Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Nakahula ba sa Bibliya ang Mangyayari sa Hinaharap?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Espesipiko ba ang mga hula sa Bibliya?
Tanging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang nakaaalam nang detalyadong mangyayari sa hinaharap. (Amos 3:7) Halimbawa, matagal na niyang inihula ang pagdating ng Mesiyas, o Kristo. Ang Mesiyas ay magiging inapo ng tapat na si Abraham. Siya ay magiging isang tagapamahala at gagawin niyang posible na matamong muli ng masunuring mga tao ang sakdal na buhay, anupat hindi na sila magkakasakit. (Genesis 22:18; Isaias 53:4, 5) Ang Ipinangakong Isa na ito ay magmumula sa Betlehem.—Basahin ang Mikas 5:2.
Napatunayang si Jesus ang Mesiyas. Mahigit 700 taon patiuna, inihula ng Bibliya na ang Mesiyas ay isisilang ng isang birhen at hahamakin. Ibibigay niya ang kaniyang buhay para sa kasalanan ng marami, at ililibing siya kasama ng mayayaman. (Isaias 7:14; 53:3, 9, 12) At mahigit 500 taon patiuna, sinabi rin ng Bibliya na siya ay papasok sa Jerusalem sakay ng isang asno at ipagkakanulo kapalit ng 30 pirasong pilak. Natupad ang lahat ng detalyeng ito.—Basahin ang Zacarias 9:9; 11:12.
2. Bumabanggit ba ng petsa ang Diyos sa kaniyang mga hula?
Mahigit 500 taon patiuna, inihula ng Bibliya ang eksaktong taon kung kailan lilitaw ang Mesiyas. Ang panahon hanggang sa kaniyang paglitaw ay tinukoy sa pamamagitan ng mga sanlinggo ng mga taon, na nangangahulugang bawat “sanlinggo” ay katumbas ng pitong taon. Sinasabi sa hula na magkakaroon ng 7 at 62 ng gayong mga sanlinggo, na sa kabuuan ay 69 na sanlinggo ng mga taon o 483 taon. Kailan ito nagsimula? Ayon sa Bibliya, nagsimula ito noong dumating sa Jerusalem ang lingkod ng Diyos na si Nehemias at pasimulan ang pagtatayong muli ng lunsod. Batay sa kasaysayan ng Persia, iyon ay noong 455 B.C.E. (Nehemias 2:1-5) Makalipas ang eksaktong 483 taon, si Jesus ay binautismuhan bilang ang Mesiyas noong 29 C.E.—Basahin ang Daniel 9:25.
3. Natutupad ba sa ngayon ang mga hula sa Bibliya?
Si Jesus ay humula ng mahahalagang pangyayari na magaganap sa ating panahon. Binanggit niya sa kaniyang hula ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, na magdudulot ng kaginhawahan sa mga taong umiibig sa Diyos sa buong daigdig. Wawakasan ng Kaharian ang masamang sistema ng mga bagay na kinabubuhayan natin.—Basahin ang Mateo 24:14, 21, 22.
Detalyadong inilalarawan ng mga hula sa Bibliya ang pagwawakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Binabanggit ng Bibliya na ipapahamak ng tao ang lupa, na kabaligtaran ng inaasahang pag-unlad sa panahong ito. Darami ang mga problema sa daigdig, gaya ng digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, at sakit. (Lucas 21:11; Apocalipsis 11:18) Babagsak din ang pamantayang moral ng mga tao. Sa magulong panahong ito, ipangangaral ng mga tagasunod ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng bansa.—Basahin ang Mateo 24:3, 7, 8; 2 Timoteo 3:1-5.
4. Ano ang mangyayari sa mga tao sa hinaharap?
May ilalaang mga pagpapala ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat para sa tapat na mga tao. Mula sa langit, si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga pinili ay mamamahala sa lupa. Sila ang bumubuo sa Kaharian, na mamamahala sa loob ng isang libong taon. Ang mga patay ay bubuhaying muli at bibigyan ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. Bukod diyan, ang lahat ng maysakit ay pagagalingin. Mawawala na ang sakit at kamatayan.—Basahin ang Apocalipsis 5:10; 20:6, 12; 21:4, 5.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 23-25 at 197-201 ng aklat na, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na nasa larawan.