Mga Hula Nito—Laging Natutupad
“Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.”—JOSUE 23:14.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang mga sinaunang orakulo ay di-tiyak at di-maaasahan, gaya rin ng mga horoscope sa ngayon. Ang futurology ay nakasalig sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari at halos hindi pa nga nagtatangkang humula ng espesipikong magaganap mga dantaon patiuna. Samantala, ang mga hula sa Bibliya ay detalyado at laging natutupad, kahit na ang mga ito’y sinabi “mula pa noong sinaunang panahon.”—Isaias 46:10.
HALIMBAWA: Noong ikaanim na siglo B.C.E., nagkaroon si propeta Daniel ng isang pangitain na humula sa mabilis na pagkatalo ng Medo-Persia sa kamay ng Gresya. Inihula rin nito na kapag ang nagwaging hari ng Gresya ay “lumakas,” ang paghahari niya ay ‘mababali.’ Sino ang papalit sa kaniya? Isinulat ni Daniel: “May apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi taglay ang kaniyang kapangyarihan.”—Daniel 8:5-8, 20-22.
ANG SABI NG MGA ISTORYADOR: Mahigit 200 taon matapos ang panahon ni Daniel, si Alejandrong Dakila ay naging hari ng Gresya. Sa loob ng sampung taon, natalo ni Alejandro ang Imperyo ng Medo-Persia at umabot ang pamamahala niya hanggang sa Ilog Indus (na nasa Pakistan ngayon). Pero bigla siyang namatay sa edad na 32. Nang bandang huli, nabuwag ang kaniyang imperyo pagkatapos ng isang labanan malapit sa Ipsus sa Asia Minor. Pinaghati-hatian ng apat na nagtagumpay sa labanan ang Imperyo ng Gresya, pero wala ni isa sa kanila ang nakapantay sa kapangyarihan ni Alejandro.
ANO SA PALAGAY MO? May iba pa bang aklat na ang mga hula ay laging natutupad? O talagang natatangi ang Bibliya?
“Ang mga hula sa Bibliya ay . . . napakarami anupat imposibleng nagkataon lang ang katuparan ng mga ito.”—A LAWYER EXAMINES THE BIBLE, NI IRWIN H. LINTON