Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol kay Daniel?
Ang sagot ng Bibliya
Si Daniel ay isang natatanging propetang Judio noong 700 at 600 B.C.E. Sa tulong ng Diyos, kaya niyang bigyang-kahulugan ang mga panaginip. Binigyan din siya ng mga pangitain tungkol sa mangyayari sa hinaharap, at ginabayan siya para isulat ang aklat ng Bibliya na ipinangalan sa kaniya.—Daniel 1:17; 2:19.
Sino si Daniel?
Lumaki si Daniel sa Juda, isang kaharian kung saan nandoon ang lunsod ng Jerusalem at ang templo ng mga Judio. Noong 617 B.C.E., nabihag ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ang Jerusalem at kinuha niya ang “mga prominenteng tao sa lupain” para gawing tapon sa Babilonya. (2 Hari 24:15; Daniel 1:1) Malamang na tin-edyer na si Daniel noon, at kasama siya sa mga kinuha.
Si Daniel at ang iba pang kabataan (kasama na sina Sadrac, Mesac, at Abednego) ay dinala sa palasyo ng Babilonya. Tatanggap sila ng espesyal na pagsasanay para maglingkod sa pamahalaan. Kahit pinipilit silang ikompromiso ang mga paniniwala nila, si Daniel at ang tatlong kaibigan niya ay nanatiling tapat sa Diyos nila, si Jehova. (Daniel 1:3-8) Pagkatapos sanayin nang tatlong taon, pinuri sila ni Haring Nabucodonosor dahil sa karunungan at kakayahan nila. Nakita niyang “mas magaling sila nang 10 beses kaysa sa lahat ng mahikong saserdote at salamangkero sa kaharian niya.” Kaya inatasan niya si Daniel at ang tatlong kaibigan nito na maglingkod sa palasyo ng hari.—Daniel 1:18-20.
Pagkalipas nang ilang dekada, malamang na lampas 90 na si Daniel, inutusan siya ni Belsasar, ang namamahala noon sa Babilonya, na bigyang-kahulugan ang misteryosong sulat-kamay na lumitaw sa pader. Sa tulong ng Diyos, ipinaliwanag ni Daniel na masasakop ng Imperyo ng Medo-Persia ang Babilonya. Nang gabi ring iyon, sinakop nga ang Babilonya.—Daniel 5:1, 13-31.
Ngayon, sa ilalim ng pamamahala ng Medo-Persia, inatasan si Daniel na maging mataas na opisyal, at iniisip ni Haring Dario na itaas pa ang posisyon niya. (Daniel 6:1-3) Dahil sa inggit, pinlano ng ibang opisyal na maipatapon si Daniel sa yungib ng mga leon para mamatay siya, pero iniligtas siya ni Jehova. (Daniel 6:4-23) Noong malapit nang mamatay si Daniel, isang anghel ang nagpakita sa kaniya at dalawang beses nitong tiniyak kay Daniel na siya ay “talagang kalugod-lugod.”—Daniel 10:11, 19.
Panoorin ang dalawang bahagi ng drama sa Bibliya na Daniel—Nanampalataya Hanggang Wakas.