Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Napakapangit ng Ugali Ko”

“Napakapangit ng Ugali Ko”
  • ISINILANG: 1960
  • BANSANG PINAGMULAN: FINLAND
  • DATING HEAVY-METAL MUSICIAN

ANG AKING NAKARAAN:

Lumaki ako sa isang mahirap na komunidad sa daungang-lunsod ng Turku. Kampeon sa boksing ang tatay ko, kaya naman kami ng nakababata kong kapatid na lalaki ay mahilig ding sumali sa boksing. Sa paaralan, lagi akong hinahamon ng away at hindi ko sila inuurungan. Noong tin-edyer na ako, sumali ako sa isang gang kaya lalo akong napasubo sa gulo. Nagustuhan ko rin ang heavy metal at pinangarap kong maging isang rock star.

Bumili ako ng mga drum, bumuo ng banda, at naging lead singer ako ng banda. Gustung-gusto kong nagwawala sa entablado. Dahil agresibo ang banda namin at may kakaibang hitsura, unti-unti kaming nakilala. Nagsimula na kaming tumugtog sa harap ng napakaraming tao, at gumawa kami ng ilang rekording. Ang pinakahuli naming rekording ay umani ng papuri. Noong huling bahagi ng dekada ’80, pumunta kami sa Estados Unidos para i-promote ang aming banda. Ilang beses din kaming tumugtog sa New York at sa Los Angeles, at nagkaroon ng ilang kontak sa industriya ng musika bago kami umuwi sa Finland.

Bagaman nag-eenjoy ako sa banda, naghahanap pa rin ako ng mas makabuluhang buhay. Hindi ko nagustuhan ang sobrang kompetisyon sa industriya ng musika at ang pagiging agresibo ng mga naroroon. Nagsawa na rin ako sa walang-direksiyong buhay. Pakiramdam ko’y masama akong tao, at natatakot akong masunog sa impiyerno. Sinubukan kong magbasa ng iba’t ibang aklat tungkol sa relihiyon, at taimtim din akong nagdasal para sa tulong ng Diyos, kahit iniisip kong wala akong karapatan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Nagtrabaho ako sa post office sa aming lugar. Isang araw, nalaman kong Saksi ni Jehova pala ang isa kong katrabaho. Pinaulanan ko siya ng mga tanong. Nagkainteres ako sa mga sagot niya mula sa Kasulatan, kaya pumayag akong makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Pagkaraan ng ilang linggong pakikipag-aral, inalok ang banda namin ng isang nakaeengganyong kontrata sa rekording na may posibilidad na mag-release ng  album sa Estados Unidos. Naisip kong ito na ang pagkakataon naming sumikat.

Sinabi ko sa Saksing nagtuturo sa akin na gustung-gusto kong gumawa ng isa pang album at na pagkatapos nito, ikakapit ko na talaga ang mga prinsipyo ng Bibliya. Hindi siya nagsabi ng opinyon niya; ipinabasa lang niya sa akin ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:24: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon.” Nagulat ako nang maintindihan ko ang mga salitang iyan ni Jesus. Pero pagkaraan ng ilang araw, ang guro ko naman sa Bibliya ang nagulat! Sinabi ko sa kaniya na dahil gusto kong sundin si Jesus, umalis na ako sa banda!

Ang Bibliya ay nagsilbing isang salamin na nagsiwalat ng aking mga kamalian. (Santiago 1:22-25) Nakita kong napakapangit ng ugali ko: mayabang, ambisyoso, palamura, palaaway, at sugapa sa sigarilyo’t alak. Nang mapag-isip-isip kong malayung-malayo ang buhay ko sa mga prinsipyo ng Bibliya, inis na inis ako sa aking sarili. Kaya kahit napakahirap, nagpasiya akong magbago.—Efeso 4:22-24.

“Ang ating makalangit na Ama ay maawain, at gusto niyang paghilumin ang mga sugat ng mga nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali”

Sisíng-sisi ako sa mga nagawa ko noon. Pero malaki ang naitulong ng Saksing nagtuturo sa akin. Ipinakita niya sa akin ang sinasabi sa Isaias 1:18: “Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe.” Ito at ang iba pang mga talata sa Bibliya ang nakakumbinsi sa akin na ang ating makalangit na Ama ay maawain, at gusto niyang paghilumin ang mga sugat ng mga nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali.

Nang makilala ko na ang Diyos na Jehova, nagpasiya akong ialay ang aking buhay sa kaniya. (Awit 40:8) Nabautismuhan ako noong 1992 sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Petersburg, Russia.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Nagkaroon ako ng maraming mabubuting kaibigan na sumasamba rin kay Jehova. Paminsan-minsan, nagsasama-sama kami sa pagtugtog ng disenteng mga musika at nag-eenjoy kami sa regalong ito ng Diyos. (Santiago 1:17) Isang espesyal na pagpapala si Kristina, ang aking mahal na asawa. Naibabahagi ko sa kaniya ang maraming bagay—kaligayahan, mga hamon sa buhay, at ang aking niloloob.

Kung hindi ako naging Saksi ni Jehova, patay na siguro ako ngayon. Dati, madalas akong masangkot sa mga gulo’t problema. Ngayon, may kabuluhan na ang buhay ko, at pakiramdam ko’y nasa ayos na ang lahat.