Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kailanma’t Mananalangin Kayo, Sabihin Ninyo, ‘Ama’”

“Kailanma’t Mananalangin Kayo, Sabihin Ninyo, ‘Ama’”

“Ama.” Ano ang naiisip mo sa salitang iyan? Isang mapagmahal na lalaking may matinding malasakit sa kaniyang pamilya? O isang pabayang lalaki, marahil ay malupit pa nga? Nakadepende iyan nang malaki sa kung anong uri ng tao ang iyong ama.

“AMA” ang terminong madalas gamitin ni Jesus kapag nakikipag-usap siya sa Diyos o ipinakikipag-usap niya ang tungkol sa Diyos. * Nang turuan niyang manalangin ang kaniyang mga tagasunod, sinabi ni Jesus: “Kailanma’t mananalangin kayo, sabihin ninyo, Ama.” (Lucas 11:2) Pero ano bang uri ng ama si Jehova? Napakahalaga ng sagot sa tanong na iyan. Bakit? Habang nauunawaan natin kung anong uri ng ama si Jehova, mas mápapalapít tayo sa kaniya at lalo natin siyang mamahalin.

Si Jesus lang ang pinakakuwalipikadong magsabi sa atin ng tungkol sa makalangit na Ama. Mayroon siyang malapít na relasyon sa kaniyang Ama. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, ni may sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinuman na sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.” (Mateo 11:27) Kaya ang pinakamainam na paraan para makilala ang Ama ay sa pamamagitan ng Anak.

Ano ang matututuhan natin kay Jesus tungkol sa ating Ama sa langit? Pansinin ang sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Tinukoy rito ni Jesus ang pangunahing katangian ng Diyos​—pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsang-ayon, pagkahabag, proteksiyon, at disiplina, pati na sa paglalaan niya ng ating mga pangangailangan.

Tinitiyak sa Atin ni Jesus ang Pagsang-ayon ng Ama

Kapag nakikita ng mga anak na natutuwa ang kanilang mga magulang sa kanilang ginagawa, lumalakas ang loob nila. Isip-isipin na lang ang nadama ni Jesus nang sabihin ng kaniyang Ama: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Tinitiyak din sa atin ni Jesus na iniibig at sinasang-ayunan tayo ng ating Ama. Sinabi niya: “Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama.” (Juan 14:21) Talagang nakaaaliw iyan! Pero may isang humahadlang.

Gumagawa si Satanas ng paraan para pagdudahan nating sinasang-ayunan tayo ng Ama. Gusto niyang isipin nating hindi tayo karapat-dapat dito. Madalas niyang gawin ito sa panahong mahina tayo​—may sakit, matanda na, o nakararanas ng mga personal na kabiguan at pagkadismaya sa iba. Pansinin ang karanasan ni Lucas, na nag-akalang hindi siya karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos. Ikinuwento ni Lucas na bata pa siya nang talikuran ng kaniyang mga magulang ang magagandang pamantayang itinuro nila sa kaniya. Maaaring ito ang dahilan kung bakit siya nahihirapang magkaroon ng kaugnayan sa kaniyang Ama sa langit. Isa pa, dahil sa pagiging padalus-dalos, madalas siyang magkaproblema lalo na sa pakikitungo sa iba. Pero unti-unti, nakontrol ni Lucas ang ugali niyang ito dahil sa kabaitan at suporta ng kaniyang asawa na tinatawag niyang “isang espesyal na regalo mula sa Diyos.” Napag-isip-isip ni Lucas na “si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan.” (1 Timoteo 1:15) Sinabi ni Lucas na sa pagbubulay-bulay hinggil sa pag-ibig at pagsang-ayon ng Diyos, naging maligaya siya at nagkaroon ng pagpapahalaga sa sarili.

Kapag nag-aalinlangan ka kung magagawa nga ba ni Jehova na mahalin ka at sang-ayunan, makatutulong sa iyo ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Roma 8:31-39. Sa tekstong iyon, tinitiyak sa atin ni apostol Pablo na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” *

Isang Ama ng Magiliw na Pagkamahabagin

Nadarama ng ating Ama sa langit ang ating pagdurusa. Siya ay Diyos ng “magiliw na pagkamahabagin.” (Lucas 1:78) Gaya ng kaniyang Ama, nahabag din si Jesus sa mga tao. (Marcos 1:40-42; 6:30-34) Sinisikap din ng mga tunay na Kristiyano na maging mahabaging tulad ng kanilang Ama. Sinusunod nila ang payo sa Bibliya na ‘maging mabait sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw.’​—Efeso 4:32.

