Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

CAMILLA ROSAM | TALAMBUHAY

Sinikap Kong Sundin si Jehova

Sinikap Kong Sundin si Jehova

 Noong 1906, nalaman ng mga lolo’t lola ko ang tungkol sa mga gagawin ng Kaharian ng Diyos nang mamatayan sila ng anak dahil sa sakit na dipterya. Estudyante ng Bibliya ang doktor nila. Iyon ang dating tawag sa mga Saksi ni Jehova. Binanggit niya sa kanila ang tungkol sa magagandang pangako ng Diyos gaya ng pagkabuhay-muli. Kaya naging mga Estudyante ng Bibliya rin ang mga lolo’t lola ko, ang nanay ko, at ang kapatid ni Nanay.

 Masigasig sila sa paglilingkod kay Jehova. Naging usherette pa nga sila nang ipalabas ang “Photo-Drama of Creation” sa Chicago, Illinois, sa United States. Pero nakakalungkot, si Nanay lang ang nagpatuloy sa paglilingkod kay Jehova. Mahirap iyon para kay Nanay kasi napaka-close nilang pamilya. Sa katunayan, magkakasama silang sumasamba kay Jehova hanggang noong 1930’s. Hangang-hanga ako sa katapatan at pagiging masunurin ni Nanay kay Jehova. Napatibay rin ako ni Tatay, na isa ring tapat na Estudyante ng Bibliya.

Larawan ng pamilya namin, 1948

 Ipinanganak ako noong 1927, at ako ang panganay sa anim na magkakapatid. Lahat kami ay tapat na naglilingkod kay Jehova. Karpintero si Tatay. At may bahay kami malapit sa lunsod ng Chicago. Mayroon kaming malaking taniman ng gulay at nag-aalaga rin kami ng mga manok at pato.

 Gustong-gusto ko na may naitutulong ako sa gawaing bahay. Ang isa sa mga ginagawa ko ay magsulsi ng mga medyas namin. Hindi na gaanong ginagawa ang pagsusulsi ngayon. Pero noon, hindi namin itinatapon ang butas na medyas. Sinusulsihan namin iyon, o tinatahi. Mabuti na lang natuto akong manahi, kasi nagamit ko iyon hanggang sa tumanda ako.

Nagpakita ng Mabuting Halimbawa ang mga Magulang Ko

 Tiniyak ni Tatay na hindi namin mapabayaan ang espirituwal na mga bagay. Kaya dumadalo kami sa lahat ng mga pagpupulong. Regular din kaming nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, at araw-araw naming pinag-uusapan ang isang teksto sa Bibliya. Tuwing Sabado ng gabi, sama-sama naming pinag-aaralan ang Bantayan.

 Para makapagpatotoo kami sa mga kapitbahay, naglagay si Tatay ng electric sign sa may bintana ng sala namin. Gawa iyon ng mga kapatid. Nakasulat doon ang tungkol sa isang public talk o isa sa mga publikasyon natin. Patay-sindi ang ilaw sa loob ng sign, kaya madali itong napapansin ng mga dumadaan. Naglagay din si Tatay ng dalawang sign sa sasakyan namin.

Isinasama kami ni Nanay sa pangangaral gamit ang mga ponograpo

 Hindi lang kami tinuruan ni Tatay na mahalagang sundin si Jehova, ipinakita niya rin iyon sa lahat ng ginagawa niya. Ganoon din ang nakita ko kay Nanay. Nagpayunir din siya noong limang taon na ang bunso namin, at hindi siya huminto sa pagpapayunir. Proud talaga ako sa mga magulang ko.

 Ibang-iba ang buhay namin noon kumpara sa ngayon. Wala kaming TV. Kaya umuupo kaming magkakapatid sa lapag at nakikinig sa magagandang programa sa radyo. Pero siyempre, gustong-gusto rin naming pakinggan ang espirituwal na mga programa na ibinobrodkast ng organisasyon ni Jehova sa radyo.

