Pumunta sa nilalaman

Isang Farm na Nagpapakain ng Milyun-milyon

Isang Farm na Nagpapakain ng Milyun-milyon

Apatnapung taon na ang nakararaan, noong Pebrero 2, 1973, isinet up sa Wallkill, New York, U.S.A., ang mga bagong makina na maglilimbag ng mga magasing Bantayan at Gumising!

Sampung taon bago nito, ang mga Saksi ni Jehova ay bumili roon ng property na gagawing farm, na magsusuplay ng pagkain sa personnel na nasa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York. Pero ngayon, gagamitin din ang property na ito para maglaan ng ibang uri ng pagkain—espirituwal na pagkain.—Mateo 24:45-47.

Watchtower Farms, Wallkill, New York, maagang bahagi ng dekada ’70

Ganito ang sabi ni Philip Wilcox, tagapangasiwa noon ng pressroom, tungkol sa unang araw na pinaandar ang mga makina sa Wallkill: “Mga isang buwan din bago namin na-assemble ang mga high-speed rotary web press na iyon. Ngayong handa na ang mga makina, tinesting namin ang mga ito. Ilang sandali lang, mayroon na kaming ilang libong magasin. Ipinadala namin ang mga magasin sa aming printery sa Brooklyn, at ang mga ito ay ipinadala kasama ng mga order ng mga kongregasyon. Ayaw naming masayang ang kahit isang magasin.”

Itinayo ng mga Saksi ni Jehova ang bagong printery na ito bilang karagdagan sa kanilang malaking palimbagan na nasa Brooklyn noon. Pagsapit ng unang bahagi ng dekada ’70, mas malaki na ang pangangailangan para sa mga literatura sa Bibliya kaysa sa kayang ilimbag sa maghapon, kung kaya nagkaroon ng night shift sa printery sa Brooklyn para lang matugunan ang pangangailangan.

Itaas: Instalasyon ng unang M.A.N. press sa Wallkill, Enero 1973. Ibaba: Paglalagay ng papel sa M.A.N. press

Nang makumpleto ang unang printery building sa Wallkill, mayroon itong apat na printing press, isang shipping facility, at isang Kingdom Hall. Pero bago pa man ito magamit nang lubusan, sinimulan na ang konstruksiyon ng isang mas malaking gusali na karugtong ng unang gusali. Napakalaki ng pangangailangan sa mga literatura sa Bibliya kung kaya anim na karagdagang makina ang inilagay sa ikalawang gusali kahit hindi pa ito tapós.

Sa paglipas ng mga taon, sumulong ang teknolohiya sa pag-iimprenta at lumaki ang pangangailangan sa aming mga literatura sa Bibliya. Para matugunan ang mga pagbabagong ito, ilang ulit naming inayos at pinalawak ang printery sa Wallkill. Ang lumang kagamitan para sa letterpress ay pinalitan ng mga high-speed offset press noong dekada ’80.

Noong 2004, isinara ang printery sa Brooklyn, at sa kauna-unahang pagkakataon, sinimulang ilimbag ang mga aklat sa Wallkill. Noong 2010, ang paglilimbag ng magasin ay inilipat sa hilaga, sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Canada. Ang bagong makina roon ay nakapag-iimprenta ng 200,000 magasin bawat oras.

Itaas: Paghahanda ng mga signature para sa bindery line sa Wallkill, 2005. Ibaba: Watchtower Farms, Wallkill, New York, 2013

Sa ngayon, ang printery sa Wallkill ay fully automated, gumagamit ng pinakamodernong teknolohiya, at may 281 boluntaryong mga lalaki’t babae. Noong nakaraang taon, mahigit 17 milyong aklat at Bibliya ang nailimbag doon. Bukod sa mga printery sa Wallkill at Canada sa North America, ang mga Saksi ni Jehova ay may 13 pang printery—sa Aprika, Asia, Australia, Europa, at South America—na tumutugon sa espirituwal na pangangailangan ng milyun-milyon.—Mateo 5:3.