Pumunta sa nilalaman

Kapag May Sakuna, Tumutulong Kami Udyok ng Pag-ibig

Kapag May Sakuna, Tumutulong Kami Udyok ng Pag-ibig

Sa panahon ng kagipitan, ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong sa mga kapananampalataya at iba pa. Ginagawa nila ito udyok ng pag-ibig, isang pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano.—Juan 13:35.

Narito ang ilan sa ginawang pagtulong sa loob ng 12 buwan na nagtapos sa kalagitnaan ng 2012. Hindi kasama sa listahan ang espirituwal at emosyonal na tulong na lagi nating inilalaan sa mga biktima ng sakuna.

Ang mga relief committee na inatasan ng ating mga tanggapang pansangay ang nag-organisa ng karamihan sa pagtulong. Pati mga lokal na kongregasyon ay lagi ring tumutulong.

Japan

Japan: Noong Marso 11, 2011, daan-daang libo ang naapektuhan ng lindol at tsunami sa hilagang Japan. Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nag-ambag ng pera, kakayahan, at iba pa para makatulong sa mga biktima.

Brazil: Daan-daan ang namatay dahil sa pagbaha, landslide, at mudslide. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpadala sa apektadong lugar ng 42 tonelada ng pagkaing hindi madaling masira, 20,000 bottled water, 10 tonelada ng damit, at 5 tonelada ng mga suplay para sa paglilinis, pati mga gamot at iba pa.

Congo (Brazzaville): Nang sumabog ang isang bodega ng armas, 4 na bahay ng mga Saksi ni Jehova ang nawasak at 28 ang nasira. Nagbigay ng pagkain at damit sa mga biktima, at pinatuloy ng mga Saksi sa kanilang bahay ang mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog.

Congo (Kinshasa): Naglaan ng gamot sa mga biktima ng kolera. Nagbigay ng damit sa mga naapektuhan ng bahang dulot ng malakas na pag-ulan. Nagbigay ng medikal na tulong, binhi, at tone-toneladang damit sa mga nasa refugee camp.

Venezuela: Bumaha at nagkaroon ng mudslide dahil sa malalakas na pag-ulan. Tumulong ang mga relief committee sa 288 Saksi na naapektuhan. Mahigit 50 bahay ang itinayo. Ang mga relief committee ay tumutulong din sa mga nakatira sa mga lugar na nanganganib lumubog dahil sa pagtaas ng tubig sa Lake Valencia.

Pilipinas

Pilipinas: Binaha ang ilang bahagi ng bansa dahil sa mga bagyo. Ang sangay ay nagpadala ng pagkain at damit sa mga biktima, at tumulong sa paglilinis ang lokal na mga Saksi nang humupa na ang tubig.

Canada: Pagkatapos ng isang malaking sunog sa kagubatan sa Alberta, ang mga Saksi sa rehiyon ay nagbigay sa Slave Lake Congregation ng malaki-laking donasyon para sa paglilinis. Dahil sumobra ang pera, iniabuloy ng kongregasyon ang mahigit sa kalahati nito sa mga biktima ng sakuna sa iba pang bahagi ng mundo.

Côte d’Ivoire: Ang mga naapektuhan ng digmaan sa bansa ay binigyan ng suplay na kailangan nila, tuluyan, at medikal na serbisyo bago, sa panahon, at pagkatapos ng digmaan.

Fiji: Dumanas ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng bansa dahil sa malalakas na pag-ulan. Nasira ang bukirin na siyang pinagkukunan ng pagkain at kita ng karamihan sa 192 pamilyang Saksi na naapektuhan ng pagbaha. Binigyan sila ng suplay ng pagkain.

Ghana: Binigyan ng pagkain, binhi, at tirahan ang mga biktima ng baha sa silangang rehiyon ng bansa.

United States: Dahil sa mga buhawi, 66 na bahay ng mga Saksi sa tatlong estado ang nasira, at 12 ang nawasak. Karamihan sa mga may-ari ng bahay ay may insurance, pero binigyan din sila ng pinansiyal na suporta.

Argentina: Tumulong ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga nasa timog ng bansa na ang bahay ay nasira ng abong ibinuga ng bulkan.

Mozambique: Pinaglaanan ng pagkain ang mahigit 1,000 katao na naapektuhan ng tagtuyot.

Nigeria: Binigyan ng pinansiyal na tulong ang dalawang dosenang Saksi na nasaktan dahil sa isang grabeng aksidente sa bus. Tinulungan din ang marami sa hilaga ng bansa na nawalan ng tirahan dahil sa labanan ng magkakaibang lahi at relihiyon.

Benin: Binigyan ng gamot, damit, kulambo, malinis na tubig, at tuluyan ang mga biktima ng matinding pagbaha.

Dominican Republic

Dominican Republic: Matapos manalanta ang Bagyong Irene, tumulong ang mga lokal na kongregasyon sa pagkukumpuni ng mga bahay at paglalaan ng materyal na suporta.

Ethiopia: Naglaan ng pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan sa dalawang lugar na may tagtuyot at isang lugar na binaha.

Kenya: Pinaglaanan ng pondo ang mga biktima ng tagtuyot.

Malawi: Tinulungan ang mga nakatira sa refugee camp sa Dzaleka.

Nepal: Nasira ang bahay ng isang Saksi dahil sa landslide. Binigyan siya ng pansamantalang matutuluyan, at tinulungan siya ng lokal na kongregasyon.

Papua New Guinea: Sinunog ng mga arsonista ang walong bahay na pag-aari ng mga Saksi. May mga kaayusan na para maitayong muli ang mga bahay.

Romania: Nawalan ng bahay ang ilang Saksi dahil sa pagbaha. Binigyan sila ng tulong para maitayong muli ang mga ito.

Mali: Ang mga Saksi sa kalapit na Senegal ay nagbigay ng materyal na tulong para sa mga kapos sa pagkain dahil sa mahinang aning idinulot ng tagtuyot.

Sierra Leone: Ang mga doktor na Saksi mula sa France ay nagbigay ng medikal na tulong sa mga Saksi ni Jehova na nakatira sa mga lugar na sinalanta ng digmaan.

Thailand: Malaking pinsala ang idinulot ng matitinding pagbaha sa ilang probinsiya. Kinumpuni at nilinis ng mga relief team ang 100 bahay at 6 na Kingdom Hall.

Czech Republic: Matapos pinsalain ng pagbaha ang mga bahay dito, tumulong ang mga Saksi mula sa kalapit na Slovakia.

Sri Lanka: Malapit nang matapos ang pagtulong sa mga biktima ng tsunami rito.

Sudan: Pinadalhan ng pagkain, damit, sapatos, at mga plastic sheet ang mga Saksi ni Jehova na lumikas dahil sa digmaan sa bansa.

Tanzania: Dahil sa matinding pagbaha, 14 na pamilya ang nawalan ng mga pag-aari. Nagbigay ng damit at mga gamit sa bahay ang mga kongregasyon doon. Isang bahay ang itinayong muli.

Zimbabwe: Dahil sa tagtuyot, nagkaroon ng taggutom sa isang bahagi ng bansa. Binigyan ng pagkain at pera ang mga naapektuhan.

Burundi: Pinaglalaanan ng tulong, pati na ng medikal na pangangalaga, ang mga refugee.