Mga Kombensiyon, Ponograpo, at Sandwich Sign

 Gustong-gusto naming dumalo sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Nalaman namin sa isang kombensiyon noong 1935, na ang “malaking pulutong,” na makakaligtas sa “malaking kapighatian” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9, 14, ay may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang paraisong lupa. Bago 1935, parehong nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang mga magulang ko. Pero matapos ang kombensiyong iyon, si Tatay na lang ang nakikibahagi. Naintindihan kasi ni Nanay na ang pag-asa niya ay mabuhay nang walang hanggan dito sa lupa, hindi ang makasama ni Kristo na mamahala sa langit.

 Noong 1941, ini-release ni Joseph Rutherford, ang nangunguna sa gawain noon, ang aklat na Children sa isang kombensiyon sa St. Louis, Missouri. Matagal na nagpalakpakan ang mga tao! Labing-apat na taóng gulang ako noon at isang taon na akong bautisado. Tandang-tanda ko pa nang pumila ako kasama ng mga bata papunta sa stage para makakuha ng aklat.

Kasama si Lorraine, 1944

 Noong 1930’s, ibang-iba ang pangangaral namin. Gumagamit kami ng mga portable na ponograpo para iparinig sa mga may-bahay ang nakarekord na mga pahayag sa Bibliya. Inaayos muna namin ang ponograpo bago kami kumatok sa pinto at sinisigurado namin na tama ang pagkakalagay ng karayom sa plaka. Paglabas ng may-bahay, magsasalita kami nang maikli, at ipe-play namin ang apat-at-kalahating-minutong pahayag sa Bibliya. Pagkatapos, mag-aalok na kami ng literatura. Nakikinig talaga ang mga tao sa lugar namin. Wala akong maalala kahit isa na nagpaalis sa amin. Nang magpayunir ako sa edad na 16, binigyan ako ni Tatay ng sarili kong ponograpo. Ang saya-saya ko habang ginagamit iyon sa pangangaral. Si Lorraine ang partner ko sa pagpapayunir at napakabait niya.

 Nagmamartsa rin kami para makapagpatotoo. Sandwich-sign parade ang tawag namin doon, kasi nagsusuot kami ng dalawang placard—isa sa harap at isa sa likod. May mga nakasulat doon na slogan, gaya ng “Religion Is a Snare and a Racket” at “Serve God and Christ the King.”

Nangangaral kami na may mga placard

 Malaking tulong sa amin ang mga pagpupulong para maihanda kami sa pag-uusig. Natutuhan namin sa mga pulong kung ano ang sasabihin para maipagtanggol namin ang katotohanan. Kaya nang dumating ang pag-uusig, handa na kami. Halimbawa, nang unang beses kaming mangaral sa isang lugar ng negosyo, nag-alok kami ng mga magasin. Hinuli kami ng mga pulis. Isinakay kami sa van at dinala sa police station. Makalipas ang ilang oras, ini-release din kami. Masayang-masaya kami na pinag-usig kami dahil sa pagsunod namin kay Jehova.

Pag-aasawa, Gilead, at Tawag Para Magsundalo

Araw ng kasal namin ni Eugene

 Di-nagtagal, ipinakilala ako ni Lorraine kay Eugene Rosam, na nakilala niya sa isang asamblea sa Minneapolis, Minnesota. Lumaki si Eugene sa Key West, Florida. Noong nasa tenth grade siya, pinatalsik siya sa paaralan kasi tumanggi siyang sumali sa isang seremonyang makabayan. Kaya ang ginawa niya, nagpayunir siya. Isang araw, nakita siya ng kaklase niyang babae. Dahil matalino si Eugene, takang-taka ang kaklase niya kung bakit siya pinatalsik sa paaralan. Sinagot siya ni Eugene gamit ang Bibliya at nagpa-Bible study ang dati niyang kaklase. Isinabuhay niya ang lahat ng natutuhan niya at naging tapat na lingkod ni Jehova siya.

