Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Dapat Bang Binyagan ang mga Sanggol?

Dapat Bang Binyagan ang mga Sanggol?

▪ “Natatakot ako na baka nasa Limbo ang kapatid kong si John,” ang sabi ni Victoria. Bakit kaya siya nakadarama ng ganiyang takot? “Namatay si John nang hindi nabinyagan,” ang paliwanag niya, “at isang paring Katoliko ang nagsabi na dahil dito, mananatili na si John sa Limbo.” Talagang nakatatakot, pero nasa Bibliya ba iyan? Itinuturo ba ng Bibliya na ang mga sanggol na namatay nang di-nabinyagan, o di-nabautismuhan, ay mapupunta sa purgatoryo?

Itinuturo talaga ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat mabautismuhan. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Pansinin na ang mga binabautismuhan ay mga alagad na ni Jesus. Ibig sabihin, sila ay mga indibiduwal na naturuan tungkol kay Jesus at nagpasiyang sumunod sa kaniya​—isang bagay na hindi magagawa ng mga sanggol.

Gayunman, iginigiit pa rin ng marami na ang utos na iyan ni Jesus ay kapit sa maliliit na bata. “Ang lahat ay dapat mabautismuhan, pati na ang mga sanggol,” ang sabi ng Luteranong pastor na si Richard P. Bucher. Idinagdag pa niya: “Kung hindi sila mababautismuhan, hindi sila tatanggap ng kapatawaran at mapupunta sila sa impiyerno.” Pero ang totoo, salungat iyan sa mga turo ni Jesus. Isaalang-alang natin ang tatlo sa mga ito.

Una, hindi itinuro ni Jesus na dapat binyagan ang mga sanggol. Bakit mahalagang isaalang-alang ito? Naging masigasig si Jesus sa pagtuturo sa kaniyang mga alagad tungkol sa mga kahilingan ng Diyos. Kung minsan, inuulit pa nga niya ang ilang mahahalagang turo. Bakit? Para matiyak na naintindihan ito ng kaniyang mga alagad. (Mateo 24:42; 25:13; Marcos 9:34-37; 10:35-45) Pero ni minsan ay hindi niya itinuro na dapat bautismuhan ang mga sanggol. Nalimutan lang kaya ito ni Jesus? Imposible! Kung dapat bautismuhan ang mga sanggol, tiyak na sasabihin iyon ni Jesus.

Ikalawa, hindi kailanman itinuro ni Jesus na may sinumang nagdurusa pagkamatay. Naniniwala siya sa Kasulatan na malinaw na nagsasabi: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Alam ni Jesus na ang mga patay ay hindi napupunta sa purgatoryo, Limbo, impiyerno, o iba pang lugar. Sa halip, itinuro niyang ang mga ito ay walang kabatiran na parang natutulog lang.​—Juan 11:1-14.

Ikatlo, itinuro ni Jesus na “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan” ay bubuhaying-muli. (Juan 5:28, 29) Tiyak na kasama rito ang milyun-milyong namatay nang hindi nabautismuhan. Kapag binuhay-muli, magkakaroon sila ng pagkakataong matuto tungkol sa mga kahilingan ng Diyos at mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. *​—Awit 37:29.

Kung gayon, maliwanag na hindi itinuturo ng Bibliya na dapat binyagan ang mga sanggol.

[Talababa]

^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paraisong lupa at sa pag-asang pagkabuhay-muli, tingnan ang mga kabanata 3 at 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.