Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

id-work/​DigitalVision Vectors via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Bakit Punong-puno ng Galit ang Mundo?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Bakit Punong-puno ng Galit ang Mundo?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Laging laman ng balita ang mga taong nagsasalita o gumagawa ng masama dahil sa pagtatangi, mga taong nananakit ng iba ang lahi, at mga digmaan.

  •   Lalong dumami ang hate speech sa social media dahil sa digmaan sa Israel at Gaza, at dahil sa mga ekstremista.”​—The New York Times, Nobyembre 15, 2023.

  •   “Mula Oktubre 7, nakita sa buong mundo ang biglang pagdami ng hate speech at hate crime dahil sa pagtatangi.”​—Dennis Francis, presidente ng United Nations General Assembly, Nobyembre 3, 2023.

 Noon pa man, mayroon nang karahasan, digmaan, at mga taong nagsasalita ng masama. Sinasabi sa Bibliya na may mga tao noon na ‘iniaasintang gaya ng palaso ang kanilang masasakit na salita,’ nakikipagdigma at mararahas. (Awit 64:3; 120:7; 140:1) Pero sinasabi rin ng Bibliya kung bakit punô ng galit ang mundo ngayon.

Galit​—Isang tanda sa panahon natin

 Sinasabi sa Bibliya ang dalawang dahilan kung bakit punô ng galit o poot ang mundo ngayon.

  1.  1. Inihula sa Bibliya na darating ang panahon na “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) Imbes na magpakita ng pag-ibig, nagpapakita ang mga tao ng mga ugali na pinagmumulan ng galit.—2 Timoteo 3:1-5.

  2.  2. Kitang-kita sa tindi ng galit ngayon ang napakasamang impluwensiya ni Satanas na Diyablo. Sinasabi sa Bibliya na “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.”—1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9, 12.

 Pero sinasabi rin ng Bibliya na malapit nang alisin ng Diyos ang mga bagay na pinagmumulan ng galit. Aalisin din niya ang sakit na epekto nito. Ipinapangako ng Bibliya:

  •   “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.