“Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian ay Ipangangaral”
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
Ang Kahulugan Nito: Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay nagsabi na “naglakbay [si Jesus] sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Sinabi mismo ni Jesus: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Isinugo niya ang kaniyang mga alagad para ipangaral ang mabuting balita sa mga bayan at nayon, at pagkaraan ay inutusan sila: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; Lucas 10:1.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Sumunod agad kay Jesus ang kaniyang mga alagad. “Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gawa 5:42) Ang lahat ng miyembro ng kongregasyon ay nangaral. Napansin ng istoryador na si Neander na “[ginawang] katatawanan ni Celsus, unang manunulat laban sa Kristiyanismo, ang katotohanan na ang mga manggagawa ng lana, sapatero, mangungulti, pinakamangmang at pinakakaraniwan sa sangkatauhan ay masisigasig na mángangarál ng ebanghelyo.” Sa kaniyang aklat na The Early Centuries of the Church, isinulat ni Jean Bernardi: “[Ang mga Kristiyano] ay kailangang lumabas at magpahayag sa lahat ng dako at sa bawat isa. Sa mga haywey at sa mga lunsod, sa mga liwasang-bayan at sa mga tahanan. Tanggapin man sila o hindi. . . . Hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? “Ang pagkabigo ng simbahan na mangaral at magturo ay isang dahilan kung bakit
walang interes sa ngayon ang mga tao na maglingkod sa Diyos,” ang isinulat ng paring Anglikano na si David Watson. Sa kaniyang aklat na Why Are the Catholics Leaving?, si José Luis Pérez Guadalupe ay sumulat tungkol sa mga gawain ng mga Evangelical, Adventist, at iba pa, at nagsabing “hindi sila nagbabahay-bahay.” Tungkol naman sa mga Saksi ni Jehova, isinulat niya: “Sistematiko silang nagbabahay-bahay.”Isang kapansin-pansin at makatotohanang obserbasyon ni Jonathan Turley ang mababasa sa Cato Supreme Court Review, 2001-2002: “Kapag nababanggit ang mga Saksi ni Jehova, naiisip agad ng marami ang mga mángangarál na dumadalaw sa ating mga bahay nang wala sa oras. Para sa mga Saksi ni Jehova, ang pangungumberte sa bahay-bahay ay hindi lang basta para maisulong ang kanilang pananampalataya, kundi napakahalaga mismo sa kanilang pananampalataya.”
[Kahon sa pahina 9]
Kanino Mo Nakikita ang mga Pagkakakilanlan?
Batay sa maka-Kasulatang mga palatandaang tinalakay sa seryeng ito, sino sa ngayon, sa palagay mo, ang nagtataglay ng mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyano? Bagaman libu-libong grupo at denominasyon ang nagsasabing sila’y Kristiyano, tandaan ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 7:21) Kung makikilala mo ang mga gumagawa ng kalooban ng Ama—anupat nagtataglay ng mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyano—at makikisama ka sa kanila, matatamasa mo ang walang-hanggang mga pagpapala sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Inaanyayahan ka naming makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova, na nagdala sa iyo ng magasing ito, para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa mga pagpapalang idudulot nito.—Lucas 4:43.