Sa Key West, 1951

 Ikinasal kami ni Eugene noong 1948. Nagpatuloy kami sa pagpapayunir sa Key West. Pagkatapos, naanyayahan kaming mag-aral sa ika-18 klase ng Gilead School, at nag-graduate kami noong unang mga buwan ng 1952. Itinuro ang Spanish sa isa sa mga klase namin, kaya ang akala namin maipapadala kami bilang mga misyonero sa isang bansa na nagsasalita ng Spanish. Pero hindi iyon nangyari. Nagsisimula na kasi ang Korean War noong nasa Gilead pa kami, at ipinatawag si Eugene para magsundalo. Nagulat kami kasi binigyan na siya ng exemption noong Digmaang Pandaigdig II dahil ministro siya. Kaya sinabihan kami na kailangan naming manatili sa United States. Grabeng iyak ko noon. Makalipas ang dalawang taon, natanggap na ni Eugene ang exemption niya. May natutuhan kami sa nangyaring iyon—kapag may nagsarang pinto sa paglilingkod, puwedeng magbukas si Jehova ng ibang pinto. At iyan ang ginawa niya. Kailangan lang nating maghintay.

Ang klase namin sa Gilead

Gawaing Paglalakbay at Paglipat sa Canada!

 Noong 1953, pagkatapos naming magpayunir sa isang kongregasyong nagsasalita ng Spanish sa Tucson, Arizona, inatasan kami sa gawaing pansirkito. Naglingkod kami sa mga sirkito sa Ohio, California, at New York City. Pagkatapos noong 1958, naatasan naman kami sa gawaing pandistrito a sa California at Oregon. Sa mga bahay ng mga kapatid kami tumutuloy. At noong 1960, lumipat kami sa Canada. Naatasan kasi si Eugene na maging instructor ng Kingdom Ministry School para sa mga congregation overseer. Hanggang 1988 kami sa Canada.

 Ang hindi ko malilimutang karanasan namin sa Canada ay nang may makilala kaming pamilya. Nagbabahay-bahay kami noon at kasama ko ang isang sister. Una naming nakausap ang nanay na si Gail. Sinabi niya na nagagalit y’ong mga anak niyang lalaki kasi namatay ang lolo nila. “Bakit siya namatay?” ang tanong nila. “Saan siya nagpunta?” Walang maisagot si Gail. Kaya ginamit namin ang Bibliya para mapatibay siya.

 Circuit overseer noon si Eugene sa kongregasyong iyon. Kaya isang linggo lang talaga kami doon. Pero binalikan si Gail ng sister na kasama ko. At ang resulta? Tinanggap ni Gail ang katotohanan, pati na ng asawa niyang si Bill, at ng mga anak nila na sina Christopher, Steve, at Patrick. Elder na ngayon si Chris sa Canada. Si Steve naman ay instructor sa Bible school facility sa Palm Coast, Florida. At si Patrick ay miyembro naman ng Branch Committee sa Thailand. Sa loob ng maraming taon, naging malapít kami ni Eugene sa pamilya ni Gail. Masayang-masaya ako na may naitulong ako kahit paano para makilala nila si Jehova!

Pagdalaw sa mga Ospital Hanggang sa Magkaroon ng Hospital Liaison Committee

 Nang nasa Canada kami, may maganda na namang pribilehiyo na ibinigay si Jehova kay Eugene. Ganito ang nangyari.

 Ilang taon na ang nakakaraan, hindi pa naiintindihan ng mga tao ang pananaw natin sa pagsasalin ng dugo. Kaya negatibo ang tingin ng iba sa mga Saksi ni Jehova. Mababasa sa mga diyaryo sa buong Canada na hinahayaan ng mga Saksi na mamatay ang mga anak nila kasi hindi sila nagpapasalin ng dugo. Nagkaroon ng pribilehiyo si Eugene na patunayan na mali ang kumakalat na mga kuwento.

