Dapat ba Akong Manalangin sa mga Santo?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Ipinakikita ng Bibliya na sa Diyos lang tayo dapat manalangin, sa pangalan ni Jesus. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo.” (Mateo 6:9, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Hindi niya kailanman tinuruan ang kaniyang mga alagad na manalangin sa mga santo, anghel, o sa kaninuman maliban sa Diyos.
Sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6, BSP) Si Jesus lang ang binigyan ng Diyos ng awtoridad na mamagitan para sa atin.—Hebreo 7:25.
Paano kung mananalangin ako sa Diyos pero mananalangin din sa mga santo?
Sa isang bahagi ng Sampung Utos, sinabi ng Diyos: “Akong PANGINOON mong Dios ay Dios na mapanibughuin.” (Exodo 20:5, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Bakit masasabing “mapanibughuin” ang Diyos? Makikita sa talababa ng New American Bible na ang salitang “mapanibughuin” ay nangangahulugang “humihingi ng bukod-tanging katapatan.” Ayaw ng Diyos na magkaroon ng kaagaw sa ating gawa ng katapatan o pagsamba sa kaniya. Kaya sa kaniya lang tayo dapat manalangin.—Isaias 48:11.
Nasasaktan ang Diyos kapag nananalangin tayo sa iba, kahit pa sa mga santo o sa mga banal na anghel. Nang tangkain ni apostol Juan na sambahin ang isang anghel, pinigilan siya nito at sinabi: “Huwag! Isa lamang akong lingkod na gaya mo at ng mga kapatid mong taglay ang pagpapatotoo ni Jesus. . . . Diyos ang dapat mong sambahin.”—Pagbubunyag [o, Apocalipsis] 19:10, BSP.