Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA: POSIBLE ANG ISANG MAKABULUHANG BUHAY

Posible ba Talaga ang Makabuluhang Buhay?

Posible ba Talaga ang Makabuluhang Buhay?

“Pitumpung taon ang haba ng aming mga araw—o walumpu kung taglay namin ang kalakasan; ngunit ang pinakamabuting mga taon ay batbat ng hirap at kalungkutan.”—Awit 90:10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

TOTOONG-TOTOO ang mga pananalitang iyan! Ang buhay sa mundong ito ay kadalasan nang batbat ng “hirap at kalungkutan.” Marahil ay naiisip mo, ‘Posible ba ang makabuluhang buhay sa ngayon?’

Tingnan ang nangyari kay Maria. Napakaaktibo niya noon, pero ngayon, sa edad na 84, halos nasa bahay na lang siya. Aktibo pa rin ang isip niya, pero mahina na ang kaniyang katawan. Maituturing ba niyang makabuluhan ang gayong buhay?

Kumusta ka naman? Minsan ba ay naitanong mo na rin kung may kabuluhan ang buhay mo? Baka ang trabaho mo ay paulit-ulit na lang, nakakapagod, at nakakabagot. Baka hindi man lang napapansin ang mga nagagawa mo. Kahit maayos ang buhay mo ngayon, maaaring nag-aalala ka pa rin sa iyong kinabukasan. Marahil ay nalulungkot ka at nadedepres paminsan-minsan. Baka magulo ang pamilya ninyo o namatayan ka ng mahal sa buhay. Si André ay malapít sa kaniyang ama na biglang nagkasakit at namatay. Napakalaking dagok nito kay André at pakiramdam niya ay hindi na mawawala ang kalungkutan niya.

Anumang problema ang maranasan natin, may isang bagay tayong dapat malaman: Posible ba talaga ang makabuluhang buhay? Masasagot iyan ng naging buhay ng isang tao—si Jesu-Kristo—mga 2,000 taon na ang nakalilipas. Sa kabila ng napakaraming pagsubok na kinaharap niya, si Jesus ay nagkaroon ng makabuluhang buhay. Magiging makabuluhan din ang ating buhay kung tutularan natin ang kaniyang halimbawa.