Kabaitan—Napakahalaga sa Diyos
ISANG kabataan sa Japan ang naantig sa kabaitan ng isang may-edad nang lalaki. Ang lalaking ito ay isang misyonero na ilang taon pa lang sa bansang iyan sa Asia at hindi pa sanay sa wika roon. Pero linggu-linggo, pinupuntahan niya ang kabataan sa bahay nito para pag-usapan ang Bibliya. Sa mabait at palakaibigang paraan, sinisikap niyang sagutin ang maraming tanong ng kabataan.
Tumatak sa isip ng kabataan ang kabaitan ng may-edad na misyonero. ‘Kung dahil sa Bibliya ay naging napakabait at napakamaibigin ng isang tao,’ ang sabi ng kabataan, ‘dapat ko ngang pag-aralan ito.’ Oo, ang kabaitan ay kadalasan nang mas makapangyarihan kaysa sa salita. Kaya nitong antigin ang puso ng mga tao.
Isang Katangiang Gaya ng sa Diyos
Likas sa atin na maging mabait sa malalapít nating kamag-anak dahil ito naman talaga ang pangunahing kahulugan ng salitang kabaitan. Pero ang kabaitan ay pangunahin nang isang katangian ng Diyos. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang Ama sa langit ay mabait hindi lang sa mga umiibig sa Kaniya, kundi maging “sa mga walang utang-na-loob.” Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na tularan ang kabaitang iyan ng Diyos: “Dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.”—Lucas 6:35; Mateo 5:48; Exodo 34:6.
Ang mga tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos, ay may kakayahang magpakita ng kabaitan. (Genesis 1:27) Oo, puwede nating tularan ang Diyos at matutuhang maging mabait kahit sa mga hindi natin kamag-anak. Inilalarawan ng Bibliya ang kabaitan bilang bahagi ng bunga ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. (Galacia 5:22) Kaya maaari itong malinang habang ang isa ay higit na natututo tungkol sa Diyos, ang Maylalang, at nagiging malapít sa kaniya.
Yamang ang kabaitan ay likas sa tao at napakahalaga sa Diyos, makatuwiran lang na hilingin sa atin ng Diyos na ‘maging mabait sa isa’t isa.’ (Efeso 4:32) Pinaaalalahanan din tayo: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy,” o kabaitan sa mga estranghero.—Hebreo 13:2.
Sa ngayon, marami ang hindi mabait at hindi mapagpasalamat. Posible pa rin kaya para sa atin na maging mabait sa iba, kahit pa nga sa mga estranghero? Ano ang makatutulong sa atin para magawa iyan? Bakit dapat itong maging mahalaga sa atin?
Napakahalaga sa Diyos
Kapansin-pansin, pagkatapos banggitin ni apostol Pablo ang tungkol sa pagpapakita ng kabaitan sa mga estranghero, sinabi pa niya: “Sa pamamagitan nito ang ilan, nang hindi nila namamalayan, ay nag-asikaso sa mga anghel.” Ano kaya ang madarama mo sakaling mabigyan ka ng pagkakataong mag-asikaso sa mga anghel? Tandaang sinabi rin ni Pablo ang pananalitang “nang hindi nila namamalayan.” Sa ibang salita, ipinahihiwatig ni Pablo na kung makakagawian nating maging mabait sa iba, pati na sa mga estranghero, maaari tayong tumanggap ng di-inaasahang mga gantimpala.
Sa karamihan ng mga bersiyon ng Bibliya na may mga cross-reference, ang mga salita ni Pablo ay iniuugnay sa ulat ng Genesis kabanata 18 at 19 tungkol kina Abraham at Lot. Pareho silang dinalaw ng mga anghel na nagpanggap na mga estranghero at may dalang mahalagang mensahe. Sa kaso ni Abraham, ang mensahe ay tungkol sa katuparan ng ipinangako ng Diyos na isang anak na lalaki. Sa kaso naman ni Lot, ito ay tungkol sa kaligtasan mula sa nalalapit na pagkawasak ng mga lunsod ng Sodoma at Gomorra.—Genesis 18:1-10; 19:1-3, 15-17.
Kung babasahin mo ang mga tekstong binanggit, mapapansin mong parehong nagpakita ng kabaitan sina Abraham at Lot sa mga estrangherong dumaraan sa kanilang lugar. Siyempre pa, noong panahon ng Bibliya, isang kaugalian at isang pananagutan ang maging mapagpatuloy sa mga manlalakbay—sila man ay mga kaibigan, kamag-anak, o estranghero. Sa katunayan, kahilingan ng Kautusang Mosaiko na paglaanan ng mga Israelita ang mga dayuhan sa kanilang lupain. (Deuteronomio 10:17-19) Gayunman, malinaw na ang ipinakitang kabaitan nina Abraham at Lot ay higit pa sa hiniling ng kautusan nang maglaon. Kaya naman pinagpala sila dahil dito.
