Tanong ng mga Mambabasa
Sino ang Nagsugo ng “Bituin”?
▪ Nakakita ka na ba ng Belen o ng isinadulang pagdalaw ng tatlong hari, o mga pantas na lalaki, sa bagong-silang na si Jesus habang siya ay nasa sabsaban? Ayon sa kuwento, gumamit ang Diyos ng isang bituin para akayin ang tatlong hari sa Betlehem. Kabisado pa nga ng mga bata ang mga pangalan nila—Melchor, Gaspar, at Baltazar. Pero kaayon ba ng sinasabi ng Bibliya ang popular na kuwentong ito? Hindi. May mga detalye ito na di-tumpak.
Una, sino ba ang mga lalaking iyon? Sa orihinal na Griego, hindi sila tinutukoy ng Bibliya na mga hari o mga pantas na lalaki. Sila ay mga mago, o paganong astrologo. Lumilitaw na nanghuhula sila batay sa posisyon ng mga bituin. Hindi sinasabi sa Bibliya kung ano ang mga pangalan nila o kung ilan sila.
Ikalawa, kailan ba dumalaw ang mga lalaking iyon? Tiyak na hindi na isang sanggol sa sabsaban si Jesus nang dumalaw sila. Ganito ang sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo: “Nang pumasok sila sa loob ng bahay ay nakita nila ang bata na kasama ni Maria na kaniyang ina.” (Mateo 2:11) Pansinin na si Jesus ay hindi na isang bagong-silang na sanggol, kundi isang “bata.” At sina Maria at Jose ay hindi na nakatuloy sa isang kuwadra, kundi sa isang bahay.
Ikatlo, sino ang nagsugo ng “bituin” na umakay sa mga astrologo? Karaniwan nang itinuturo ngayon ng mga lider ng relihiyon na ang Diyos ang nagsugo nito. Siya ba talaga? Tandaan, hindi sa Betlehem unang inakay ng “bituin” ang mga astrologong iyon, kundi kay Haring Herodes sa Jerusalem. Naibunyag nila sa inggitero at makapangyarihang mamamatay-taong iyon ang pagsilang ni Jesus na magiging “hari ng mga Judio,” kaya lalong nasuklam si Herodes sa bata. (Mateo 2:2) Sinabihan sila ni Herodes na bumalik at ipaalam sa kaniya ang eksaktong kinaroroonan ng bata dahil gusto rin daw niyang magbigay-pugay rito. Pagkatapos, inakay ng “bituin” ang mga astrologo kina Jose at Maria. Muntik nang maipahamak ng mga astrologo ang bata kung hindi ito hinadlangan ng Diyos. Galít na galít si Herodes nang hindi bumalik sa kaniya ang mga astrologo. Dahil dito, ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki, mula dalawang taóng gulang pababa, sa loob at sa palibot ng Betlehem.—Mateo 2:16.
Nang maglaon, tinukoy ni Jehova si Jesus na “aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Pag-isipan ito: Ang maibigin at matuwid na Ama bang ito ay pipili ng paganong mga astrologo—na nagsasagawa ng okultismong ipinagbabawal sa kaniyang Kautusan—para maging mga mensahero niya? (Deuteronomio 18:10) Magsusugo ba siya ng isang bituin para akayin sila sa mapanganib at makapangyarihang mamamatay-taong si Herodes, taglay ang isang mensaheng tiyak na ikagagalit nito nang husto? At gagamitin ba ng Diyos ang bituin at ang mga astrologo ring iyon para ibunyag ang kinaroroonan ng kaniyang walang-kalaban-labang anak?
Bilang paglalarawan: Isinugo ng isang mahusay na kumander ang kaniyang pinakamagaling na sundalo sa teritoryo ng mga kalaban para sa isang misyon. Ibubunyag ba niya sa mga kalaban ang kinaroroonan ng kaniyang sundalo? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak sa mapanganib na daigdig na ito. Ibubunyag ba Niya sa napakasamang si Haring Herodes kung nasaan ang Kaniyang Anak na noo’y bata pa at walang kalaban-laban?
Kung gayon, sino ang nagsugo ng “bituin,” o tulad-bituing bagay na iyon? Isipin mo, sino ba talaga ang may gustong ipapatay ang batang si Jesus para hindi na magawa ni Jesus ang misyon niya sa lupa? Sino ba ang nanliligáw sa mga tao at nagtataguyod ng kasinungalingan, karahasan, at pagpatay? Ipinakilala mismo ni Jesus kung sino ang isa na “sinungaling at ama ng kasinungalingan,” ang isa na “mamamatay-tao nang siya ay magsimula”—si Satanas na Diyablo.—Juan 8:44.