TAMPOK NA PAKSA | KAMATAYAN BA ANG WAKAS NG LAHAT?
Hindi Kamatayan ang Wakas ng Lahat!
Ang Betania ay isang maliit na nayon na mga tatlong kilometro ang layo mula sa Jerusalem. (Juan 11:18) Isang trahedya ang nangyari doon mga ilang linggo bago mamatay si Jesus. Si Lazaro na isa sa malalapít na kaibigan ni Jesus ay di-inaasahang nagkasakit nang malubha at namatay.
Nang mabalitaan ito ni Jesus, sinabi niya sa mga alagad niya na si Lazaro ay natutulog at na balak niya itong gisingin. (Juan 11:11) Pero hindi ito naintindihan ng mga alagad ni Jesus, kaya sinabi niya sa kanila: “Si Lazaro ay namatay.”
Apat na araw matapos ang libing, dumating si Jesus sa Betania at inaliw si Marta, ang kapatid ng namatay. “Kung narito ka lamang noon ay hindi sana namatay ang aking kapatid,” ang sabi ni Marta. (Juan 11:17, 21) “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” ang sabi ni Jesus. “Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.”
“Lazaro, lumabas ka!”
Para ipakitang totoo ang mga pangakong iyon, lumapit si Jesus sa libingan at sumigaw: “Lazaro, lumabas ka!” (Juan 11:43) Sa pagkamangha ng mga nagmamasid, lumabas ang taong patay.
Dalawa na ang binuhay-muli ni Jesus. Sa isang pagkakataon, binuhay niyang muli ang isang dalagita
Pansinin na ikinumpara ni Jesus ang kamatayan ni Lazaro at ng anak ni Jairo sa pagtulog. Iyan ay angkop na paghahambing. Bakit? Ang pagtulog ay isang walang malay na kalagayan at angkop na naglalarawan ng pamamahinga mula sa kirot at pagdurusa. (Eclesiastes 9:5; tingnan ang kahong “Ang Kamatayan ay Gaya ng Mahimbing na Pagtulog.”) Maliwanag na naunawaan ng unang mga alagad ni Jesus ang tunay na kalagayan ng mga patay. “Para sa mga tagasunod ni Jesus, ang kamatayan ay pagtulog, at ang libingan ang pahingahang-dako . . . ng mga namatay nang tapat,” * ang sabi ng Encyclopedia of Religion and Ethics.
Nakaaaliw malaman na ang mga patay ay natutulog sa libingan at hindi pinahihirapan. Kaya alam na natin kung ano ang mangyayari kapag namatay tayo at hindi na natin ito dapat katakutan.
“KUNG ANG ISANG MATIPUNONG LALAKI AY MAMATAY MABUBUHAY PA BA SIYANG MULI?”
Bagaman masarap matulog sa gabi, sino ang gustong matulog magpakailanman? Ano ang katiyakan na ang mga patay na natutulog sa libingan ay bubuhaying muli
Iyan mismo ang itinanong ng patriyarkang si Job nang malapit na siyang mamatay: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?”
Nang kausap niya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, sinagot mismo ni Job ang tanong niya: “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:15) Natitiyak ni Job na pinananabikan ni Jehova ang araw kung kailan bubuhayin Niyang muli ang Kaniyang tapat na lingkod. Nangangarap lang ba si Job? Hindi.
Ang mga ginawang pagbuhay-muli ni Jesus ay malinaw na katibayang binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan laban sa kamatayan. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na taglay na ngayon ni Jesus “ang mga susi ng kamatayan.” (Apocalipsis 1:18) Kaya bubuksan ni Jesus ang mga pintuang-daan ng libingan, kung paanong iniutos niyang igulong ang bato mula sa libingan ni Lazaro.
Paulit-ulit na binabanggit ng Bibliya ang pangakong ito ng pagkabuhay-muli. Tiniyak ng isang anghel kay propeta Daniel: “Magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.” (Daniel 12:13) Sinabi ni Jesus sa mga Saduceo, ang mga Judiong lider na hindi naniniwala sa pangako na pagkabuhay-muli: “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos.” (Mateo 22:23, 29) Sinabi ni apostol Pablo: “Ako ay may pag-asa sa Diyos, . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”
KAILAN BABANGON ANG MGA PATAY?
Kailan mangyayari ang pagkabuhay-muling ito ng matuwid at di-matuwid? Sinabi ng anghel sa matuwid na si Daniel na tatayo siya “sa kawakasan ng mga araw.” Naniwala rin si Marta na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay “babangon . . . sa pagkabuhay-muli sa huling araw.”
Iniuugnay ng Bibliya ang “huling araw” na ito sa pamamahala ng Kaharian ni Kristo. Sumulat si Pablo: “Sapagkat kailangan siyang [si Kristo] mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.” (1 Corinto 15:25, 26) Matibay na dahilan ito kung bakit dapat nating ipanalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos at mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa. *
Gaya ng alam na alam ni Job, kalooban ng Diyos na buhaying muli ang mga patay. Kapag dumating ang araw na iyon, talagang papawiin na ang kamatayan. At hindi na kailanman magtatanong ang sinuman, ‘Kamatayan ba ang wakas ng lahat?’
^ par. 8 Ang salitang Ingles na isinaling “sementeryo” ay mula sa salitang Griego na nangangahulugang “dakong tulugan.”
^ par. 18 Para matuto pa nang higit tungkol sa Kaharian ng Diyos, tingnan ang kabanata 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Makukuha rin sa www.jw.org/tl.