 Bago magsimula ang internasyonal na asamblea sa Buffalo, New York, noong 1969, pumunta si Eugene kasama ng ibang pang mga brother sa malalaking ospital sa lugar na iyon. Ipinaliwanag nila na may darating na mga 50,000 Saksi mula sa Canada at United States para dumalo sa kombensiyon. Kung sakaling magkaroon ng emergency, mahalagang naiintindihan ng mga doktor ang pananaw natin sa dugo at kung gaano ito kapraktikal. Binigyan ng mga brother ang mga doktor ng mga artikulo tungkol sa nonblood medical management na kinuha mula sa mapagkakatiwalaang mga publikasyon. Positibo ang sagot ng mga doktor, kaya napasigla si Eugene at ang iba pang mga brother na puntahan ang iba pang mga ospital sa Canada. Tinulungan din nila ang lokal na mga elder kung ano ang puwede at pinakamagandang gawin kapag may emergency.

 Unti-unti, nagkaroon ng magagandang resulta ang mga pagsisikap nila. Sa katunayan, iyon ang naging pasimula ng isang napakagandang kaayusan sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova! Paano?

Masaya ako sa trabaho ko sa sewing room

 Noong kalagitnaan ng 1980’s, tinawagan si Eugene ni Milton Henschel mula sa world headquarters sa Brooklyn, New York. Gusto ng Lupong Tagapamahala na palawakin ang programa na ginagawa namin sa United States para mas marami pang doktor ang mapaliwanagan. Kaya lumipat kami ni Eugene sa Brooklyn, at noong Enero 1988, itinatag ng Lupong Tagapamahala ang isang departamento sa world headquarters na tinatawag na Hospital Information Services. Inatasan ang asawa ko kasama ng dalawa pang brother na mag-conduct ng mga seminar, una sa United States at pagkatapos sa iba pang mga bansa. Di-nagtagal, nagkaroon ng Hospital Information Department sa mga sangay, at mga Hospital Liaison Committee sa iba’t ibang lunsod. Nakakatuwa na napakaraming Saksi kasama ang mga anak nila ang nakinabang sa napakagandang paglalaang ito ni Jehova. Habang nasa seminar si Eugene at dumadalaw sa mga ospital, kadalasan nang naa-assign ako sa sewing room o kitchen ng sangay na pinupuntahan namin.

Isang klase para sa Hospital Liaison Committee, Japan

Ang Pinakamatinding Pagsubok sa Akin

 Noong 2006, dumating ang pinakamatinding pagsubok sa akin—namatay ang pinakamamahal kong asawa. Mahal na mahal niya ako at napakasaya namin! Kaya miss na miss ko siya. Paano ko iyon nakayanan? Lagi akong nananalangin at nagbabasa ng Bibliya para manatili akong malapít kay Jehova. Nakikinig din ako sa Morning Worship araw-araw kasama ng pamilyang Bethel. Binabasa ko ang buong kabanata ng teksto sa araw na iyon. Sinisikap ko rin na maging busy sa assignment ko sa Bethel sa Sewing Department. Para sa akin, malaking pribilehiyo iyon. Masayang-masaya ako na nakatulong ako noon sa paggawa ng mga kurtinang ginamit sa mga Assembly Hall sa New Jersey at New York. Sa ngayon, nananahi pa rin ako at tumutulong sa iba pang mga gawain sa Fishkill Bethel. b

 Para sa akin, ang pinakaimportanteng mga bagay sa buhay ay ibigin si Jehova at sundin siya at ang kaniyang organisasyon. (Hebreo 13:17; 1 Juan 5:3) Mabuti na lang, iyon ang ginawa naming priyoridad ni Eugene. Kaya buo ang tiwala ko na bibigyan kami ni Jehova ng walang-hanggang buhay sa Paraisong lupa at magkikita na kaming muli ni Eugene.—Juan 5:28, 29.

a Dinadalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang iba’t ibang kongregasyon; dinadalaw naman ng mga tagapangasiwa ng distrito ang mga sirkito at nagpapahayag sa mga pansirkitong asamblea.

b Habang inihahanda ang artikulong ito, namatay si Sister Camilla Rosam sa edad na 94 noong Marso 2022.