BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Seryoso Kong Pinag-isipan Kung Saan Patungo ang Aking Buhay”
-
ISINILANG: 1941
-
BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA
-
DATING NANINIGARILYO, SUGAPA SA INUMING DE-ALKOHOL
ANG AKING NAKARAAN:
Lumaki ako sa Warialda, isang maliit na bayan sa New South Wales. Ang Warialda ay may mga kabukiran kung saan ang mga tao ay nag-aalaga ng mga tupa at baka, at nagsasaka ng mga butil at pananim. Isa itong bayan na malinis at walang gaanong krimen.
Ako ang panganay sa sampung magkakapatid. Sa edad na 13, nagtrabaho na ako para makatulong sa pamilya. Yamang hindi ako nakatapos ng pag-aaral, sa bukid ako nakapagtrabaho. Noong ako ay 15 anyos, nagtrabaho ako bilang rantsero, na nagsasanay ng mga kabayo.
May bentaha at disbentaha ang pagtatrabaho sa bukid. Talagang nasiyahan ako sa trabaho, pati na sa kapaligiran. Nauupo ako sa tabi ng sigâ sa gabi at pinagmamasdan ko ang buwan at mabituing langit habang humihihip ang sariwang hangin ng kabukiran. Naiisip kong tiyak na may Isa na lumalang sa lahat ng kamangha-manghang bagay na iyon. Sa kabilang banda, nahantad ako sa masasamang impluwensiya sa bukid. Madalas akong makarinig ng pagmumura, at karamihan ay naninigarilyo. Di-nagtagal, naging bahagi na ng buhay ko ang paninigarilyo at pagmumura.
Noong 18 anyos ako, lumipat ako sa Sydney. Sinubukan kong magsundalo pero hindi ako tinanggap dahil hindi ako nakatapos ng pag-aaral. Nakapagtrabaho ako sa Sydney at nanirahan doon nang isang taon. Noong panahong iyon ko nakilala ang mga Saksi ni Jehova. Tinanggap ko ang paanyaya nilang dumalo sa isa sa kanilang mga pagpupulong, at agad kong nakita na itinuturo nila ang katotohanan.
Pero di-nagtagal, ipinasiya kong bumalik sa kabukiran. Napadpad ako sa Goondiwindi, Queensland. Nagtrabaho ako roon at nakapag-asawa. Nakalulungkot, natuto rin akong uminom ng alak.
Nagkaroon kami ng dalawang anak. Nang maipanganak ang aming mga anak na lalaki, seryoso kong pinag-isipan kung saan
patungo ang aking buhay. Naalaala ko ang narinig ko sa pulong ng mga Saksi sa Sydney at nagpasiya akong gumawa ng mga pagbabago.Nakakita ako ng isang lumang isyu ng Ang Bantayan, na may adres ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Sumulat ako at humingi ng tulong. Bilang tugon, isang mabait at mapagmalasakit na Saksi ang dumalaw sa akin. Di-nagtagal, tinuturuan na niya ako sa Bibliya.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Habang nag-aaral ako ng Bibliya, nakita ko na kailangan kong gumawa ng malalaking pagbabago sa aking buhay. Ang teksto sa Bibliya na lalo nang nakaantig sa akin ay ang 2 Corinto 7:1. Hinihimok tayo ng tekstong ito na “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman.”
Nagpasiya akong huminto sa paninigarilyo at pag-abuso sa inuming de-alkohol. Hindi madaling gawin ang mga pagbabagong iyon, yamang ang mga bisyong ito ay naging bahagi na ng aking buhay sa loob ng mahabang panahon. Pero desidido ako na mamuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos. Ang pinakamalaking tulong ay ang pagkakapit ng simulaing nasa Roma 12:2: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” Naunawaan ko na para maihinto ko ang aking mga bisyo, kailangan kong baguhin ang aking pag-iisip at tularan ang pangmalas ng Diyos sa aking mga bisyo—na ang mga ito ay nakapipinsala. Sa tulong niya, naihinto ko ang paninigarilyo at pag-abuso sa inuming de-alkohol.
“Naunawaan ko na para maihinto ko ang aking mga bisyo, kailangan kong baguhin ang aking pag-iisip”
Ngunit ang pinakamahirap para sa akin ay ang ihinto ang pagmumura. Alam ko ang payo ng Bibliya sa Efeso 4:29: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig.” Pero nahirapan pa rin akong sundin ito. Nakatulong sa akin ang pagbubulay-bulay sa Isaias 40:26. Tungkol sa mabituing kalangitan, ganito ang sinasabi ng talatang iyan: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.” Ikinatuwiran ko na kung ang Diyos ay may kapangyarihang lalangin ang pagkalawak-lawak na uniberso—na gustung-gusto kong pagmasdan—tiyak na mabibigyan niya ako ng lakas na magbago upang mapalugdan siya. Dahil sa pananalangin at pagsisikap, unti-unti kong nabago ang aking pananalita.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Bilang isang rantsero, wala akong gaanong pagkakataong makausap ang mga tao, dahil iilan lang ang tao sa mga bukid na aking pinagtrabahuhan. Pero dahil sa mga pagsasanay sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, natuto akong makipag-usap sa mga tao. Bukod diyan, naibabahagi ko rin sa iba ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:9, 10; 24:14.
Maraming taon na akong naglilingkod bilang isang elder sa kongregasyon. Isang pribilehiyo para sa akin na gawin ang anumang magagawa ko para tulungan ang aking mga kapananampalataya.
Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil tinuruan niya ako—isa na hindi nakatapos ng pag-aaral. (Isaias 54:13) Totoong-totoo sa akin ang Kawikaan 10:22, na nagsasabi: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman.”