Ano ang Kahulugan ng mga Numero sa Bibliya? Nasa Bibliya ba ang Numerolohiya?
Ang sagot ng Bibliya
Ang mga numero sa Bibliya ay maaaring unawain nang literal, pero kung minsan, makasagisag ang mga ito. Karaniwan nang makikita sa konteksto kung ang numero ay makasagisag. Isaalang-alang ang mga halimbawa ng mga numero sa Bibliya na may makasagisag na kahulugan:
1 Pagkakaisa. Halimbawa, nanalangin si Jesus sa Diyos na ang kaniyang mga tagasunod ay “maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo.”—Juan 17:21; Mateo 19:6.
2 Sa mga legal na usapin, ang dalawang saksi ay nagpapatunay na totoo ang isang bagay. (Deuteronomio 17:6) Sa katulad na paraan, ang pag-uulit ng isang pangitain o pangungusap ay nagpapatibay ng isang bagay na tiyak at totoo. Halimbawa, nang bigyang-kahulugan ni Jose ang isang panaginip na ibinigay kay Paraon ng Ehipto, sinabi niya: “Ang bagay na ang panaginip ay inulit kay Paraon nang makalawang ulit ay nangangahulugan na ang bagay ay matibay na naitatag para sa tunay na Diyos.” (Genesis 41:32) Sa hula, ang “dalawang sungay” ay maaaring tumukoy sa tambalang pamamahala, gaya ng isiniwalat kay propeta Daniel tungkol sa Imperyo ng Medo-Persia.—Daniel 8:20, 21; Apocalipsis 13:11.
3 Ang tatlong saksi ay matibay na nagpapatunay ng isang bagay na totoo. Sa katulad na paraan, ang pag-uulit ng tatlong beses ay nagpapatibay o nagdiriin nito.—Ezekiel 21:27; Gawa 10:9-16; Apocalipsis 4:8; 8:13.
4 Maaaring tumukoy ito sa pagiging kumpleto sa anyo o gawain, katulad ng pananalitang “apat na sulok ng lupa.”—Apocalipsis 7:1; 21:16; Isaias 11:12.
6 Dahil kulang ng isa para maging pito, na karaniwang lumalarawan sa pagiging kumpleto, ang anim ay sumasagisag sa isang bagay na hindi kumpleto o di-sakdal, o sa isang bagay na nauugnay sa mga kaaway ng Diyos.—1 Cronica 20:6; Daniel 3:1; Apocalipsis 13:18.
7 Ang numerong ito ay kadalasang sumasagisag sa ideya ng pagiging kumpleto. Halimbawa, ang mga Israelita ay inutusan ng Diyos na magmartsa sa palibot ng Jerico nang pitong magkakasunod na araw at magmartsa nang pitong beses sa ikapitong araw. (Josue 6:15) Maraming katulad na halimbawa sa Bibliya tungkol sa paggamit ng numerong pito. (Levitico 4:6; 25:8; 26:18; Awit 119:164; Apocalipsis 1:20; 13:1; 17:10) Nang sabihin ni Jesus kay Pedro na dapat niyang patawarin ang kaniyang kapatid “hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit,” ang pag-uulit ng “pito” ay nagpapahiwatig ng ideya na “walang takda.”—Mateo 18:21, 22.
10 Ang numerong ito ay sumasagisag sa kabuuan o kalipunan ng isang bagay.—Exodo 34:28; Lucas 19:13; Apocalipsis 2:10.
12 Ang numerong ito ay maaaring lumarawan sa isang kumpletong kaayusan ng Diyos. Halimbawa, kasama sa pangitain tungkol sa langit na ibinigay kay apostol Juan ang isang lunsod na may “labindalawang batong pundasyon, at sa mga iyon ay naroon ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol.” (Apocalipsis 21:14; Genesis 49:28) Ang pinaraming 12 ay maaaring may ganito ring kahulugan.—Apocalipsis 4:4; 7:4-8.
40 Ang ilang yugto ng paghatol o pagpaparusa ay iniuugnay sa numerong 40.—Genesis 7:4; Ezekiel 29:11, 12.
Numerolohiya at gematria
Ang makasagisag na kahulugan ng mga numerong ito sa Bibliya ay naiiba sa numerolohiya, ang paghahanap ng mahiwagang kahulugan ng mga numero, kombinasyon, at kabuuan nito. Halimbawa, sinuri ng mga Judiong tagapagtaguyod ng Cabala ang Hebreong Kasulatan gamit ang gematria, na naghahanap ng lihim na kodigo sa katumbas na numero na itinalaga sa mga titik. Ang numerolohiya ay isang anyo ng panghuhula na hinahatulan ng Diyos.—Deuteronomio 18:10-12.