Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PATULOY NA MAGBANTAY!

Hindi Normal na Pagtaas ng Temperatura sa Buong Mundo—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Hindi Normal na Pagtaas ng Temperatura sa Buong Mundo—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Nitong Hulyo 2022, naranasan ng buong mundo ang pinakamainit na mga temperatura:

  •   “Sa buwang ito, dalawang beses na nagbigay ng babala ang China tungkol sa matinding pagtaas ng temperatura sa halos 70 lunsod doon.”—Hulyo 25, 2022, CNN Wire Service.

  •   “Nagkaroon ng matitinding forest fire sa iba’t ibang bansa sa Europe dahil sa sobrang init ng temperatura.”—Hulyo 17, 2022, The Guardian.

  •   “Naitala nitong Linggo ang pinakamainit na temperatura sa maraming lunsod ng United States sa panahong ito ng tag-init sa East Coast at sa ilang bahagi ng South at Midwest.”—Hulyo 24, 2022, The New York Times.

 Ano ang ipinapakita ng lahat ng ito? Darating kaya ang panahon na imposible nang mabuhay sa lupa? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Nakahula ba sa Bibliya ang mga heat wave?

 Oo. Ang mga heat wave sa buong mundo ay tumutugma sa inihula ng Bibliya na mangyayari sa panahon natin sa ngayon. Halimbawa, inihula ni Jesus na makakakita tayo ng “nakakatakot na mga bagay,” o “kakaibang mga bagay.” (Lucas 21:11; Magandang Balita Biblia) Dahil sa pagtaas ng temperatura sa buong mundo, natatakot ang marami na baka tuluyan nang masira ng mga tao ang lupa.

Darating ba ang panahong hindi na matitirhan ang lupa?

 Hindi. Ginawa ng Diyos ang lupa para tirhan ng mga tao magpakailanman. (Awit 115:16; Eclesiastes 1:4) Hindi niya hahayaang sirain ng mga tao ang lupa. Sa halip, ipinangako niya na ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.

 Tingnan ang dalawa pang ipinangako ng Diyos na gagawin niya sa lupa:

  •   “Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.” (Isaias 35:1) Hindi hahayaan ng Diyos na maging disyerto ang buong lupa at hindi na matitirhan. Sa halip, aayusin niya ang mga sinira ng tao sa lupa.

  •   “Pinangangalagaan mo ang lupa; ginawa mo itong mabunga at napakasagana.” (Awit 65:9) Sa tulong ng Diyos, magiging paraiso ang buong lupa.

 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa koneksiyon ng climate change sa mga hula sa Bibliya, basahin ang artikulong “Climate Change at ang Kinabukasan Natin—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Diyos na aayusin niya ang lupa, basahin ang artikulong “Sino ang Magliligtas sa Lupa?