Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Alak? Kasalanan Ba ang Uminom?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi kasalanan ang uminom ng alak nang katamtaman. Inilalarawan ng Bibliya ang alak bilang isang regalo mula sa Diyos na nakapagpapasaya sa buhay. (Awit 104:14, 15; Eclesiastes 3:13; 9:7) Kinikilala rin ng Bibliya ang paggamit ng alak bilang gamot.—1 Timoteo 5:23.
Si Jesus ay uminom ng alak noong narito siya sa lupa. (Mateo 26:29; Lucas 7:34) Alam ng marami ang himalang ginawa ni Jesus nang gawin niyang alak ang tubig bilang regalo sa isang handaan sa kasalan.—Juan 2:1-10.
Mga panganib ng sobrang pag-inom
Bagaman hindi itinuturing ng Bibliya na masama ang alak, hinahatulan nito ang sobrang pag-inom at paglalasing. Kaya kung iinom ng alak ang isang Kristiyano, dapat na katamtaman lang. (1 Timoteo 3:8; Tito 2:2, 3) Binabanggit ng Bibliya ang mga dahilan kung bakit dapat iwasan ang labis na pag-inom.
Nababawasan nito ang kakayahang mag-isip at magpasiya. (Kawikaan 23:29-35) Hindi magagawa ng taong lango ang utos ng Bibliya na “iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1.
Ang sobrang pag-inom ay nakakawala ng pagpipigil sa sarili at hiya at “nag-aalis ng mabuting motibo.”—Oseas 4:11; Efeso 5:18.
Maaaring maghirap at magkaroon ng malubhang sakit ang isa dahil dito.—Kawikaan 23:21, 31, 32.
Hindi natutuwa ang Diyos sa mga malakas uminom at lasenggo.—Kawikaan 23:20; Galacia 5:19-21.
Kailan masasabing sobra?
Masasabing sobra na ang nainom ng isa kapag siya o ang iba ay nalalagay sa panganib. Ayon sa Bibliya, mahahalata ang kalasingan, hindi kapag ang isa ay hinimatay, kundi kung siya ay nalilito at wala sa sarili, pasuray-suray, palaaway, o nabubulol. (Job 12:25; Awit 107:27; Kawikaan 23:29, 30, 33) Kahit na ang mga umiiwas na malasing ay puwede pa ring “mapabigatan ng ... labis na pag-inom” at magdusa dahil dito.—Lucas 21:34, 35.
Lubusang pag-iwas sa alak
Sinasabi rin ng Bibliya kung kailan dapat lubusang umiwas sa alak ang mga Kristiyano:
Kung makatitisod ito sa iba.—Roma 14:21.
Kung labag ito sa batas ng bansa.—Roma 13:1.
Kung hindi na makontrol ng isa ang kaniyang pag-inom. Ang mga alkoholiko ay dapat tumigil na sa pag-inom.—Mateo 5:29, 30.