Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Mahirap sa Materyal Pero Mayaman sa Espirituwal

Mahirap sa Materyal Pero Mayaman sa Espirituwal

Ang aking lolo at tatay ay nakatira sa isang di-natapos na bahay sa Cotiujeni, isang nayon ng mga magsasaka sa hilagang bahagi ng tinatawag ngayong Moldova. Doon ako ipinanganak noong Disyembre 1939. Maaga noong dekada ’30, sila ay naging mga Saksi ni Jehova. Si Nanay ay naging Saksi rin nang makita niyang mas maraming alam sa Bibliya si Lolo kaysa sa pari sa aming nayon.

Nang ako ay tatlong taóng gulang, ipinatapon ang aking tatay, tiyo, at lolo sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Si Tatay lang ang nakaligtas. Noong 1947, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, umuwi siyang may diperensiya sa likod. Kahit may karamdaman si Tatay, nanatiling matatag ang kaniyang pananampalataya.

MALALAKING PAGBABAGO SA AMING BUHAY

Noong ako ay siyam na taóng gulang, ang pamilya namin kasama ang daan-daang Saksi sa Moldova ay ipinatapon sa Siberia. Noong Hulyo 6, 1949, isinakay kami sa mga bagon ng mga baka. Pagkalipas ng 12 araw at mahigit 6,400 kilometrong walang-tigil na paglalakbay, nakarating kami sa istasyon ng tren sa Lebyazhe. Inaabangan kami roon ng mga lokal na awtoridad. Hinati kami sa maliliit na grupo at ipinangalat sa lugar na iyon. Isang maliit at bakanteng paaralan ang naging tirahan ng aming grupo. Pagod na pagod at lungkot na lungkot kami. Isang may-edad nang sister ang humimig ng isang awit na kinatha ng mga Saksi noong Digmaang Pandaigdig II. Pagkatapos, lahat kami ay buong-pusong umawit na kasabay niya:

“Napakaraming kapatid ang ipinatapon sa malalayong lugar.

Dinala sila sa hilaga at sa silangan.

Dahil ginawa nila ang atas ng Diyos, dumanas sila ng hirap, at nagbata ng nakamamatay na mga pagsubok.”

Di-nagtagal, nakadadalo na kami sa mga pagpupulong tuwing Linggo sa isang bahay na mga 13 kilometro ang layo mula sa aming bahay. Kadalasan nang maaga kaming umaalis kapag taglamig at naglalakad sa niyebe na hanggang baywang ang lalim, sa temperaturang -40 digri Celsius. Nagsisiksikan ang mga 50 o higit pa sa amin sa isang maliit na kuwarto. Nag-aawitan kami ng isa, dalawa, o tatlong awit. Buong-puso kaming nananalangin, at tumatalakay ng mga tanong sa Bibliya. Umaabot ito ng isang oras o higit pa. Pagkatapos, aawit pa kami at tatalakay ng mga tanong sa Bibliya. Talagang nakapagpapatibay iyon ng pananampalataya!

MGA BAGONG HAMON

Sa istasyon ng tren sa Dzhankoy, noong mga 1974

Pagsapit ng 1960, binigyan ng higit na kalayaan ang mga ipinatapong Saksi. Bagaman mahirap kami, nakapunta ako sa Moldova, kung saan nakilala ko si Nina. Mga Saksi rin ang kaniyang mga magulang, lolo, at lola. Di-nagtagal, nagpakasal kami at bumalik sa Siberia, kung saan isinilang ang aming anak na si Dina noong 1964, at si Viktor noong 1966. Pagkalipas ng dalawang taon, lumipat kami sa Ukraine at tumira sa isang maliit na bahay sa Dzhankoy, isang lunsod na mga 160 kilometro ang layo mula sa Yalta, sa peninsula ng Crimea.

