Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

Nahihirapan ang Ilan na Mahalin ang Diyos

Nahihirapan ang Ilan na Mahalin ang Diyos

“‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.”​—Jesu-Kristo, 33 C.E. *

Nahihirapan ang ilang tao na mahalin ang Diyos. Para sa kanila, ang Diyos ay mahirap maunawaan, malayo sa atin, o malupit pa nga. Isaalang-alang ang sinabi ng ilan:

  • “Nanalangin ako sa Diyos na tulungan niya ako, pero parang napakalayo niya sa akin, at halos hindi ko maabot. Para sa akin, ang Diyos ay isang persona na walang damdamin.”​—Marco, Italy.

  • “Talagang gusto kong maglingkod sa Diyos, pero parang napakalayo niya. Iniisip kong malupit siya at walang ginawa kundi magparusa. Hindi ako naniniwalang mahal niya tayo.”​—Rosa, Guatemala.

  • “Bata pa ako, naniniwala na ako na binabantayan ng Diyos ang ating mga pagkakamali at nagpaparusa kung kinakailangan. Nang maglaon, inisip kong wala siyang malasakit sa atin. Para siyang punong ministro na namamahala sa kaniyang nasasakupan pero wala naman talagang interes sa kanila.”​—Raymonde, Canada.

Ano sa palagay mo? Mahirap bang mahalin ang Diyos? Daan-daang taon nang itinatanong iyan ng mga Kristiyano. Sa katunayan, noong Edad Medya, karamihan sa Sangkakristiyanuhan ay hindi man lang nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Bakit? Dahil takot na takot sila sa kaniya. Sinabi ng istoryador na si Will Durant: “Mangangahas kayang manalangin ang isang makasalanan sa isa na kakila-kilabot at napakalayo?”

Bakit nasabing “kakila-kilabot at napakalayo” ng Diyos? Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos? Ang pag-alam kaya ng katotohanan tungkol sa Diyos ay makatutulong sa iyo na mahalin siya?