Dahil sa kabaitan ni Abraham, pinagpala siya ng isang anak na lalaki. Pero pinagpala rin tayo dahil dito. Paano? Si Abraham at ang kaniyang anak na si Isaac ay nagkaroon ng napakahalagang papel sa katuparan ng layunin ng Diyos. Sila ay naging mahahalagang bahagi ng angkang pinagmulan ng Mesiyas, si Jesus. At ang kanilang ipinakitang katapatan ay nagsilbing paglalarawan kung paano ililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan.—Genesis 22:1-18; Mateo 1:1, 2; Juan 3:16.
Ipinakikita ng mga ulat na ito kung ano ang inaasahan ng Diyos sa mga iniibig niya at kung gaano niya pinahahalagahan ang kabaitan. Hindi ito opsyonal, napakahalaga nito sa Diyos.
Tinutulungan Tayo ng Kabaitan na Mas Makilala ang Diyos
Sinasabi ng Bibliya na sa panahon natin, marami ang magiging ‘walang utang-na-loob, di-matapat, walang likas na pagmamahal.’ (2 Timoteo 3:1-3) Tiyak na may nakakasama ka ring ganiyang uri ng mga tao araw-araw. Pero hindi iyan dapat makahadlang sa atin para magpakita ng kabaitan sa iba. Pinaaalalahanan ang mga Kristiyano: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao.”—Roma 12:17.
Maaari tayong magpakita ng saganang kabaitan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa na umiibig ay . . . nagtatamo ng kaalaman sa Diyos,” at ang isang paraan para ipakita ang ating pag-ibig ay sa pamamagitan ng pagiging mabait sa iba. (1 Juan 4:7; 1 Corinto 13:4) Sa ganiyang paraan, mas nakikilala natin ang Diyos, kaya nagiging mas masaya tayo. Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mababait—dahil makasusumpong sila ng kabaitan. Maligaya ang malilinis ang puso—dahil makikita nila ang Diyos.”—Mateo 5:7, 8, Young’s Literal Translation.
Kapag hindi ka tiyak kung ano ang gagawin o sasabihin, magpakita ng kabaitan
Isaalang-alang ang halimbawa ni Aki, isang ina na taga-Japan at may dalawang anak. Nang biglang mamatay ang nanay ni Aki, sobrang nalungkot siya. Kung minsan ay kailangan pa niyang magpadoktor dahil sa kaniyang depresyon. Pagkatapos, nagkaroon siya ng bagong kapitbahay—isang ina na may limang menor-de-edad na anak. Kamamatay lang ng ama ng mga bata dahil sa aksidente. Naawa si Aki sa mag-iina at nagsikap siyang makipagkaibigan sa kanila. Ginagawa ni Aki ang lahat ng makakaya niya para makatulong sa pamilyang iyon—nagbibigay siya ng pagkain, pinagkaliitang damit, at iba pa. Dahil diyan, naging matatag muli ang emosyon ni Aki. Napatunayan niyang totoo ang sinasabi sa Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Oo, ang pagpapakita ng kabaitan sa iba ang posibleng pinakamagandang magagawa mo para matulungan ang iyong sarili kapag dumaranas ng depresyon.
“Nagpapautang kay Jehova”
Hindi naman kailangang gumastos nang malaki para magpakita ng kabaitan. Hindi rin ito nakadepende sa iyong kakayahan o pisikal na lakas. Kadalasan nang sapat na ang isang ngiti, madamaying salita, pagtulong, maliit na regalo, o maging ang pagpaparaya sa pila. Kapag hindi ka tiyak kung ano ang dapat sabihin o gawin sa isang partikular na kalagayan, magpakita ng kabaitan. Ang kabataang binanggit sa simula ng artikulo ay mas naantig sa kabaitan ng may-edad na misyonero kaysa sa mga salita nito. Hindi nga kataka-takang hiniling ng Diyos sa kaniyang mga mananamba na “ibigin ang kabaitan”!—Mikas 6:8.
Kapag nagpapakita tayo ng kabaitan sa iba nang may tamang motibo at pag-ibig sa Diyos, tiyak na maaantig ang kanilang puso. Hindi man pahalagahan ang ating kabaitan, hindi pa rin iyan sayang. Pinahahalagahan iyan ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kapag nagpapakita tayo ng kabaitan sa iba, tayo ay “nagpapautang kay Jehova.” (Kawikaan 19:17) Bakit hindi maging alisto sa mga pagkakataong makapagpapakita ka ng kabaitan sa iba?