Ipinagbabawal noon ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Crimea, gaya rin ng sa buong Unyong Sobyet.  Pero hindi gaanong hinihigpitan ang gawain namin, at hindi rin aktibo ang pang-uusig sa amin. Kaya nabawasan ang sigasig ng ilang Saksi. Ikinatuwiran nila na dahil labis-labis ang paghihirap na dinanas nila sa Siberia, tama lang na magtrabaho naman ngayon nang husto para magkaroon ng maalwang buhay.

KAPANA-PANABIK NA MGA PANGYAYARI

Noong Marso 27, 1991, legal na kinilala ang aming gawain sa tinatawag noon na Unyong Sobyet. Kaagad na nagplano ng 2-araw na pantanging kombensiyon sa pitong lugar sa buong bansa. Sa Odessa, Ukraine kami dadalo ng kombensiyon, na nakaiskedyul noong Agosto 24. Isang buwan bago nito, pumunta ako roon para tumulong sa paghahanda ng kombensiyon sa isang malaking istadyum ng soccer.

Yamang inaabot kami ng gabi sa pagtatrabaho, madalas na natutulog kami sa mga bangkô ng istadyum. Grupu-grupo ng mga sister ang naglinis sa parke sa palibot ng istadyum. Mga 70 tonelada ng basura ang nahakot. Ang mga nasa Rooming Department ay naghanap ng matutuluyan para sa inaasahang 15,000 delegado. Pero biglang dumating ang isang nakagugulat na balita!

Noong Agosto 19—limang araw bago magsimula ang aming kombensiyon—inaresto si Mikhail Gorbachev, ang presidente noon ng USSR, habang nagbabakasyon malapit sa Yalta, di-kalayuan sa kinaroroonan namin. Kinansela ang permit para sa kombensiyon namin. Tumawag ang mga delegado sa opisina ng kombensiyon, at nagtanong, “Paano na ang reserbasyon namin sa mga bus at tren?” Pagkatapos ng taos-pusong mga panalangin, sinabi sa kanila ng mga nangangasiwa sa kombensiyon, “Ituloy lang ninyo!”

Nagpatuloy ang mga paghahanda at panalangin. Sinalubong ng mga nasa Transportation Department ang mga delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng Unyong Sobyet at dinala sila sa kanilang mga tuluyan. Araw-araw, maagang umaalis ng opisina ang mga miyembro ng Komite ng Kombensiyon para makipag-usap sa mga opisyal ng lunsod. Umuuwi sila sa gabi na walang magandang balita.

SINAGOT ANG AMING MGA PANALANGIN

Noong Huwebes, Agosto 22—dalawang araw bago magsimula ang kombensiyon—ang mga miyembro ng Komite ng Kombensiyon ay bumalik na may magandang balita: Inaprubahan ang kombensiyon! Walang-pagsidlan ang aming kagalakan habang inaawit namin ang pambukas na awit at habang sama-sama kaming nananalangin. Pagkatapos ng pangwakas na sesyon noong Sabado, nanatili kami roon hanggang gabi para makipag-usap at makipagkaibigan. Kasama namin ang mga Kristiyano na may matibay na pananampalataya anupat napagtagumpayan nila ang pinakamahihirap na pagsubok.

Kombensiyon sa Odessa noong 1991

Sa loob ng mahigit 22 taon pagkatapos ng kombensiyong iyon, nagkaroon ng napakalaking espirituwal na pagsulong. Nagtayo ng mga Kingdom Hall sa buong Ukraine, at dumami ang mamamahayag ng Kaharian mula 25,000 noong 1991 tungo sa mahigit 150,000 ngayon!

MAYAMAN PA RIN SA ESPIRITUWAL

Nakatira pa rin ang aming pamilya sa bahay namin sa Dzhankoy, isang lunsod ngayon na may populasyon na mga 40,000. Bagaman iilan lang ang pamilyang Saksi nang dumating kami rito mula sa Siberia noong 1968, may anim na kongregasyon na ngayon sa Dzhankoy.

Lumaki rin ang pamilya ko. Apat na henerasyon na ng aking pamilya ang naglilingkod kay Jehova ngayon—kaming mag-asawa, ang aming mga anak, apo, at apo sa tuhod.