PAKIKIPAG-USAP SA IBA
Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?
Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Michelle ang Saksing dumadalaw kay Sophia.
ANO ANG NADARAMA NG DIYOS TUNGKOL SA ATING PAGDURUSA?
Michelle: Hi, Sophia. Natutuwa akong madatnan ka sa bahay.
Sophia: Natutuwa rin akong makita kang muli.
Michelle: Noong huli akong dumalaw, napag-usapan natin kung ano ang nadarama ng Diyos hinggil sa ating pagdurusa. * Nabanggit mo na matagal mo nang pinag-iisipan ito, lalo na nang maaksidente sa kotse ang nanay mo. Siyanga pala, kumusta na siya?
Sophia: Kung minsan, maganda ang pakiramdam niya, kung minsan naman, hindi. Ngayon okey siya.
Michelle: Natutuwa akong marinig iyan. Tiyak na isang hamon ang manatiling positibo sa ganiyang sitwasyon.
Sophia: Totoo iyan. Kung minsan, naiisip ko nga kung gaano pa kaya siya katagal magtitiis.
Michelle: Natural lang iyan. Marahil maaalaala mo na noong huli tayong mag-usap, nag-iwan ako sa iyo ng isang tanong tungkol sa kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang pagdurusa gayong may kapangyarihan naman siyang wakasan ito.
Sophia: Oo, naaalaala ko pa.
Michelle: Bago natin tingnan ang sagot ng Bibliya, repasuhin muna natin ang ilang punto sa napag-usapan natin noon.
Sophia: Sige.
Michelle: Natutuhan natin na kahit ang isang tapat na lingkod noong panahon ng Bibliya ay nagtanong kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Pero hindi siya pinagalitan ng Diyos sa pagtatanong nito, ni sinabi man ng Diyos na kailangan lang niya ng higit na pananampalataya.
Sophia: Bago nga sa akin iyon.
Michelle: Natutuhan din natin na ayaw ng Diyos na Jehova na makita tayong nagdurusa. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na nang napipighati ang kaniyang bayan, “napipighati siya.” * Hindi ba nakaaaliw malaman na nadarama ng Diyos ang nadarama natin?
Sophia: Oo naman.
Michelle: At sumang-ayon tayo na yamang napakalakas ng kapangyarihang taglay ng ating Maylalang, tiyak na kaya niyang wakasan ang pagdurusa anumang oras.
Sophia: Iyan nga ang hindi ko maintindihan. Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang lahat ng masamang bagay na ito gayong may kapangyarihan naman siyang wakasan ito?
SINO ANG NAGSASABI NG TOTOO?
Michelle: Hanapin natin ang sagot sa tanong mo sa unang aklat ng Bibliya, ang Genesis. Pamilyar ka ba sa kuwento nina Adan at Eva at sa ipinagbabawal na prutas?
Sophia: Oo. Natutuhan ko iyan sa Sunday school. Sinabi ng Diyos na huwag silang kumain ng bunga ng isang punungkahoy, pero hindi sila sumunod at kinain pa rin ito.
Michelle: Tama. Ngayon, tingnan natin ang mga pangyayari na umakay kina Adan at Eva na magkasala. Kasi may kaugnayan ito sa tanong natin kung bakit tayo nagdurusa. Puwede bang pakibasa mo ang Genesis kabanata 3, talata 1 hanggang 5?
Sophia: Okey. “At ang serpiyente ang pinakamaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya nagsimula itong magsabi sa babae: ‘Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?’ At sinabi ng babae sa serpiyente: ‘Sa bunga ng mga punungkahoy sa hardin ay makakakain kami. Ngunit kung tungkol sa pagkain ng bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Huwag kayong kakain mula roon, ni huwag ninyong hihipuin iyon upang hindi kayo mamatay.”’ At sinabi ng serpiyente sa babae: ‘Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.’”
Michelle: Salamat. Suriin natin sandali ang mga talatang ito. Una, pansinin na kinausap ng serpiyente, o ahas, ang babae, si Eva. Sa iba pang bahagi ng Bibliya, ipinakikita na talagang si Satanas na Diyablo ang nakipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng ahas. * Tinanong ni Satanas si Eva tungkol sa utos ng Diyos may kaugnayan sa isang punungkahoy. Napansin mo ba ang sinabi ng Diyos na magiging parusa kung kakainin nina Adan at Eva ang bunga nito?
Sophia: Mamamatay sila.
Michelle: Tama. Ang sumunod na sinabi ni Satanas ay isang malaking akusasyon laban sa Diyos. Pansinin ang sinabi niya: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Pinalalabas ni Satanas na sinungaling ang Diyos!
Sophia: Ngayon ko lang narinig iyan.
Michelle: At nang sabihin ni Satanas na sinungaling ang Diyos, ibinangon niya ang isyu na nangangailangan ng panahon para malutas. Nauunawaan mo ba kung bakit?
