TAMPOK NA PAKSA: DAPAT KA BANG MATAKOT SA KATAPUSAN NG MUNDO?
Katapusan ng Mundo—Pagkatakot, Pananabik, at Pagkadismaya
Ano ang nadarama mo tungkol sa Disyembre 21, 2012, ang petsa sa kalendaryo ng mga Maya na sinasabing babago sa mundo? Depende sa inaasahan mo, baka nakahinga ka nang maluwag, nadismaya, o nawalan ng interes. Isa lang ba iyang maling prediksiyon tungkol sa katapusan ng mundo?
Pero kumusta naman ang sinasabi ng Bibliya na “katapusan ng mundo”? (Mateo 24:3, Magandang Balita Biblia) Natatakot ang ilan na baka masunog ang mundo. Nasasabik naman ang iba na makita ang mga mangyayari sa katapusan ng mundo. At marami ang nawawalan na ng interes dahil matagal na silang naghihintay. Pero may basehan ba ang ganiyang mga reaksiyon o batay lang ang mga iyan sa imahinasyon?
Baka magulat ka kapag nalaman mo kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katapusan ng mundo. Ang Bibliya ay hindi lang nagbibigay ng mga dahilan para panabikan ang katapusan ng mundo, kundi sinasabi rin nito na may madidismaya dahil napapagod na silang maghintay sa pagdating ng katapusan. Inaanyayahan ka naming isaalang-alang ang mga sagot ng Bibliya sa ilang karaniwang tanong tungkol sa katapusan ng mundo.
Masusunog ba ang lupa?
SAGOT NG BIBLIYA: “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”—AWIT 104:5.
Ang lupa ay hindi gugunawin sa pamamagitan ng apoy o iba pang paraan. Sa halip, itinuturo ng Bibliya na ang planetang ito ay magiging tahanan ng mga tao magpakailanman. Sinasabi sa Awit 37:29: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 115:16; Isaias 45:18.
Pagkatapos lalangin ng Diyos ang lupa, sinabi niya na ito ay “napakabuti,” at ganiyan pa rin ang tingin niya rito. (Genesis 1:31) Hinding-hindi niya ito gugunawin. Sa halip, nangangako siyang ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa’ at hindi niya hahayaang lubusang masira ang lupa.—Apocalipsis 11:18.
Pero baka maisip mo ang sinasabi sa 2 Pedro 3:7: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy.” Nangangahulugan kaya iyan na ang lupa ay susunugin sa apoy? Ang totoo, ginagamit din ng Bibliya ang mga salitang “mga langit,” “lupa,” at “apoy” sa makasagisag na paraan. Halimbawa, nang sabihin sa Genesis 11:1: “Ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika,” ang “lupa” rito ay tumutukoy sa mga tao.
Ipinakikita ng konteksto ng 2 Pedro 3:7 na ang binabanggit nitong mga langit, lupa, at apoy ay mga sagisag lang. Sa talata 5 at 6, may binabanggit na isang sinaunang sanlibutan na napuksa sa Baha noong panahon ni Noe. Pero hindi naman naglaho ang ating planeta. Sa halip, nilipol ng Baha ang isang marahas na lipunan ng mga tao, o “lupa.” (Genesis 6:11) Pinuksa rin nito ang “mga langit”—ang mga namamahala sa mga taong iyon. Sa katulad na paraan, inihuhula ng 2 Pedro 3:7 ang lubusang pagpuksa sa masamang lipunan ng tao at sa tiwaling mga pamahalaan nito na gaya ng sa apoy.
Ano ang mangyayari sa katapusan ng mundo?
SAGOT NG BIBLIYA: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 JUAN 2:17.
Ang “sanlibutan” na lilipas ay hindi ang mundo o planetang lupa, kundi ang lahat ng tao sa mundo na hindi namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kung paanong maaaring alisin ng isang surgeon ang tumor ng isang pasyente para iligtas ito, “lilipulin” naman ng Diyos ang masasama para ang mabubuting tao ay lubusang masiyahan sa kanilang buhay sa lupa. (Awit 37:9) Kaya masasabi nating ang “katapusan ng mundo” ay isang mabuting bagay.
Ang gayong positibong pangmalas sa “katapusan ng mundo” ay ipinahihiwatig ng mga salin ng Bibliya na gumamit ng mga pananalitang “katapusan ng sistema ng mga bagay,” o “katapusan ng panahon.” (Mateo 24:3; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Yamang parehong maliligtas ang mga tao at ang lupa, hindi ba makatuwiran lang na isiping isang bagong panahon, o isang bagong sistema ng mga bagay, ang susunod? Ang sagot ng Bibliya ay oo, dahil binabanggit nito ang tungkol sa “darating na sistema ng mga bagay.”—Lucas 18:30.