Pag-isipan ang karanasan ni Felipe. Isang araw, habang papunta sa kaniyang trabaho, bigla siyang nakaramdam ng napakatinding kirot na para bang sinaksak siya sa likod. Isinugod siya sa ospital. Pagkatapos ng walong-oras na pagsusuri ng mga doktor, natuklasan nilang nagkaroon ng punit ang loob ng kaniyang aorta. Sinabi nilang 25 minuto na lang ang itatagal ng buhay niya at wala nang magagawa ang operasyon.

Dahil sa pagkahabag, kumilos agad ang mga kapananampalataya ni Felipe. Inilipat nila siya sa ibang ospital at hindi sila umalis hanggang sa matapos ang operasyon. Nakatutuwa, nakaligtas si Felipe! Kapag naaalaala iyon ni Felipe, nagpapasalamat siya sa pagkamahabagin ng kaniyang mga kapananampalataya. Pero kumbinsido si Felipe na ang kaniyang Ama sa langit ang nasa likod ng kanilang pagkamahabagin. “Ang Diyos ay parang isang maibiging ama na nasa aking tabi para patibayin ako,” ang sabi ni Felipe. Oo, madalas na ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pagkamahabagin sa pamamagitan ng pag-uudyok sa kaniyang mga lingkod na magpakita rin ng katangiang iyon.

Naglalaan ng Proteksiyon ang Ating Ama

Kapag may panganib, ang isang bata ay maaaring tumakbo sa kaniyang tatay para maprotektahan. Napapanatag ang bata kapag yakap na siya ng kaniyang tatay. Lubos ang pagtitiwala ni Jesus na poprotektahan siya ni Jehova. (Mateo 26:53; Juan 17:15) Napapanatag din tayo dahil sa proteksiyon ng ating Ama sa langit. Sa ngayon, pangunahin nang sa espirituwal na paraan tayo pinoprotektahan ni Jehova. Sa ibang pananalita, inilalaan niya ang mga kailangan natin para makaiwas tayo sa panganib at para maingatan ang ating pakikipagkaibigan sa kaniya. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng mga payo mula sa Bibliya. Kapag nakatatanggap tayo ng gayong mga payo, para na ring nasa likuran natin si Jehova at nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”​—Isaias 30:21.

Isaalang-alang ang halimbawa ng magkakapatid na sina Tiago, Fernando, at Rafael​—mga miyembro ng isang rock-and-roll band. Tuwang-tuwa sila nang mapili silang tumugtog sa isa sa pinakasikat na mga music hall sa São Paulo, Brazil. Parang abot-kamay na nila ang tagumpay. Pero binabalaan sila ng isang kapananampalataya tungkol sa mga panganib ng pakikisama sa mga taong hindi sumusunod sa Diyos. (Kawikaan 13:20) Para idiin ang payong iyan ng Bibliya, ikinuwento niya ang karanasan ng kaniyang kapatid na lalaki. Nasangkot ito sa maling gawain dahil sa masasamang kasama. Nagpasiya si Tiago at ang kaniyang mga kapatid na iwan ang kanilang karera sa musika. Sila ngayon ay mga buong-panahong ministro. Naniniwala silang dahil sa pagsunod sa payo ng Salita ng Diyos, naprotektahan sila mula sa espirituwal na kapahamakan.

Nagdidisiplina ang Ating Ama

Dinidisiplina ng isang maibiging ama ang kaniyang mga anak dahil gusto niyang lumaki silang maayos. (Efeso 6:4) Ang gayong ama ay maaaring matatag sa pagtutuwid sa kaniyang mga anak, pero hindi naman malupit. Sa katulad na paraan, dinidisiplina rin tayo ng ating Ama sa langit kung kailangan. Pero ang disiplina ng Diyos ay laging maibigin at hindi kailanman malupit. Gaya ng kaniyang Ama, si Jesus ay hindi rin malupit sa pagdidisiplina sa kaniyang mga alagad kahit pa nga hindi sila agad tumutugon.​—Mateo 20:20-28; Lucas 22:24-30.

