Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

Alam Mo Ba ang Pangalan ng Diyos at Ginagamit Ito?

Alam Mo Ba ang Pangalan ng Diyos at Ginagamit Ito?

May matalik ka bang kaibigan na hindi mo alam ang pangalan? Marahil wala. Sinabi ni Irina na taga-Bulgaria, “Imposibleng maging malapít sa Diyos kung hindi mo alam ang pangalan niya.” Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, gusto ng Diyos na maging malapít ka sa kaniya. Kaya sa pamamagitan ng Bibliya, nagpapakilala siya sa iyo: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”—Isaias 42:8.

Sa pamamagitan ng Bibliya, nagpapakilala sa iyo ang Diyos: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”—Isaias 42:8

Mahalaga nga ba kay Jehova kung alam mo ang kaniyang pangalan at ginagamit ito? Pansinin: Ang pangalan ng Diyos, na nakasulat sa apat na Hebreong katinig na kilala bilang Tetragrammaton, ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa orihinal na Hebreong Kasulatan. Mas maraming beses itong binanggit kaysa sa anumang pangalan sa Bibliya. Malinaw na katibayan ito na gusto ni Jehova na makilala natin siya at gamitin natin ang pangalan niya. *

Karaniwan nang nagsisimula ang pagkakaibigan sa pagpapakilala ng pangalan ng isa’t isa. Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?

Iniisip naman ng iba na kawalang-galang na gamitin ang pangalan ng Diyos dahil siya ay banal at makapangyarihan sa lahat. Siyempre pa, hindi tamang gamitin ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhang paraan, kung paanong hindi mo rin ito gagawin sa matalik mong kaibigan. Pero kalooban ni Jehova na parangalan at ipakilala ng mga umiibig sa kaniya ang pangalan niya. (Awit 69:30, 31; 96:2, 8) Alalahanin na tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Mapababanal din natin ang pangalan ng Diyos kapag ipinakikilala natin ito sa iba. Sa gayon, lalo tayong mapapalapít sa kaniya.—Mateo 6:9.

Ipinakikita ng Bibliya na mahalaga sa Diyos ang “mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Nangangako si Jehova sa taong nagpapahalaga sa kaniyang pangalan: “Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan. Tatawag siya sa akin, at sasagutin ko siya. Ako ay sasakaniya sa kabagabagan.” (Awit 91:14, 15) Mahalaga nga ang pag-alam at paggamit sa pangalan ni Jehova kung gusto nating maging malapít sa kaniya.

^ par. 4 Nakalulungkot, inalis sa maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos, kahit napakaraming ulit itong lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan. Sa halip, pinalitan nila ang pangalan ng Diyos ng mga titulong gaya ng “Panginoon” o “Diyos.” Para sa higit pang impormasyon sa paksang ito, tingnan ang pahina 195-197 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.