Maging Malapít sa Diyos
“Ako, si Jehova na Iyong Diyos, ay Nakahawak sa Iyong Kanang Kamay”
“HUMAWAK ka sa kamay ko,” ang sabi ng isang ama sa kaniyang anak bago sila tumawid ng kalsada. Dahil sa mahigpit na hawak ng ama sa maliit na kamay ng kaniyang anak, ang pakiramdam ng bata ay wala siyang dapat katakutan. Naiisip mo ba na sana’y may humawak din sa iyong kamay para akayin ka sa pagtahak mo sa walang-katiyakang buhay? Kung oo, tiyak na maaaliw ka sa mga pananalitang isinulat ni Isaias.—Basahin ang Isaias 41:10, 13.
Ang mga salitang ito na isinulat ni Isaias ay para sa Israel. Bagaman ang bansang iyon ay itinuring ng Diyos bilang kaniyang “pantanging pag-aari,” napalilibutan naman ito ng mga kaaway. (Exodo 19:5) May dapat bang ikatakot ang Israel? Ginamit ni Jehova si Isaias para sabihin ang isang nakapagpapatibay na mensahe. Habang sinusuri natin iyon, tandaan natin na kapit din iyon sa mga mananamba ng Diyos sa ngayon.—Roma 15:4.
“Huwag kang matakot,” ang sabi ni Jehova. (Talata 10) Ipinaliwanag ni Jehova ang dahilan kung bakit: “Sapagkat ako ay sumasaiyo.” Hindi lang sa panahon ng pangangailangan tumutulong si Jehova. Gusto niyang malaman ng kaniyang bayan na siya ay sumasakanila—na para bang nasa tabi nila—at laging handang sumuporta. Talagang nakaaaliw na malaman iyan!
Ganito pa ang sinabi ni Jehova sa kaniyang mga mananamba: “Huwag kang luminga-linga.” (Talata 10) Ang pandiwang Hebreo na ginamit dito ay maaaring tumukoy sa mga “tumitingin sa lahat ng direksiyon para makita kung may anumang makapananakit sa kanila.” Ipinaliwanag ni Jehova sa kaniyang bayan kung bakit hindi nila kailangang luminga-linga dahil sa takot: “Sapagkat ako ang iyong Diyos.” Talagang nakaaaliw na mga salita! Si Jehova ang “Kataas-taasan,” ang “Makapangyarihan-sa-lahat.” (Awit 91:1) Bakit nga sila matatakot gayong si Jehova ang kanilang Diyos?
Kung gayon, ano ang maaasahan ng mga mananamba ni Jehova mula sa kaniya? Nangangako siya: “Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Talata 10) Sinabi pa niya: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay.” (Talata 13) Ano ang naiisip mo kapag naririnig mo ang mga salitang iyan? “Kapag binabasa ang dalawang talatang ito, buung-buo ang larawan ng magulang at anak,” ang sabi ng isang reperensiya. “[Ang ama] ay hindi lang basta naghihintay kung kailan siya kikilos, kundi kasa-kasama rin ng anak; hindi niya hahayaang mahiwalay sa kaniya ang anak.” Isipin mo—hindi hahayaan ni Jehova na mahiwalay mula sa kaniya ang kaniyang bayan, kahit na sa waring pinakamahihirap na sandali ng kanilang buhay.—Hebreo 13:5, 6.
Ang mga mananamba ni Jehova sa ngayon ay maaaliw rin sa mga salitang isinulat ni Isaias. Sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” baka madaig tayo ng mga hamon sa buhay. (2 Timoteo 3:1) Pero hindi natin kailangang harapin ang mga ito nang mag-isa. Handa si Jehova na hawakan ang ating kamay. Tulad ng isang anak, makaaasa tayo sa kaniyang makapangyarihang kamay, anupat nagtitiwalang aakayin niya tayo sa tamang direksiyon at tutulungan sa panahon ng pangangailangan.—Awit 63:7, 8.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Enero: