DAYRELL SHARP | KUWENTO NG BUHAY
Sa Tulong ng Diyos, Hindi Kami Umurong
“Hindi ’yan tatagal nang isang buwan!” Iyan ang sabi ng ilang kakongregasyon ko nang mag-apply ako bilang vacation pioneer noong 1956. Sixteen pa lang ako noon. Apat na taon na akong bautisado, sinabihan kasi ako ng isang brother na malapít sa akin. Noong panahong iyon, wala pang review ng mga elder para malaman kung kuwalipikado ang isa na magpabautismo.
May katuwiran naman ang mga kapatid na isiping hindi ako magtatagal sa pagpapayunir. Hindi kasi ako taong espirituwal. Ayaw na ayaw kong lumabas sa larangan. Sa katunayan, ipinapanalangin kong umulan tuwing Linggo para hindi ako makasama sa ministeryo. Kapag nasa ministeryo naman ako, hindi ako gumagamit ng Bibliya, nag-aalok lang ako ng mga magasin. Sinusuhulan pa nga ako ni Nanay para pumayag akong magbasa ng Bibliya sa kongregasyon. Hindi talaga ako palaaral at wala akong espirituwal na mga tunguhin.
Noong tag-araw ng taóng iyon, dumalo ako sa isang pandistritong asamblea (na tinatawag ngayong panrehiyong kombensiyon) sa Cardiff, Wales. Doon biglang nagbago ang buhay ko. Napaisip ako sa sinabi ng isa sa mga tagapagsalita. Nagtanong siya: “Nakapag-alay ka na ba at bautisado na?” Sa isip ko, ‘Oo.’ “Nangako ka ba kay Jehova na paglilingkuran mo siya nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas?” ‘Oo.’ “Meron ka bang sakit o responsibilidad sa pamilya kaya hindi ka makapagpayunir?” ‘Wala.’ “May dahilan ba kung kaya hindi ka makapagpayunir?” ‘Wala.’ “Kung ang sagot mo sa huling tanong ay wala, bakit hindi ka payunir?”
Parang biglang lumiwanag sa akin ang lahat. Naisip ko: ‘Sinasayang ko ang buhay ko. Hindi ko tinutupad ang pangako ko kay Jehova nang mag-alay ako sa kaniya. Hindi ko pinaglilingkuran si Jehova nang buong kaluluwa.’ Tama naman na kung inaasahan kong tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya sa akin, dapat tuparin ko rin ang pangako ko sa kaniya. Kaya noong Oktubre 1956, nagsimula akong mag-vacation pioneer, na tinatawag ngayong auxiliary pioneer.
Nang sumunod na taon, naging regular pioneer ako at lumipat ako sa isang kongregasyon na may 19 na mamamahayag. Mula nang dumating ako, linggo-linggo akong nabibigyan ng atas na magpahayag. Sa tulong ng matiyagang mga kapatid, sumulong ako sa pagbibigay ng pahayag. Makalipas ang dalawang taon, noong 1959, naatasan ako bilang special pioneer sa Aberdeen, sa bandang dulo ng hilaga ng Scotland. Makalipas ang ilang buwan, naatasan naman ako sa London Bethel. At sa pitong taon ko doon, nagtrabaho ako sa printery.
Masaya ako sa Bethel. Pero, naiisip ko rin noon na pumasok sa pantanging buong-panahong paglilingkod sa labas ng Bethel. Bata pa ako, malakas, at handa akong gamitin ang buhay ko para paglingkuran si Jehova kahit saang lugar. Kaya noong Abril 1965, nag-apply ako sa paaralang Gilead para sa missionary training.
Nang taóng iyon, nagpasiya kami ng roommate ko na pumunta sa Berlin, Germany, para dumalo ng kombensiyon at para makita rin ang Berlin Wall na itinayo mga ilang taon lang ang nakakaraan.
Isang araw noong panahon ng kombensiyon, sumama kami sa ministeryo at nakasama ko si Susanne Bandrock. Ikinasal kami noong 1966, at makalipas ang dalawang taon, naanyayahan kami na mag-aral sa ika-47 klase ng Gilead. Malaking pagpapala iyon! At ang bilis lumipas ng limang-buwang pag-aaral. Naatasan kami sa Zaire, na tinatawag ngayong Democratic Republic of the Congo. Gulát na gulát kami! Kaunti lang ang alam namin sa bansang iyon. Nag-aalangan kaming pumunta, pero tinanggap namin ang atas at nagtiwala kami sa Diyos na Jehova.