Tinawag ni Jesus ang panahong iyon na “pagbabago ng lahat ng bagay.” Sa panahong iyon, ibabalik niya ang mga tao sa mga kalagayang orihinal na nilayon ng Diyos para sa kanila. (Mateo 19:28, New International Version) Pagkatapos, mararanasan natin ang sumusunod:
- Tatahan tayo sa isang paraisong lupa kung saan ang lahat ay may katiwasayan at kasaganaan.—Isaias 35:1; Mikas 4:4.
- Magkakaroon tayo ng makabuluhan at kasiya-siyang trabaho.—Isaias 65:21-23.
- Mawawala na ang lahat ng sakit.—Isaias 33:24.
- Muling babata ang matatanda.—Job 33:25.
- Bubuhaying muli ang mga patay.—Juan 5:28, 29.
Kung gagawin natin ang “kalooban ng Diyos,” o ang mga hinihiling niya sa atin, hindi tayo dapat matakot sa katapusan ng mundo. Sa halip, dapat natin itong panabikan.
Malapit na ba talaga ang katapusan ng mundo?
SAGOT NG BIBLIYA: “Kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”—LUCAS 21:31.
Sa aklat na The Last Days Are Here Again, isinulat ni Propesor Richard Kyle na ang “biglang pagbabago at kaguluhan sa lipunan ay nagbubunsod ng mga prediksiyon tungkol sa katapusan ng mundo.” Totoong-totoo ito, lalo na kapag ang mga pagbabago at kaguluhang iyan ay mahirap ipaliwanag.
Pero ang mga propeta ng Bibliya ay hindi humula tungkol sa katapusan para ipaliwanag ang masasamang nangyayari noong panahon nila. Sa halip, sila ay kinasihan ng Diyos para ilarawan ang mga kalagayang magsisilbing tanda ng nalalapit na katapusan ng mundo. Pansinin ang ilan sa mga hulang iyan at tingnan kung natutupad na ang mga iyan sa panahon natin.
- Mga digmaan, taggutom, lindol, at mga epidemya.—Mateo 24:7; Lucas 21:11.
- Pagdami ng krimen.—Mateo 24:12.
- Pagsira ng mga tao sa lupa.—Apocalipsis 11:18.
- Mga taong maibigin sa sarili, pera, at kaluguran, pero walang pag-ibig sa Diyos.—2 Timoteo 3:2, 4.
- Pagkasira ng pamilya.—2 Timoteo 3:2, 3.
- Pagwawalang-bahala ng mga tao sa mga katibayang malapit na ang katapusan ng mundo.—Mateo 24:37-39.
- Pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig.—Mateo 24:14.
Gaya ng sinabi ni Jesus, kapag nakikita na natin “ang lahat ng mga bagay na ito,” malapit na ang katapusan ng mundo. (Mateo 24:33) Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na kitang-kita na ang mga katibayan ng katapusan, at ibinabahagi nila sa iba ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa 236 na lupain.
Dahil ba sa maling mga pagtantiya tungkol sa katapusan ay hindi na ito darating?
SAGOT NG BIBLIYA: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.”—1 TESALONICA 5:3.
Inihahalintulad ng Bibliya ang katapusan ng mundo sa pagle-labor ng isang manganganak—iyon ay bigla at di-maiiwasan. Ang panahong umaakay sa katapusan ay tulad naman ng pagbubuntis. Dahil sa dumaraming palatandaan, nalalaman ng isang ina na malapit na siyang manganak. Maaaring matantiya ng doktor kung kailan siya manganganak; pero kahit ma-overdue siya, sigurado pa rin siyang isisilang niya ang kaniyang anak. Sa gayunding paraan, hindi mababago ng anumang maling pagtantiya tungkol sa katapusan ang katotohanan na tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1.
Pero baka maitanong mo, ‘Kung ang tanda na malapit na ang katapusan ay kitang-kita na, bakit hindi ito napapansin ng marami?’ Ipinakikita ng Bibliya na kapag malapit na ang katapusan, hindi papansinin ng marami ang mga katibayan nito. Hindi sila maniniwalang palala na nang palala ang kalagayan sa daigdig at na nabubuhay na sila sa mga huling araw. Sa halip, sasabihin nila: “Mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.” (2 Pedro 3:3, 4) Sa ibang salita, kahit malinaw na ang tanda ng mga huling araw, babale-walain iyon ng marami.—Mateo 24:38, 39.
Tinalakay ng artikulong ito ang ilan lamang sa mga katibayan sa Kasulatan na malapit na ang katapusan. * Gusto mo bang matuto pa nang higit? Kung oo, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova para sa libreng pag-aaral sa Bibliya. Puwedeng gawin ang pag-aaral sa inyong bahay, sa ibang kumbinyenteng lugar, o kahit sa telepono. Ang kailangan lang ay ang panahon mo, at walang katumbas ang iyong magiging pakinabang.
^ par. 39 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 9, “Nabubuhay Na ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?,” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.