Pumunta sa nilalaman

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Guyana

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Guyana

 “Kulang ang salita para ilarawan ang kagalakang nadama ko nang maglingkod ako sa lugar na mas malaki ang pangangailangan!” Iyan ang sabi ni Joshua, na nakatira sa United States pero naglingkod ng ilang panahon sa Guyana. Ganiyan din ang nadama ng maraming Saksi na naglingkod sa mga bansa sa Timog Amerika na maraming interesado sa katotohanan. a Anong mga aral ang matututuhan natin sa mga naglingkod bilang need-greater? Kung gusto mong maglingkod sa mga banyagang lupain, paano ka maihahanda ng mga karanasan nila?

Ano ang Nagpakilos sa Kanila?

Linel

 Bago lumipat sa Guyana, si Linel na taga-United States ay nangaral sa mga teritoryong bihirang gawin sa kanilang bansa. “Kasama ako sa isang grupo ng 20 kapatid na inatasan sa isang probinsiya sa West Virginia,” ang sabi niya. “Binago ng dalawang-linggong pangangaral at masayang samahan ang buhay ko! Mas naging determinado ako na paglingkuran si Jehova sa abot ng aking makakaya.”

Sina Erica at Garth

 Pinag-isipang mabuti ng mag-asawang sina Garth at Erica ang paglilingkod sa isang banyagang lupain, at napili nila ang Guyana. Bakit? “May kilala kaming mag-asawa na lumipat doon,” ang paliwanag ni Erica. “Masaya sila at gustong-gusto nila ang gawain nila doon kaya napasigla kami na lumipat din.” Masayang naglingkod doon sina Erica at Garth nang tatlong taon at itinuring nila itong “minamahal na atas.” Sinabi ni Garth: “Sinubukan naming maglingkod sa banyagang lupain at napatunayan naming masaya ito.” Nang maglaon, silang mag-asawa ay nag-aral sa Paaralang Gilead at naglilingkod na ngayon sa Bolivia.

Ang mga naglilingkod sa mga banyagang lupain ay masayang nangangaral sa kanilang mabungang teritoryo

Paano Sila Naghanda?

 Pinapasigla tayo ng mga prinsipyo sa Bibliya na mamuhay nang simple. (Hebreo 13:5) Pinapasigla rin tayo na kuwentahin ang gastusin bago gumawa ng malalaking desisyon. (Lucas 14:26-33) Tiyak na kasama riyan ang paglipat sa isang banyagang bansa! Isinulat ni Garth: “Bago kami lumipat sa Guyana, pinasimple namin ni Erica ang buhay namin. Ibinenta namin ang aming negosyo, bahay, at lahat ng gamit na nakatambak lang sa aming bahay. Inabot ito ng ilang taon. Habang ginagawa namin ito, lagi naming iniisip ang paglilingkod sa Guyana at pumupunta kami roon taon-taon.”

Sina Sinead at Paul

 Dapat ding pag-isipan kung paano susuportahan ang sarili. Ang ilang need-greater ay nakakapagtrabaho sa nilipatan nilang lugar kung ipinapahintulot ito ng batas doon. Nang lumipat naman ang ilan, nadala nila ang trabaho nila dahil sa Internet. May iba naman na bumabalik sa kanilang bansa nang ilang panahon para magtrabaho. Ang mag-asawang sina Paul at Sinead ay bumabalik sa Ireland minsan sa isang taon para magtrabaho. Dahil dito, masaya silang nakapaglingkod sa Guyana nang 18 taon, kasama na ang pitong taon matapos silang magkaanak.

Sina Christopher at Lorissa

 Sinasabi sa Awit 37:5: “Ipagkatiwala mo kay Jehova ang landasin mo; manalig ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo.” Laging ipinapanalangin nina Christopher at Lorissa na taga-United States ang tunguhin nilang maglingkod sa isang banyagang lupain. At sa kanilang pampamilyang pagsamba, pinag-uusapan nila ang mga dapat nilang gawin, at inililista ang mga bentaha at disbentaha ng kanilang paglipat. Malaking hamon sa kanila ang matuto ng bagong wika, kaya pinili nila ang Guyana dahil Ingles ang opisyal na wika roon.