Ilang oras ang biyahe namin sakay ng eroplano at dumating kami sa maliit na bayan ng Kolwezi na isang minahan. Nagtataka kami kung bakit walang mga kapatid na sumasalubong sa amin. Bandang huli, nalaman namin na saka lang pala dumating ang telegrama dalawang araw pagkarating namin. Nilapitan kami ng isang opisyal ng airport at may sinabi siya sa amin sa wikang French na hindi pa namin naiintindihan. Lumingon y’ong babaeng nasa harap namin at sinabi niya na inaaresto daw kami.
Isinakay kami ng opisyal na ito sa isang maliit at lumang sports car na nasa likod ang makina. Hindi naman sa kaniya ang kotse, pinilit lang niya ang may-ari na gamitin iyon. Pandalawahan lang sana ang kotse, kaya isipin na lang kung ano ang hitsura naming apat kasama na ang may-ari ng kotse. At dahil bako-bako ang daan, bukás-sara ang hood sa harap ng kotse na para bang isda na nginunguya ang mga bagahe namin.
Papunta kami sa missionary home. Hindi namin alam kung saan iyon, pero alam iyon ng opisyal. Pagdating namin, naka-lock ang gate at walang tao. Dumalo pala ng international convention ang mga misyonero at nakabakasyon. Tirik ang araw noon at nandoon lang kami nakatayo sa labas. Hindi namin alam kung ano ang mangyayari. Maya-maya, dumating ang isang kapatid. Pagkakita niya sa amin, ngumiti ang kapatid kaya nawala ang kaba namin. Kilala niya ang opisyal at nalaman namin na gusto pala nitong perahan kami. Matapos magpaliwanag ang kapatid, umalis ang opisyal, at nakapasok na kami.
Hindi Ito Panahon Para Umurong
Nakilala namin ang mga kapatid at nalaman namin na masayahin sila, maasikaso, at napakarami nilang pinagdaanan. Sa nakaraan kasing 10 taon, maraming rebelde at magulo sa bansa nila kaya maraming nangyayaring karahasan. At noong 1971, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya inisip namin kung ano ang magiging kalagayan namin.
Hindi ito ang panahon para umurong dahil sa takot, at bihira sa mga kapatid natin ang umurong, kahit matindi ang pag-uusig may kinalaman sa pagiging neutral. Pinipilit kasi ang mga kapatid na umanib sa isang partido at magsuot ng pin ng partidong iyon. Kung wala silang suot na pin, hindi sila makakatanggap ng anumang serbisyo mula sa gobyerno at puwede pa nga silang maging biktima ng pangha-harass ng militar at mga pulis. Nawalan ng trabaho ang mga kapatid at hindi tinanggap sa paaralan ang mga anak nila. Daan-daang kapatid din ang nakulong. Kaya napakahirap nang panahong iyon. Pero buong tapang pa ring ipinangaral ng mga Saksi ang mabuting balita.
Kailangan Naming Magtiis
Nang mga taóng iyon, madalas kaming magbiyahe ni Susanne dahil sa mga gawaing pansirkito at pandistrito. Hindi madali ang buhay sa mga nayon, kadalasan nang maliliit lang ang kubong tinutuluyan namin. At halos hindi kami makahiga nang maayos. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses na akong nauntog, ang liliit din kasi ng mga pinto. Nag-iigib kami sa mga batis at ilog para pampaligo. At nagkakandila lang din kami kapag nagbabasa sa gabi. Sa uling din kami nagluluto. Pero alam namin na ito talaga ang buhay-misyonero. Ito ang dahilan kung bakit kami pinapunta rito at masaya kaming gawin iyon para kay Jehova.
Natuto kami sa mga kapatid doon na pahalagahan ang mga bagay na hindi gaanong napapansin, gaya ng pagkain, tubig, pananamit, at matutuluyan. (1 Timoteo 6:8) Lahat ng iba pang bagay ay bonus na. Iyan pa rin ang prinsipyo namin hanggang sa ngayon.
Hindi namin naranasan ang gaya ng mga pinagdaanan ni apostol Pablo, pero talagang nasubok ang pananampalataya at motibo namin. Kung minsan, may binabagtas kaming daan, kung minsan naman wala. Kapag bako-bako ang daan, talaga namang aalog-alog kami. Kung minsan, lumulubog ang sasakyan namin sa buhanginan. At kapag tag-ulan naman, lumulubog ang sasakyan namin sa putikan, kaya hindi kami makaalis. Minsan, maghapon kaming nagbiyahe, pero 70 kilometro lang ang natakbo namin at 12 beses kaming naghukay para lang makaahon ang sasakyan namin.
