Pumunta sa nilalaman

Libreng Audio Recording ng Bibliya na May Daan-daang Tagabasa

Libreng Audio Recording ng Bibliya na May Daan-daang Tagabasa

“Kawili-wili, nakakapukaw ng isip, mapuwersa.”

“Nagiging buháy na buháy ang pagbabasa ng Bibliya.”

“Nakakadala ng damdamin! Naging mas totoong-totoo sa akin ang mga ulat ng Bibliya.”

Karaniwan nang ganito ang komento ng mga nakapakinig ng audio recording ng aklat ng Bibliya na Mateo, na available sa jw.org sa wikang Ingles.

Sinimulang irekord ng mga Saksi ni Jehova ang unang audio version ng Bibliya noong 1978. Nang maglaon, inilabas sa 20 wika ang mga audio recording ng bersiyong iyan ng Bibliya, sa kabuoan o ilang bahagi nito.

Dahil sa nirebisang edisyon ng New World Translation noong 2013, kinailangang i-update ang mga recording. Pero di-gaya ng naunang audio version, na may tatlong tagabasa lang, ang bagong recording na ito ay may iba’t ibang boses para sa mahigit 1,000 tauhan sa Bibliya.

Ang pagkakaroon ng iba’t ibang tagabasa ay nakatutulong sa mga tagapakinig na mailarawan sa isip ang mga pangyayaring nakaulat sa Bibliya. Bagaman ang mga recording na ito ay hindi gaya ng audio drama na pagbabasa ng Bibliya na may sound effect at musika, buháy na buháy pa rin ito.

Dahil napakaraming tagabasa ang ganitong proyekto, kailangan ang mabuting pagpaplano. Inalam muna ng mga researcher kung sino ang nagsasalita sa bawat teksto, kung ano ang kahulugan nito, at kung anong damdamin ang ipinahahayag dito. Halimbawa, kung may sinabi ang isang apostol pero hindi naman binanggit ang pangalan nito sa ulat ng Bibliya, kaninong boses ang dapat gamitin? Kung ang mga pananalita ay nagpapahayag ng pag-aalinlangan, maaaring kay Tomas iyon; pero kung padalos-dalos naman, maaaring kay Pedro iyon.

Isinaalang-alang din ang edad ng mga tauhan. Para sa kabataang apostol Juan, boses ng isang kabataan ang kailangan; para naman sa matandang apostol Juan, boses ng isang matanda ang ginamit.

Karagdagan pa, kailangang humanap ng mahuhusay na tagabasa. Karamihan ng kinukuha ay naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. May mga audition para sa potensiyal na tagabasa, at hinihilingan silang magbasa mula sa isang parapo sa magasing Gumising! Pinagbabasa rin sila ng mga dialogue mula sa Bibliya na nagpapahayag ng mga damdaming gaya ng galit, lungkot, tuwa, o pagkadismaya. Nakatutulong ang mga audition na ito para makita ang kakayahan ng mga tagabasa at malaman kung saan sila babagay.

Kapag naibigay na ang mga atas, ang mga tagabasa ay pupunta sa isa sa mga recording studio sa Brooklyn o Patterson, kung saan irerekord ang mga babasahin nilang linya. Titiyakin ng coach na naipahahayag ng mga tagabasa ang tamang tono, o kalidad ng boses. Ang script ng coach at ng tagabasa ay may mga tagubilin para sa pagdiriin at saglit na paghinto. Ginagamit din ng coach bilang guide ang recording ng mga naunang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin.

Ang ilang editing ay ginagawa sa studio sa panahon ng recording. Kung minsan, para makuha ang pinakamagandang pagbasa, pinagsasama-sama ng mga editor ang mga salita o pangungusap mula sa ilang retake.

Hindi pa alam kung gaano katagal makukumpleto ang recording ng 2013 rebisyon ng New World Translation. Pero sa tuwing may matatapos na recording ng isang aklat ng Bibliya, ia-upload ito sa jw.org, at isang audio icon ang makikita katabi ng pangalan ng aklat ng Bibliya sa ilalim ng “Books of the Bible.”