 Pagkatapos, sinunod nila ang prinsipyo sa Kawikaan 15:22: “Nabibigo ang plano kapag hindi napag-uusapan, pero nagtatagumpay ito kapag marami ang tagapayo.” Sumulat sila sa tanggapang pansangay na nangangasiwa sa gawain sa Guyana, b at sinabi nila kung kailan sila puwedeng maglingkod doon pati na ang ilang impormasyon tungkol sa kanila. Nagtanong din sila tungkol sa serbisyong medikal, klima, at mga kaugalian doon. Sumagot ang sangay at ibinigay ang kanilang impormasyon sa mga elder sa lugar na lilipatan nila.

 Si Linel, na nabanggit kanina, ay naglilingkod na ngayon bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa Guyana. Bago lumipat, sinunod din niya ang prinsipyo sa Kawikaan 15:22. “Bukod sa pag-iipon para sa biyahe,” sinabi niya, “nakipag-usap ako sa iba na nakapaglingkod na sa banyagang lupain. Ipinakipag-usap ko ito sa pamilya ko, sa mga elder sa kongregasyon, at sa aming tagapangasiwa ng sirkito. At nagbasa rin ako ng mga publikasyon tungkol sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.”

Sina Joseph at Christina

 Marami sa mga gustong maglingkod bilang need-greater ang bumibisita muna sa lugar kung saan nila gustong maglingkod. “Nang unang beses kaming pumunta sa Guyana,” sabi ng mag-asawang sina Joseph at Christina, “tumira kami roon nang tatlong buwan. Sapat na ang panahong iyon para makita namin kung ano ang magiging kalagayan namin doon. ’Tapos, bumalik kami sa amin, inayos ang mga bagay-bagay, at saka lumipat.”

Paano Sila Nag-adjust?

Joshua

 Para magtagumpay sa paglilingkod sa banyagang lupain, kailangan ng mga need-greater na magsakripisyo at makibagay sa lokal na mga kalagayan at kaugalian. Halimbawa, kadalasan nang naninibago ang mga galing sa malamig na lugar na lumipat sa tropikong lugar dahil sa dami ng insekto roon. “Hindi ako sanay sa maraming insekto,” sabi ni Joshua, na nabanggit kanina. “At parang mas malaki ang mga nandito sa Guyana! Pero nasanay rin ako. Nalaman ko rin na para mabawasan ang mga insekto, kailangan na laging malinis ang bahay. Kasama rito ang paghuhugas ng pinggan, pagtatapon ng basura, at regular na paglilinis ng bahay.”

 Para makapag-adjust sa ibang bansa, kailangan mo ring matutuhang kainin at lutuin ang mga putahe roon. “Nagtanong kami ng roommate ko sa mga kapatid kung paano magluto ng pagkain nila,” naalala ni Joshua. “Kapag natutuhan na namin kung paano lutuin ang isang bagong putahe, iimbitahan namin ang ilan sa kongregasyon para pagsaluhan ito. Pagkakataon din ito para makilala ang mga kapatid at mas mapalapít sa kanila.”

Sina Paul at Kathleen

 Tungkol sa lokal na kaugalian, naalala nina Paul at Kathleen: “Kailangan naming matutuhan kung ano ang mabuting asal doon at katanggap-tanggap na pananamit sa tropikong lugar—mga bagay na bago sa amin. Kailangan naming maging mapagpakumbaba at gumawa ng pagbabago nang hindi ikinokompromiso ang mga prinsipyo sa Bibliya. Dahil nakibagay kami sa kanilang kultura, napalapít kami sa kongregasyon at naging mas mabunga ang aming ministeryo.”

Paano Sila Nakinabang?

 Nadama nina Joseph at Christina ang naramdaman ng marami, sinabi nila: “Napakarami ng pagpapala kumpara sa mga pagsubok at problemang napaharap sa amin. Nang iwan namin ang mga nakasanayan namin, natulungan kami nitong baguhin ang mga priyoridad namin. Nakita namin na ang mga bagay na itinuturing naming mahalaga noon ay hindi pala ganoon kaimportante. Napakilos kami ng mga karanasan namin na patuloy na gawin ang lahat para kay Jehova. Talagang naging masaya at kontento kami.”

 Si Erica, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Ang paglilingkod bilang mga need-greater ay tumulong sa amin ng asawa ko na maunawaan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagtitiwala kay Jehova. Damang-dama namin ang tulong ni Jehova sa paraang hindi namin inaasahan. At dahil sa aming mga bagong karanasan, mas lalo kaming napalapít sa isa’t isa.”

a Ang kasaysayan ng gawain sa Guyana ay mababasa sa 2005 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova.

b Ang sangay sa Trinidad and Tobago ang nangangasiwa sa gawain doon.