MULA SA AMING ARCHIVE
Mga Saksi ni Jehova sa New Zealand—Mapayapa at Taimtim na mga Kristiyano?
Noong Oktubre 21, 1940, tinukoy ng New Zealand ang mga Saksi ni Jehova bilang isang rebeldeng organisasyon at isang panganib sa publiko. Kahit nagdulot ito ng mahirap na kalagayan para sa mga Saksi ni Jehova, hindi sila nasiraan ng loob. Halimbawa, nagtitipon pa rin sila para sumamba kahit posible silang i-raid at arestuhin ng mga awtoridad.
Napansin ni Andy Clarke ang determinasyon ng asawa niyang Saksi na si Mary. Patuloy pa rin kasi ito sa pagdalo sa mga pulong kahit may panganib. Natakot si Andy na baka arestuhin ang asawa niya habang nasa pulong. Kaya sinamahan na niya si Mary sa pulong kahit hindi naman niya iyon ginagawa noon. Ang sabi niya kay Mary, “Kung aarestuhin ka nila, arestuhin na rin nila ako!” Mula noon, lagi nang dumadalo si Andy sa mga pulong kasama ng asawa niya. At dumating ang panahon, nagpabautismo na rin siya. Maraming Saksi sa New Zealand noong Digmaang Pandaigdig II ang nanatiling tapat gaya ni Mary kahit may pag-uusig.
Dumami ang mga Saksi Kahit Nasa Bilangguan
Isang araw, inaresto ng pulis ang 78 anyos na si John Murray habang nagbabahay-bahay. Hinatulan siya ng korte na nakikibahagi sa mga gawain ng isang rebeldeng organisasyon. Maraming Saksi ang dinala sa korte; pinagmulta ang ilan, at ikinulong naman ang iba nang hanggang tatlong buwan.
Hindi nagsusundalo ang mga Saksi dahil sa kanilang konsensiya na sinanay sa Bibliya. (Isaias 2:4) Kaya noong panahon ng digmaan, nakaranas sila ng matinding pag-uusig nang tumanggi silang magsundalo. Bilang parusa sa pagtanggi nila, mga 80 Saksi ang ikinulong sa mga kampong piitan hanggang sa matapos ang digmaan. Kahit masama ang trato sa kanila sa bilangguan at napakatindi ng taglamig noon, masaya pa rin ang mga kapatid sa pagsamba kay Jehova.
Kaagad na nagsaayos ang mga Saksi sa mga kampong piitan ng mga pulong at pangangaral. Para na rin silang isang kongregasyon kasi may regular silang pulong at kaayusan sa pangangaral sa ibang bilanggo. Pinayagan pa nga silang magdaos ng mga asamblea sa ilang kampo kasama ang isang bantay. Nalaman ng ilang bilanggo ang katotohanan sa Bibliya sa loob ng mga kampo at nabautismuhan doon.
Para kay Bruce, bunsong anak nina Mary at Andy, na nabanggit kanina, ang pagkakakulong niya sa kampo ay isang pagkakataon para matuto pa tungkol sa Bibliya. Sinabi niya, “Para akong pumapasok sa eskuwelahan kasi nakakakuwentuhan ko doon ang mas makaranasang mga brother, at marami akong natututuhan sa kanila.”
Noong 1944, gusto na sanang palayain ng gobyerno ang ilang bilanggo sa mga kampo. Pero tumutol ang militar kasi alam nila na kapag pinalaya ang mga Saksi, mangangaral na naman sila sa iba tungkol sa mga paniniwala nila. Sinabi ng report: “Posibleng makontrol ang pagiging panatiko ng mga taong ito dahil sa pagkakakulong nila, pero hinding-hindi sila mababago nito.”
Hindi Sila Panganib sa Publiko
Dahil sa pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova, nakuha nila ang atensiyon ng mga tao. Di-nagtagal, nakita ng marami na hindi naman talaga panganib sa publiko ang mga Saksi. At nalaman nila na mapayapang mga Kristiyano pala ang mga ito. Dahil diyan, dumami ang bilang ng mga Saksi sa New Zealand—ang 320 noong 1939 ay naging 536 noong 1945!
Para sa ilang opisyal, hindi makatarungan ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Nang marinig ng isang hukom ang ebidensiya laban sa isang brother na nangangaral, ibinasura niya ang kaso. Sinabi niya: “Base sa mga prinsipyo ko at sa pagkaunawa ko sa batas, hindi katanggap-tanggap na ituring na kriminal ang isang tao dahil namamahagi siya ng Bibliya.”
Nang alisin ang pagbabawal pagkatapos ng digmaan, naging mas determinado pa ang mga Saksi na turuan ang iba tungkol sa Kaharian ng Diyos. Noong 1945, ganito ang sabi sa isang liham mula sa tanggapang pansangay para sa lahat ng kongregasyon sa New Zealand: “Maging mataktika tayo, palakaibigan, at mabait sa lahat. Iwasan nating makipagtalo. Tandaan na nakaugat na sa mga taong nakakausap natin ang mga paniniwala nila at sinisikap nilang mamuhay ayon sa mga ito. . . . Marami sa kanila ay mga ‘tupa’ ng Panginoon na dapat nating akayin kay Jehova at sa kaniyang kaharian.”
Sa ngayon, ipinapangaral pa rin ng mga Saksi ni Jehova sa New Zealand ang mensahe ng Bibliya sa mga tagaroon at sa mga turista. Napangaralan ng isang grupo ng 4 na Saksi sa Turangi ang 67 turista mula sa 17 bansa sa loob lang ng dalawang oras!
Nakita ng mga taga-New Zealand na ang mga Saksi ni Jehova ay mapayapa at taimtim na mga Kristiyano na talagang nagpapahalaga sa Bibliya. Daan-daan ang nababautismuhan bilang Saksi ni Jehova bawat taon. Noong 2019, mahigit 14,000 Saksi na ang masayang naglilingkod kay Jehova sa bansang ito sa timog.
Isang pulong para sa pag-aaral ng Bibliya pagkatapos ipatupad ang pagbabawal noong 1940
Mga selda na pang-isang tao sa kampong piitan sa North Island, New Zealand
Ang Hautu Detention Camp sa North Island, New Zealand
Isang pagtitipon noong 1949 ng mga Saksing nakulong dahil sa neutralidad