Matutulungan Ka Ba ng Bibliya na Maitigil ang Adiksiyon sa Droga?
Bawat taon, milyon-milyon ang namamatay dahil sa direkta o di-direktang epekto ng paggamit ng mga substansiya kasama na ang pag-abuso sa droga. At nitong COVID-19 pandemic, mas lalong lumala ang problemang ito. Sa tulong ng Bibliya, nagawang tumigil ng marami sa pagkaadik sa droga. Kung problema mo rin ito, matutulungan ka rin ng Bibliya. a
Sa artikulong ito
Makakatulong ba talaga ang Bibliya para maitigil ang adiksiyon?
Apat na hakbang batay sa Bibliya na makakatulong para makalaya sa adiksiyon
Mga teksto sa Bibliya na tutulong sa iyo na malabanan ang adiksiyon
Iba pang mga karanasan: Nakalaya sa adiksiyon sa tulong ng Bibliya
Kontra ba ang Bibliya sa pagpapagamot para labanan ang adiksiyon?
Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang paggamit ng droga bilang gamot?
Makakatulong ba talaga ang Bibliya para maitigil ang adiksiyon?
Sinasabi ng mga mananaliksik na ang karaniwang ugat ng adiksiyon ay sobrang kalungkutan, stress, sobrang pag-aalala, at depresyon. Sa tulong ng Bibliya, titibay ang pananampalataya mo. Kailangan mo ito para malabanan ang mga emosyong nagiging dahilan ng adiksiyon. Matutulungan ka nito na maging malapít sa Diyos. (Awit 25:14) Dahil diyan, makakayanan mo ang mga problemang parang imposible mong makayanan kung sa sarili mo lang.—Marcos 11:22-24.
Apat na hakbang batay sa Bibliya na makakatulong para makalaya sa adiksiyon
1. Kilalanin ang Diyos na Jehova. b (Juan 17:3) Siya ang Maylalang at walang hanggan ang kapangyarihan niya. Bukod diyan, siya ang iyong mapagmahal na Ama sa langit. Gusto niyang maging malapít sa iyo at gusto niyang gamitin ang kapangyarihan niya para sa iyo. (Isaias 40:29-31; Santiago 4:8) Nangangako siya ng magandang kinabukasan para sa iyo kung pipiliin mong maging kaibigan niya.—Jeremias 29:11; Juan 3:16.
2. Humingi ng tulong kay Jehova. Manalangin sa Diyos at hilingin sa kaniya na tulungan kang malabanan ang adiksiyon para ikaw ay maging “banal [o, malinis] at katanggap-tanggap sa [kaniya].” (Roma 12:1) Sa tulong ng banal na espiritu niya, o aktibong puwersa, bibigyan ka niya ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7; Lucas 11:13) Matutulungan ka ng lakas na ito na maihinto ang pag-abuso sa droga at magkaroon ng “bagong personalidad” na katanggap-tanggap sa Diyos.—Colosas 3:9, 10.
3. Punuin ang isip mo ng kaisipan ng Diyos. (Isaias 55:9) Tutulungan ka niya na “baguhin ang takbo ng [iyong] isip” na makakatulong sa iyo na makalaya sa adiksiyon. (Efeso 4:23) Nakasulat sa Bibliya ang mga kaisipan ng Diyos kaya napakahalagang basahin mo ito nang regular. (Awit 1:1-3) Marami na ang nagbago ang buhay nang maunawaan nila ang itinuturo ng Bibliya. (Gawa 8:30, 31) Nag-aalok ang mga Saksi ni Jehova ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Inaanyayahan ka rin namin na dumalo sa aming mga pulong. Pinag-aaralan namin doon ang sinasabi ng Bibliya at kung paano natin maisasabuhay ang mga turo nito.
4. Pumili ng mabubuting kasama. Malaki ang impluwensiya ng mga kaibigan. Puwede silang makatulong o magpalala sa adiksiyon mo. (Kawikaan 13:20) Mabubuting kasama ang mga sumasamba sa Diyos, at gusto niya na maging kaibigan mo sila. (Awit 119:63; Roma 1:12) Piliin mo rin ang libangan mo kasi parang kasama mo na rin ang mga karakter sa mga pinapanood mo, pinapakinggan, o binabasa. Iwasan mo ang anumang magpapahina sa determinasyon mo na gawin kung ano ang tama.—Awit 101:3; Amos 5:14.
Mga teksto sa Bibliya na tutulong sa iyo na malabanan ang adiksiyon
Awit 27:10: “Kahit na iwan ako ng aking ama at ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.”
“Hindi ko nakilala ang tatay ko kaya napakalungkot ng buhay ko. Pero nang malaman ko na totoo ang Diyos na Jehova at na mahal na mahal niya ako, nagkaroon ng direksiyon ang buhay ko at napaglabanan ko ang adiksiyon.”—Wilby, Haiti.
