Pumunta sa nilalaman

Nagbabahay-bahay ba ang mga Saksi ni Jehova Para Maligtas?

Nagbabahay-bahay ba ang mga Saksi ni Jehova Para Maligtas?

 Hindi. Regular kaming nangangaral sa bahay-bahay, pero hindi namin iniisip na ito ang magliligtas sa amin. (Efeso 2:8) Bakit?

 Isipin ito: Isang mabait na lalaki ang nangakong magbibigay ng mamahaling regalo sa lahat ng pupunta sa isang partikular na lugar sa petsang itinakda niya. Kung naniniwala ka sa pangako ng lalaking iyon, hindi ba’t susunod ka sa sinabi niya? At malamang na ibalita mo pa ito sa iyong mga kaibigan at kapamilya para makinabang din sila. Gayunman, hindi mo makukuha ang regalo dahil lang sa sumunod ka sa sinabi niya; matatanggap mo ito dahil gusto niya itong ibigay sa iyo.

 Sa katulad na paraan, naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan para sa mga sumusunod sa kaniya. (Roma 6:23) Ibinabahagi namin ang aming pananampalataya sa iba para makinabang din sila sa mga pangako ng Diyos. Pero hindi namin iniisip na ang gawaing ito ang magiging dahilan ng aming kaligtasan. (Roma 1:17; 3:28) Ang totoo, wala tayong anumang magagawa para maging karapat-dapat sa kahanga-hangang pagpapalang ito ng Diyos. “Iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mabubuting ginawa natin, kundi dahil sa kanyang kahabagan.”—Tito 3:5, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.