Bakit Hindi Nagdiriwang ng Pasko ang mga Saksi ni Jehova?
Mga maling akala
Maling akala: Hindi naniniwala kay Jesus ang mga Saksi ni Jehova kaya hindi sila nagpa-Pasko.
Ang totoo: Mga Kristiyano kami. Naniniwala kami na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo.—Gawa 4:12.
Maling akala: Pinaglalayo ninyo ang magkakapamilya dahil pinagbabawalan ninyong mag-Pasko ang mga tao.
Ang totoo: Napakahalaga sa amin ng pamilya, at ginagamit namin ang Bibliya para patibayin ang buklod ng mga pamilya.
Maling akala: Hindi ninyo nararamdaman ang “diwa ng Pasko”—ang pagbibigayan, kapayapaan, at kabutihang-loob.
Ang totoo: Sinisikap naming maging mapagbigay at mapagpayapa araw-araw. (Kawikaan 11:25; Roma 12:18) Halimbawa, kapag nagpupulong kami at nangangaral, sinusunod namin ang tagubilin ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Bukod diyan, itinuturo namin na tanging ang Kaharian ng Diyos ang magdudulot ng kapayapaan sa lupa.—Mateo 10:7.
Bakit hindi nagpa-Pasko ang mga Saksi ni Jehova?
Iniutos ni Jesus na alalahanin ang kaniyang kamatayan, hindi ang kapanganakan niya.—Lucas 22:19, 20.
Hindi nagdiwang ng Pasko ang mga apostol at alagad noon ni Jesus. Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia na “unang ipinagdiwang ang kapanganakan ni Jesus noon lamang 243 [C.E.],” mahigit isang siglo pagkamatay ng huling apostol.
Walang katibayan na Disyembre 25 ipinanganak si Jesus; wala sa Bibliya ang petsa ng kapanganakan niya.
Naniniwala kaming hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang Pasko dahil nagmula ito sa paganong mga tradisyon at ritwal.—2 Corinto 6:17.
Bakit hindi na lang kayo makigaya sa iba at magdiwang ng Pasko?
Marami ang nagdiriwang ng Pasko kahit alam nilang nagmula ito sa mga pagano at hindi sinusuportahan ng Bibliya. Baka maitanong nila: Kailangan ba talagang mapaiba ng mga Kristiyano?
Pinasisigla tayo ng Bibliya na gamitin ang sarili nating “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1, 2) Tinuturuan tayo nito na pahalagahan ang katotohanan. (Juan 4:23, 24) Kaya bagaman gusto naming magkaroon ng magandang impresyon, nanghahawakan pa rin kami sa mga simulain ng Bibliya kahit na hindi gusto ng mga tao ang paninindigang ito.
Hindi kami nagdiriwang ng Pasko pero iginagalang namin ang karapatan ng iba na magdesisyon para sa sarili niya. Hindi namin pinipigilan ang iba na magdiwang ng Pasko.