Awit 50:15: “Tumawag ka sa akin sa panahon ng kagipitan. Ililigtas kita.”
“Lagi akong napapatibay ng tekstong ito na magpatuloy kahit na may mga panahong bumabalik ako sa adiksiyon ko. Talagang tinutupad ni Jehova ang pangako niya.”—Serhiy, Ukraine.
Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo.”
“Natulungan ako ng mga tekstong ito na magtiwala kay Jehova, hindi sa sarili ko. Sa tulong niya, nakapagbagong-buhay ako.”—Michele, Italy.
Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita, talagang aalalayan kita sa pamamagitan ng matuwid kong kanang kamay.”
“Hindi ko makontrol ang pag-aalala ko kapag hindi ako nakakapag-drugs. Nakumbinsi ako ng tekstong ito na tutulungan ako ng Diyos na malabanan ang sobrang pag-aalala. At talagang tinulungan niya ako.”—Andy, South Africa.
1 Corinto 15:33: “Huwag kayong magpalinlang. Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.”
“Inimpluwensiyahan ako ng masasamang kasama na gumamit ng drugs hanggang sa maadik na ako. Naitigil ko lang ito nang hindi na ako nakisama sa kanila at pumili ako ng mga kaibigan na may malinis na pamumuhay.”—Isaac, Kenya.
2 Corinto 7:1: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu.”
“Natulungan ako ng tekstong ito na patuloy na linisin ang katawan ko at itigil ang adiksiyon at ang paggawa ng mga bagay na makakasamâ sa akin.”—Rosa, Colombia.
Filipos 4:13: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”
“Alam kong hindi ko kayang itigil ang pagda-drugs nang mag-isa, kaya humingi ako ng tulong sa Diyos. At binigyan niya ako ng lakas na kailangan ko.”—Patrizia, Italy.
Iba pang mga karanasan: Nakalaya sa adiksiyon sa tulong ng Bibliya
Lumaki si Joseph Ehrenbogen sa isang bayan na kilalá sa karahasan. Naging lasenggo siya, naaadik sa tabako, marijuana, at heroin. Ilang beses na siyang muntik nang mamatay dahil sa overdose. May isang teksto sa Bibliya na nakatulong sa kaniya na magbago. Basahin ang kuwento niya sa artikulong “Natutuhan Kong Irespeto ang mga Babae, Pati Na ang Sarili Ko.”
Maraming beses sinubukan ni Dmitry Korshunov na tumigil sa pagiging alkoholiko. Panoorin ang video na ‘Sawang-sawa Na Ako sa Buhay Ko’ at tingnan kung ano ang nakatulong sa kaniya na magbago.
Kontra ba ang Bibliya sa pagpapagamot para labanan ang adiksiyon?
Hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.” (Mateo 9:12) Sinasabi rin ng U.S. National Institute on Drug Abuse: “Komplikadong sakit ang adiksiyon sa droga at karaniwan nang higit pa sa determinasyong tumigil ang kailangan.” Siyempre, higit pa sa determinasyon mo ang kayang ibigay ng Diyos. Pero marami sa mga sumunod sa payo ng Bibliya na nakalaya sa adiksiyon sa mga substansiya ang nangailangan din ng tulong ng mga manggagamot. c Halimbawa, sinabi ni Allen: “Napakahirap ng pinagdaanan ko nang ihinto ko ang pag-inom ng alak. Noon ko naisip na kailangan ko ring magpatingin sa doktor bukod pa sa espirituwal na tulong na tinatanggap ko.”
Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang paggamit ng droga bilang gamot?
Hindi. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na ginagamit ang alkohol sa paggamot ng ilang sakit o para ibsan ang paghihirap ng isa na malapit nang mamatay. (Kawikaan 31:6; 1 Timoteo 5:23) Pero kung paanong nakakaadik ang alkohol, ang mga drogang ginagamit bilang painkiller ay talagang nakakaadik din. Kaya magandang pag-isipan ang posibleng panganib at maging maingat sa paggamit ng mga inireresetang painkiller.—Kawikaan 22:3.
a Nakapokus ang artikulong ito sa pakikipaglaban sa adiksiyon sa droga, pero makakatulong din ang mga prinsipyo sa Bibliya na ginamit dito para sa mga taong may problema sa pag-inom, tabako, pagkain, pagsusugal, pornograpya, o social media.
b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
c Makakatulong ang maraming rehabilitation center, ospital, at programa sa pagpapagaling. Dapat pag-isipan ng bawat isa ang iba’t ibang opsiyon at saka magpasiya kung ano ang pinakamagandang paraan ng paggagamot.—Kawikaan 14:15.