Pansinin kung paano napahalagahan ni Ricardo ang maibiging disiplina ni Jehova. Iniwan siya ng kaniyang ama noong pitong buwan pa lang siya. Nang binatilyo na siya, nadama niyang mahirap palang lumaking walang ama. Nasangkot siya sa masasamang gawain, kaya siya nakokonsiyensiya. Nang mapag-isip-isip niyang hindi kaayon ng mga pamantayang Kristiyano ang kaniyang buhay, nakipag-usap siya sa mga elder ng kanilang kongregasyon. Matatag pero maibigin siyang pinayuhan ng mga elder batay sa Bibliya. Tinanggap ni Ricardo ang disiplina sa kaniya, pero patuloy siyang nagdusa dahil sa kaniyang ginawa​—hindi makatulog, laging umiiyak, at nadedepres. Nang bandang huli, naintindihan niya kung bakit siya dinidisiplina ni Jehova. Naalaala niya ang sinasabi ng Hebreo 12:6: “Ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.”

Tandaan nating ang disiplina ay hindi lang pagpaparusa o pagsaway. Iniuugnay rin ito ng Bibliya sa pagsasanay. Kaya bilang disiplina, maaaring hayaan ng ating maibiging Ama sa langit na pansamantala tayong magdusa dahil sa ating pagkakamali. Gayunman, ipinahihiwatig ng Bibliya na ang gayong disiplina ay isang pagsasanay para gawin natin ang tama. (Hebreo 12:7, 11) Oo, talagang nababahala ang ating Ama sa kapakanan natin at itinutuwid niya tayo para sa ating kapakinabangan.

Naglalaan ng Pisikal na Pangangailangan ang Ating Ama

Inilalaan ng isang maibiging ama ang materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ganiyan din si Jehova. “Nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 6:25-34) Nangangako si Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”​—Hebreo 13:5.

Napatunayan ni Nice na totoo iyan nang mawalan ng trabaho ang kaniyang asawa. Nagkataong kaaalis lang noon ni Nice sa kaniyang trabaho na malaki ang suweldo. Gusto niya kasing mas dumami ang panahon niya sa kaniyang dalawang anak at sa paglilingkod sa Diyos. Paano na kaya sila ngayon? Nanalangin siya kay Jehova. Kinabukasan, binalikan ng kaniyang asawa ang mga gamit nito sa trabaho. Nagulat siya nang ialok sa kaniya ng boss niya ang isang nabakanteng posisyon! Dahil sa nangyaring iyon, laking pasasalamat ni Nice at ng kaniyang asawa sa kanilang Ama sa langit. Ipinaaalaala sa atin ng kanilang karanasan na bilang maibiging Tagapaglaan, hindi kailanman nalilimutan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod.

Pagpapahalaga sa Pag-ibig ng Ating Ama

Kulang ang mga salita para mailarawan ang kamangha-manghang pag-ibig ng ating Ama sa langit! Kapag pinag-iisipan natin kung paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig bilang Ama​—sa pamamagitan ng kaniyang pagsang-ayon, pagkahabag, proteksiyon, at disiplina, pati na sa paglalaan ng ating mga pangangailangan​—talagang masasabi nating siya nga ang pinakamabuting Ama!

Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa pag-ibig ng ating Ama sa langit? Magsikap na matuto nang higit tungkol sa kaniya at sa kaniyang layunin. (Juan 17:3) Iayon ang ating buhay sa kaniyang kalooban at mga daan. (1 Juan 5:3) Tularan ang kaniyang pag-ibig kapag nakikitungo sa iba. (1 Juan 4:11) Sa gayong paraan, maipakikita natin na kinikilala natin si Jehova bilang ating Ama at na itinuturing nating isang karangalan ang maging kaniyang mga anak.

[Mga talababa]

^ par. 3 Madalas banggitin sa Kasulatan ang tungkol sa pagiging ama ni Jehova. Halimbawa, sa unang tatlong Ebanghelyo, mga 65 beses na ginamit ni Jesus ang terminong “Ama,” at 100 beses naman sa Ebanghelyo ni Juan. Sa mga liham ni Pablo, mahigit 40 beses niyang tinukoy ang Diyos bilang “Ama.” Si Jehova ang ating Ama dahil siya ang Bukal ng ating buhay.

^ par. 9 Tingnan ang kabanata 24, “Walang ‘Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos,’” ng aklat na Maging Malapít kay Jehova na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 19]

Habang nauunawaan natin kung anong uri ng ama si Jehova, mas mápapalapít tayo sa kaniya at lalo natin siyang mamahalin

[Blurb sa pahina 22]

Maipakikita natin na kinikilala natin si Jehova bilang ating Ama at na itinuturing nating isang karangalan ang maging kaniyang mga anak

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 21]

IPINAKIKITA NI JEHOVA ANG PAG-IBIG NIYA BILANG AMA SA IBA’T IBANG PARAAN

PAGSANG-AYON

PAGKAHABAG

PROTEKSIYON

DISIPLINA

PISIKAL NA PANGANGAILANGAN