Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging “Mabuting Samaritano”?
Ang sagot ng Bibliya
Ang pananalitang “Mabuting Samaritano” ay kadalasang ginagamit para ilarawan ang isang taong tumutulong sa mga nangangailangan. Nanggaling iyan sa isang talinghaga na ikinuwento ni Jesus para ipakita na ang isang mabuting kapuwa ay maawain at tumutulong sa iba anuman ang lahi nito o pinagmulan.
Sa artikulong ito
Ano ang talinghaga ng “Mabuting Samaritano”?
Sa maikli, ito ang talinghagang ikinuwento ni Jesus: Isang Judio ang naglalakbay mula Jerusalem papuntang Jerico. Habang naglalakbay, ninakawan siya, binugbog, at iniwang halos patay na.
Isang Judiong saserdote ang nakakita sa kaniya sa daan. Pagkatapos, may dumaan ding isang Judiong lider ng relihiyon. Kahit na kalahi nila ang manlalakbay, pareho silang hindi huminto para tulungan ang lalaki.
Pagkatapos, isang lalaki na iba ang lahi ang dumaan doon. Isa siyang Samaritano. (Lucas 10:33; 17:16-18) Naawa siya sa manlalakbay, kaya ginamot niya ang mga sugat nito. Dinala niya ito sa isang bahay-tuluyan at inalagaan ito magdamag. Kinabukasan, binayaran niya ang may-ari ng bahay-tuluyan para alagaan ang manlalakbay at nangakong babayaran niya ang anumang magastos pa nito.—Lucas 10:30-35.
Bakit sinabi ni Jesus ang talinghagang ito?
Sinabi ito ni Jesus sa isang taong nag-aakala na ang mga kalahi at karelihiyon lang niya ang mga kapuwa niya. Gustong ituro ni Jesus sa taong ito na ang kaniyang “kapuwa” ay hindi lang ang mga kalahi niyang Judio. (Lucas 10:36, 37) Isinama sa Bibliya ang ulat na ito para matutuhan ito ng mga gustong mapasaya ang Diyos.—2 Timoteo 3:16, 17.
Ano ang aral ng talinghaga?
Itinuturo ng kuwentong ito na ang isang mabuting kapuwa ay kumikilos dahil sa awa. Tinutulungan niya ang isang taong nagdurusa—anuman ang pinagmulan o lahi nito. Ginagawa ng isang mabuting kapuwa ang mga bagay na gusto niyang gawin din sa kaniya ng iba.—Mateo 7:12.
Sino ang mga Samaritano?
Nakatira noon ang mga Samaritano sa isang lupain sa hilaga ng Judea. Kabilang sa kanila ang mga inapo ng mga Judiong nag-asawa ng mga di-Judio.
Pagdating ng unang siglo C.E., may sarili nang relihiyon ang mga Samaritano. Tanggap nila ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan pero karaniwan nang hindi nila pinapaniwalaan ang sumunod pang mga aklat.
Maraming Judio noong panahon ni Jesus ang galít sa mga Samaritano at iniiwasan nila ang mga ito. (Juan 4:9) Ginagamit ng ilang Judio ang salitang “Samaritano” bilang pang-insulto.—Juan 8:48.
Nangyari ba talaga ang kuwento tungkol sa “Mabuting Samaritano”?
Hindi sinasabi ng Kasulatan kung isang totoong pangyayari ang talinghaga tungkol sa Samaritano. Pero kapag nagtuturo si Jesus, madalas siyang gumamit ng mga kaugalian at lugar na alam ng marami para madaling maintindihan ang punto na gusto niyang palitawin.
Totoo ang maraming detalye sa talinghagang ito. Halimbawa:
Ang daan mula Jerusalem papuntang Jerico ay mahigit 20 kilometro. Matarik ito—pababa nang 1 kilometro. Tama ang pagkakasabi ng ulat na ang mga naglakbay papuntang Jerico ay “bumaba mula sa Jerusalem.”—Lucas 10:30, talababa.
Dito dumadaan ang mga saserdote at Levitang nakatira sa Jerico na regular na pumupunta sa Jerusalem.
Madalas na may mga magnanakaw na nagtatago sa daang ito at nag-aabang ng mabibiktima nila, lalo na kung nag-iisa ito.