Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Dapat Ba Kaming Magsama Bago Magpakasal?

Dapat Ba Kaming Magsama Bago Magpakasal?

 Marami sa mga nag-iisip mag-asawa ang nagsasama muna sa isang bahay bago magpakasal. Sabi kasi ng ilan, gusto nilang malaman kung compatible sila sa isa’t isa. At umaasa sila na makakatulong iyon para maging matagumpay kapag mag-asawa na sila. Maganda ba talagang magsama muna bago magpakasal?

Sa artikulong ito

 Ano ang sinasabi ng Bibliya?

  •   Hinahatulan ng Bibliya ang pagse-sex ng mga hindi mag-asawa. Halimbawa, sinasabi nito: “Umiwas sa seksuwal na imoralidad.” (1 Tesalonica 4:3; 1 Corinto 6:18) Kasama diyan ang pagse-sex ng mga magka-live in, kahit na may plano naman silang magpakasal. a Kung susundin nila ang payo ng Bibliya, maiiwasan nila ang pagbubuntis bago ikasal at iba pang problema na resulta ng pagsasama nang di-kasal.

  •   Ang pag-aasawa ay mula sa Diyos. Nang pasimulan ito ng Diyos, sinabi niya: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Kapag ikinasal ang isang lalaki at babae, may commitment na sila sa isa’t isa. At iyon ang kailangan para maging matatag at puno ng pagmamahal ang isang pamilya.

 Mas magiging handa ba kayo sa buhay may-asawa kung magsasama muna kayo?

 Sabi ng iba, oo. Iniisip nilang mas gaganda ang pagsasama nila kung araw-araw nilang makikita ang isa’t isa at magtutulungan sila sa mga gawaing-bahay. Pero ang commitment ang isa sa mga susi para maging matagumpay ang pag-aasawa.

 Hindi makakatulong sa isang lalaki at babaeng nagpaplanong mag-asawa kung susubukan muna nilang magsama, pero pareho naman nilang iniisip na puwede nilang putulin ang relasyon kahit kailan nila gusto. Kailangan kasi nilang matutunan na huwag mag-iwanan kahit may mga problema. Mas titibay ang relasyon nila kung pareho talaga silang committed sa isa’t isa at magtutulungan para masolusyunan ang mga problema.

 Tandaan: Hindi paghahanda para sa pag-aasawa ang pagsasama muna bago magpakasal. Ang totoo, baka paghahanda pa nga iyon para sa paghihiwalay.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”​—Galacia 6:7.

 Mas magiging handa ba kayo sa pinansiyal kung magsasama muna kayo?

 Sabi ng iba, oo. Ayon sa isang survey sa United States ng Pew Research Center, mga 40 porsiyento ng mga nagsasama bago magpakasal ang nagsabi na ginawa nila iyon para makatipid. Pero marami sa kanila ang nagsabi na pagkatapos nilang magsama nang ilang panahon, hindi pa rin sila handang magpakasal, kasi pakiramdam nila hindi pa sapat ang ipon nila.

 May iba pang hindi magandang resulta ang pagli-live in, lalo na para sa mga babae. Halimbawa, kapag naghiwalay ang lalaki at babae, madalas na sa babae napupunta ang responsibilidad ng pagpapalaki ng mga anak.

 Tandaan: Mas marami ang di-magandang resulta ng pagsasama bago magpakasal kaysa sa inaasahang pakinabang nito.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka.”​—Isaias 48:17.

 Mas maiiwasan mo bang magpakasal sa maling tao kung magsasama muna kayo?

 Sabi ng iba, oo. Pero “madalas na hindi naiisip ng mga taong nagsasama bago magpakasal na mas mahihirapan na silang makipag-break,” ang sabi ng aklat na Fighting for Your Marriage. Bakit? Kasi kahit na may makita silang seryosong bagay na hindi talaga nila mapagkasunduan, mayroon na rin silang mga obligasyong pinaghahatian, gaya ng pag-aalaga ng isang hayop at pagbabayad ng renta. O baka magkakaanak na sila. Nakita ng mga researcher na ayaw nang maghiwalay ng ilang magka-live in dahil nasanay na silang magsama at ayaw na nilang gumawa ng mga pagbabago kahit na makakabuti iyon sa kanila. b Sinabi pa ng Fighting for Your Marriage: “Y’ong mga magbi-break sana, nagpakasal na lang, kasi mas madali na lang ituloy ang naumpisahan nila.”

 Tandaan: Imbes na makagawa ng magandang desisyon sa pag-aasawa, mas mahihirapan ka nang putulin ang isang di-magandang relasyon kung nagsasama na kayo bago magpakasal.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.”​—Kawikaan 22:3.

 Ano ang mas magandang gawin?

 Puwede mong maiwasan ang mga di-magandang resulta ng pakikipag-live in, at may magagawa ka para magtagumpay kung plano mong mag-asawa. Ano? Sundin ang mga payo ng Bibliya para sa pag-aasawa. Huwag magmadali para makilala mong mabuti ang plano mong mapangasawa. Gawin mo iyan bago kayo magsama sa iisang bahay bilang mag-asawa. Kung pipili ka ng mapapangasawa, huwag lang tumingin sa hitsura ng isang tao. Maganda na pareho kayo ng pinaniniwalaan at prinsipyo sa buhay.

 Kung pinaplano mong mag-asawa, may mga payo ang Bibliya na tutulong sa iyo para maging masaya at matatag ang magiging pagsasama ninyo bilang mag-asawa. c Halimbawa, matutulungan ka nito na . . .

 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga paksang ito, tingnan ang seksiyong “Pag-aasawa at Pamilya” sa jw.org.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.”​—2 Timoteo 3:16.

b Mula sa artikulong “Sliding Versus Deciding: Inertia and the Premarital Cohabitation Effect,” nina Scott M. Stanley, Galena Kline Rhoades, at Howard J. Markman, na inilathala sa journal na Family Relations.

c Sa ilang kultura, mahalaga ang opinyon ng mga magulang sa pipiliing asawa ng mga anak nila. Sa ganiyang sitwasyon, makakatulong ang mga payo ng Bibliya sa mga magulang para malaman kung anong mga katangian ang hahanapin nila.