng pornograpya ang mga prinsipyong binabanggit dito.

b Sinasabi ng ilang mag-asawa na nakakatulong sa pagsasama nila ang panonood nila ng pornograpya nang magkasama. Pero hindi iyan ayon sa mga prinsipyo na itinuturo ng Bibliya.—Kawikaan 5:15-20; 1 Corinto 13:4, 5; Galacia 5:22, 23.