Napagkamalang Pastor
Habang nagka-cart witnessing si Osman, ang misis niya, at ang anak nila sa labas ng isang sementeryo sa Chile, dumating ang isang malaking prusisyon ng libing na may malakas na tugtog. Napagkamalan ng ilan sa mga naroroon na si Osman ang pastor ng kanilang simbahan, kaya nilapitan nila siya, niyakap, at sinabi, “Pastor, salamat sa pagdating nang nasa oras. ’Buti, dumating kayo!”
Ipinaliwanag ni Osman na hindi siya ang pastor na inaasahan nila, pero hindi nila siya maintindihan dahil sa ingay ng mga tao. Mga ilang minuto pagpasok nila sa sementeryo, may mga bumalik sa kaniya at nagsabi, “Pastor, hinihintay na po kayo doon.”
Nang medyo tahimik na, nagawa nang magpakilala ni Osman at sinabi niya kung bakit siya naroroon. Nadismaya sila dahil hindi dumating ang pastor nila, kaya tinanong nila si Osman, “Puwede bang ikaw na lang ang magbigay ng kaunting mensahe mula sa Bibliya?” Pumayag naman si Osman.
Habang papunta sila sa libingan, tinanong sila ni Osman tungkol sa namatay at nag-isip siya ng mga teksto na puwede niyang ibahagi. Pagdating nila sa paglilibingan, nagpakilala siya at sinabi niya na isa siyang Saksi ni Jehova, at nakikibahagi siya sa pangangaral ng mabuting balita sa mga tao.
Gamit ang Apocalipsis 21:3, 4 at Juan 5:28, 29, ipinaliwanag niya na hindi layunin ng Diyos na mamatay ang tao. Sinabi niya na malapit nang buhaying muli ng Diyos ang mga patay, at may pag-asa silang mabuhay magpakailanman sa lupa. Nang matapos si Osman, niyakap siya ng mga tao at nagpasalamat sa “magandang balita na galing kay Jehova.” Pagkatapos, bumalik na si Osman sa pagka-cart witnessing.
Pagkatapos ng libing, pumunta sa cart ang ilan sa mga namatayan at nagtanong kay Osman at sa pamilya niya tungkol sa Bibliya. Mahaba ang naging pag-uusap nila. Nang paalis na ang mga ito, kumuha sila ng mga publikasyon at halos maubos ang lahat ng nasa cart.