TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?
Kabalisahan Saanman!
“Bibili ako ng pagkain, pero cookies lang ang nakita ko—grabe, 10,000 ulit ang itinaas ng presyo! Kinabukasan, wala nang pagkain sa mga tindahan.”—Paul, Zimbabwe.
“Kinausap ako ng mister ko at sinabing iiwan na niya kami. Napakasakit nito sa akin. Paano na ang mga anak ko?”—Janet, Estados Unidos.
“Kapag tumunog na ang sirena, nagtatago ako at dumadapa sa sahig habang sumasabog ang mga bomba. Makalipas ang ilang oras, nanginginig pa rin ang mga kamay ko.”—Alona, Israel.
Nabubuhay tayo sa panahon ng kabalisahan, “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Marami ang aburido dahil sa krisis sa pananalapi, pagkawasak ng pamilya, digmaan, pagkalat ng nakamamatay na sakit, at likas o gawang-tao na mga sakuna. Idagdag pa rito ang personal na mga álalahanín: ‘Kanser kaya ang nakapa kong bukol sa aking katawan?’ ‘Ano kayang uri ng daigdig ang kalalakhan ng mga apo ko?’
Normal lang naman ang mabalisa. Nababalisa tayo kapag may eksam, pagtatanghal, o interbyu sa trabaho. Dahil takót tayo sa panganib, nakaiiwas tayo sa pinsala. Pero hindi mabuti ang labis o laging pagkabalisa. Ipinakikita ng sunod-sunod na pag-aaral kamakailan sa mahigit 68,000 adulto na kahit ang bahagyang pagkabalisa ay maaaring maging sanhi ng maagang pagkamatay. Nagtanong si Jesus: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” Oo, ang pag-aalalá ay hindi nagpapahaba ng buhay. Kaya nagpayo si Jesus: “Huwag na kayong mabalisa.” (Mateo 6:25, 27) Posible ba iyon?
Ang sagot ay nasa pagsunod sa praktikal na karunungan, paglilinang ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at pagkakaroon ng maaasahang pag-asa sa hinaharap. Kahit wala tayong nararanasang mahihirap na kalagayan sa ngayon, baka maranasan natin ito sa hinaharap. Tingnan natin kung paano nakatulong kina Paul, Janet, at Alona ang mga hakbang na ito para maharap nila ang kabalisahan.