Sophia: Hmm. Hindi ko alam.
Michelle: Gumamit tayo ng isang halimbawa. Sabihin natin na isang araw ay nilapitan kita at sinabi ko sa iyo na mas malakas ako kaysa sa iyo. Paano mo mapatutunayang mali ako?
Sophia: Subukan natin.
Michelle: Tama. Pumili tayo ng isang mabigat na bagay at tingnan natin kung sino ang makakabuhat nito. Sa katunayan, madali lang patunayan kung sino ang mas malakas.
Sophia: Nauunawaan ko ang punto mo.
Michelle: Pero kumusta naman kung sa halip na sabihin kong mas malakas ako, sinabi ko na mas tapat ako kaysa sa iyo? Ibang usapan naman iyan, ’di ba?
Sophia: Oo, sa palagay ko nga.
Michelle: Ang pagiging tapat ay hindi mapatutunayan sa pamamagitan ng isang pagsubok ng lakas.
Sophia: Hindi nga.
Michelle: Kaya, ang tanging paraan para masagot ang hamon ay palipasin ang sapat na panahon upang makita ng iba kung sino talaga sa ating dalawa ang mas tapat.
Sophia: Tama ka.
Michelle: Ngayon, balikan natin ang ulat na ito ng Genesis. Inangkin ba ni Satanas na mas malakas siya kaysa sa Diyos?
Sophia: Hindi.
Michelle: Napakadali kasing pasinungalingan iyan ng Diyos. Kaya inangkin ni Satanas na mas tapat siya kaysa sa Diyos. Sa diwa, sinabi niya kay Eva, ‘Nagsisinungaling sa iyo ang Diyos, at ako ang nagsasabi ng totoo.’
Sophia: Oo nga ’no.
Michelle: Dahil sa karunungan ng Diyos, alam niya na ang pinakamabuting paraan ay palipasin ang panahon para masagot ang hamon. Sa bandang huli, malalaman din kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang nagsisinungaling.
ISANG MAHALAGANG ISYU
Sophia: Pero nang mamatay si Eva, hindi ba napatunayan nang nagsasabi ng totoo ang Diyos?
Michelle: Sa diwa, oo. Pero higit pa riyan ang nasasangkot sa hamon ni Satanas. Tingnan mo muli ang talata 5. Napansin mo ba kung ano pa ang sinabi ni Satanas kay Eva?
Sophia: Sinabi niya na kung kakainin niya ang prutas, madidilat ang kaniyang mga mata.
Michelle: Oo, at na siya ay magiging “tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Kaya parang sinasabi ni Satanas na ang Diyos ay may ipinagkakait na mabuting bagay sa mga tao.
Sophia: Ganoon pala.
Michelle: Isa ring malaking hamon iyan.
Sophia: Ano ang ibig mong sabihin?
Michelle: Sa kaniyang pananalita, ipinahihiwatig ni Satanas na si Eva
Sophia: Ano iyon?
Michelle: Itinuturo ng Bibliya ang dalawang magandang katotohanan tungkol sa Diyos. Una, nababahala si Jehova kapag tayo’y nagdurusa. Halimbawa, pansinin ang pananalita ni Haring David sa Awit 31:7. Maraming naranasang pagdurusa si David sa kaniyang buhay, pero pansinin mo ang sinabi niya sa panalangin sa Diyos. Puwede bang pakibasa mo ang talatang iyon?
Sophia: Okey. Sabi rito: “Ako ay magagalak at magsasaya sa iyong maibiging-kabaitan, sapagkat nakita mo ang aking kapighatian; nalaman mo ang tungkol sa mga kabagabagan ng aking kaluluwa.”
Michelle: Kaya kahit na nagdurusa si David, naaaliw siyang malaman na nakikita ni Jehova ang lahat ng pinagdaraanan niya. Natutuwa ka rin bang malaman na nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay, kahit ang kirot na nararamdaman natin na hindi lubusang maunawaan ng ibang tao?
Sophia: Oo naman.
Michelle: Ang ikalawa, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy ang pagdurusa magpakailanman. Itinuturo ng Bibliya na malapit na niyang wakasan ang napakasamang pamamahala ni Satanas. At lubusan niyang aalisin ang lahat ng masamang bagay na nangyari, pati na ang mga bagay na pinagdurusahan mo at ng iyong nanay. Puwede ba akong bumalik sa susunod na linggo para ipakita sa iyo kung bakit tayo makatitiyak na malapit nang wakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa? *
Sophia: Sige.
May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung mayroon, huwag kang mahiyang magtanong sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.
^ par. 7 Tingnan ang “Pakikipag-usap sa Iba
^ par. 17 Tingnan ang Isaias 63:9.
^ par. 26 Tingnan ang Apocalipsis 12:9.
^ par. 55 Tingnan ang Juan 12:31; 1 Juan 5:19.
^ par. 61 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Makukuha rin sa www.jw.org/tl.