Isang Libong Kingdom Hall at Nadaragdagan Pa
Noong Agosto 2013, isang mahalagang pangyayari ang naganap sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas nang maitayo nila ang ika-1,000 Kingdom Hall sa ilalim ng natatanging programa ng pagtatayo. Gaya ng sitwasyon sa maraming lupain, ang mga kongregasyon sa Pilipinas ay kadalasan nang walang sapat na pera o karanasan para makapagtayo ng sarili nilang Kingdom Hall. Sa loob ng maraming taon, ang ilan ay nagpupulong sa mga bahay, at ang ilan naman ay sa maliliit na istrakturang gawa sa kawayan.
Dahil sa patuloy na pagdami ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas at sa maraming iba pang bansa, lumaki ang pangangailangan para sa bagong mga Kingdom Hall. Kaya noong 1999, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay bumuo ng isang programa para makapagtayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Sa ilalim ng programang ito, ang lokal na mga Saksi ay nag-aabuloy ng kung ano ang kaya nila, at dinaragdagan iyon ng mga donasyon mula sa ibang mga bansa. May mga Saksing sinanay sa konstruksiyon na inorganisa sa mga grupo para tumulong sa mga kongregasyon na magtayo ng sariling Kingdom Hall. Noong Nobyembre 2001, ang internasyonal na programang ito ay sinimulan sa Pilipinas.
Si Iluminado ay isang Saksi sa Marilao, Bulacan, kung saan itinayo ang ika-1,000 Kingdom Hall. Sinabi niya: “Talagang naranasan ko ang kapatirang Kristiyano. Napakaraming nagboluntaryo—lalaki’t babae, bata’t matanda. Sama-sama kaming nagtrabaho kahit tirik na tirik ang araw. Pagód man sa maghapong pagtatrabaho, masaya naman kami kapag nakikita namin ang nagawa namin nang sama-sama.”
Namangha rin ang mga di-Saksi sa kasipagan ng mga boluntaryo. Ang may-ari ng trak na nag-deliver ng buhangin at graba ay nagsabi: “Para kayong mga langgam—napakarami n’yo! Tumutulong ang lahat. Ngayon lang ako nakakita ng gan’to.”
Natapos ng mga boluntaryo ang pagtatayo ng Kingdom Hall nang wala pang anim na linggo. Dahil sa mabilis na pagtatayo, lubusan pa ring nakabahagi ang kongregasyon sa mahalagang gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
Ganito ang sinabi ni Ellen, isa pang Saksi na tagaroon: “Hindi na kami magkasya sa luma naming Kingdom Hall, at marami sa amin ang sa labas na umuupo. Maganda ang bagong Kingdom Hall at mas komportable, kaya lalo kaming makikinabang sa mga pagtuturo at pampatibay-loob sa mga pulong.”