Pakiramdam namin, lalo kaming napalapít kay Jehova sa naging buhay namin doon. Natutuhan namin na sa tulong ni Jehova, makakapagtiis tayo nang masaya, kahit na hindi natin kayang baguhin ang mahihirap na sitwasyon. Hindi sanay si Susanne sa ganoong buhay, pero sa lahat ng hirap na pinagdaanan namin, hindi siya nagreklamo ni minsan. Talagang napakasaya namin at marami kaming natutuhan sa naging buhay namin doon.
Noong nasa Zaire kami, ilang beses akong naaresto. Minsan, inakusahan ako na sangkot daw ako sa ilegal na bentahan ng mga diamante. Siyempre, nag-aalala rin kami nang panahong iyon, pero inisip namin na kung kalooban ni Jehova na matapos namin ang ibinigay niyang atas sa ministeryo, tutulungan niya kami. At talagang tinulungan kami ni Jehova!
Patuloy sa Paglilingkod
Noong 1981, naatasan kaming maglingkod sa tanggapang pansangay ng Kinshasa. Isang taon bago iyon, pinayagan na ulit ng gobyerno ang gawain natin. Nakabili ang mga kapatid ng lupa para mapagtayuan ng mas malaking pasilidad ng sangay. Pero bigla na lang, noong Marso 1986, pinirmahan ng presidente ng bansa ang isang utos na nagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya nahinto ang proyekto ng pagtatayo. At marami sa mga misyonero ang umalis ng bansa nang bandang huli.
Sinikap naming patuloy na mangaral kahit alam namin na palagi kaming minamanmanan ng mga opisyal. Pero kahit maingat kami, naaresto pa rin ako habang nagba-Bible study. Ikinulong nila ako sa isang malaking kuwarto na parang bartolina na punong-puno ng mga preso. Mainit doon, mabaho, madilim, at kulob. May isang maliit na butas lang sa itaas ng isang pader na pinapasukan ng liwanag at hangin. Hinila ako ng ibang preso at iniharap ako sa pinakalider nila. “Kantahin mo ang pambansang awit namin!” ang utos niya. “Hindi ko po alam,” ang sagot ko. “Sige, kantahin mo na lang ang pambansang awit ninyo!” ang sabi nila. “Hindi ko rin alam ’yon,” ang sabi ko. Pagkatapos, pinatayo niya ako sa harap ng pader sa loob ng mga 45 minuto. Bandang huli, tinulungan ako ng mga kapatid doon para mapalaya ako.
Nakita namin na parang hindi gaganda ang sitwasyon sa bansa, at di-nagtagal naatasan kaming lumipat sa Zambia. Nang malapit na kami sa border, naginhawahan kami pero nakadama rin kami ng lungkot. Naisip kasi namin ang 18 taon sa atas namin kasama ng tapat ng mga misyonero at mga kapatid. Kahit nakaka-stress ang buhay namin doon kung minsan, para sa amin pinagpala kami ni Jehova. Alam namin na ginabayan kami ni Jehova. Natuto kaming magsalita ng Swahili at French at natuto rin si Susanne na magsalita ng kaunting Lingala. Masaya kami sa ministeryo, at mahigit 130 ang natulungan namin na sumulong at magpabautismo. Masaya rin kami kasi naisip namin na ang mga ginawa namin ay makakatulong para sa pagsulong ng gawain doon. At dumami nga ang naging lingkod ni Jehova doon! Noong 1993, pinawalang-bisa ng Supreme Court ang ginawang pagbabawal noong 1986. Sa ngayon, mahigit 240,000 na ang mamamahayag ng Kaharian sa Congo.
Sa Zambia, nakita namin ang pagtatayo ng bagong sangay at ng karagdagang mga pasilidad ng sangay. Mahigit tatlong beses na mas marami ang aktibong mamamahayag ngayon dito kaysa noong dumating kami noong 1987.
Kaya iyong kapatid na sinasabing hindi magtatagal nang isang buwan sa pagpapayunir ay nakapagpatuloy sa buong panahong paglilingkod. Sa tulong ni Jehova at ng mahal kong asawang si Susanne, 65 taon na akong masayang naglilingkod nang buong panahon sa Diyos na Jehova. Sinubok ko at nakita na talagang mabuti si Jehova!—Awit 34:8.
Alam namin na hindi kami espesyal, ginawa lang namin ang buong makakaya namin para makapanatiling tapat at matupad ang pangako namin nang mag-alay kami kay Jehova. Nagtitiwala kami na patuloy kaming tutulungan ni Jehova para hindi ’umurong,’ kundi sumulong sa pananampalataya para ‘maligtas ang aming buhay.’—Hebreo 10:39.
Panoorin ang video na Dayrell and Susanne Sharp: We Promised to Serve Jehovah Whole-Souled.