“Talagang Magandang Halimbawa Kayo!”
ANG mga Saksi ni Jehova sa Saponara, isang bayan sa Sicily, ay tumanggap ng plake dahil sa pagtulong nila sa mga biktima ng baha sa kanilang lugar.
Noong Nobyembre 22, 2011, nagkaroon ng matinding pagbaha sa ilang bayan at nayon sa lalawigan ng Messina. Nang gabing iyon sa Saponara, nagkaroon ng landslide at tatlo ang namatay—isang bata at dalawang adulto.
Ilang araw matapos ang sakuna, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-organisa ng grupo ng mga boluntaryo para mag-alis ng mga putik at kalat sa pinakaapektadong mga lugar.
Ang mga grupong ito ay nakipagtulungan sa awtoridad at nagprisintang tumulong kung saan sila higit na kailangan. Kahit bumuti-buti na ang sitwasyon, patuloy pa rin sila sa pagboboluntaryo. Mga 50 hanggang 80 Saksi ang tumulong, kasama na ang ilan na naglakbay pa nang mahigit 97 kilometro.
Maraming residente sa mga lugar na tinamaan ng sakuna ang nagpasalamat sa mga Saksi. Paulit-ulit na sinasabi ng mayor, “Talagang magandang halimbawa kayo!”
Makalipas ang limang buwan, bilang kinatawan ng lokal na pamahalaan, nagbigay ang konsehal na si Fabio Vinci ng plake sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Saponara.