Maging Malapít sa Diyos
“O Jehova, . . . Kilala Mo Ako”
“WALA nang hihigit pang pasanin ang maaaring tiisin ng isang tao kaysa sa pagkaalam na walang nagmamalasakit o nakauunawa” sa kaniya. * Nadama mo na rin ba na walang nagmamalasakit o nakauunawa sa iyo? Kung oo, baka makaaliw ito sa iyo: Gayon na lamang ang pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang mga mananamba anupat interesado siya sa lahat ng nangyayari sa kanila sa araw-araw. Tinitiyak ito sa atin ng mga salita ni David sa Awit 139.
Dahil nakatitiyak na interesado sa kaniya ang Diyos, sinabi ni David: “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako.” (Talata 1) Gumamit dito si David ng isang magandang paglalarawan. Ang pandiwang Hebreo na isinaling “siniyasat” ay maaaring tumukoy sa paghuhukay ng inambato (Job 28:3), paggalugad sa isang lupain (Hukom 18:2), o pagsusuri sa mga ebidensiya sa isang kaso sa korte (Deuteronomio 13:14). Oo, kilalang-kilala tayo ni Jehova na para bang nasuri na niya ang lahat-lahat ng tungkol sa atin. Sa paggamit ng panghalip na “ako,” itinuturo sa atin ni David na interesado si Jehova sa kaniyang mga lingkod. Sinisiyasat niya sila at kinikilala bilang indibiduwal.
Idiniin ni David ang lubusang pagsisiyasat ng Diyos nang sabihin niya: “Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo.” (Talata 2) Sa diwa, si Jehova ay “malayo” dahil sa langit siya nakatira. Pero alam niya kapag tayo’y nauupo, marahil pagkatapos ng isang nakapapagod na maghapon, at kapag tayo’y tumatayo sa umaga at gumagawa sa araw-araw. Alam din niya ang ating pag-iisip, hangarin, at intensiyon. Natatakot ba si David sa gayong uri ng pagsisiyasat? Hindi, gusto niya ito. (Talata 23, 24) Bakit?
Alam ni David na maganda ang intensiyon ni Jehova sa pagsisiyasat Niya sa Kaniyang mga mananamba. May kinalaman dito, isinulat niya: “Ang aking paglalakbay at ang aking paghigang nakaunat ay sinukat mo, at naging pamilyar ka sa lahat nga ng aking mga lakad.” (Talata 3) Nakikita ni Jehova araw-araw ang ‘lahat ng ating lakad’—ang ating mga pagkakamali at ang mabubuti nating ginagawa. Saan ba siya nakapokus, sa mali o sa tama? Ang salitang Hebreo na isinaling “sukatin” ay puwedeng mangahulugang “bistayin,” o “tahipan,” gaya ng ginagawa ng magsasaka kapag inihihiwalay ang walang-kuwentang ipa para makita ang mahalagang butil. Ang pariralang “naging pamilyar” ay salin ng salitang Hebreo na maaaring mangahulugang “itinangi.” Kapag sinusuri ni Jehova ang sinasabi o ginagawa ng kaniyang mga mananamba sa araw-araw, pinahahalagahan niya ang mabubuti. Bakit? Dahil itinatangi niya ang ating mga pagsisikap na palugdan siya.
Itinuturo sa atin ng Awit 139 na talagang nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang mga mananamba. Sinisiyasat niya sila at binabantayan sa araw-araw. Kaya alam niya ang kanilang mga problema, at nauunawaan ang paghihirap ng kanilang puso’t isip dahil sa mga ito. Gusto mo bang sambahin ang gayong mapagmalasakit na Diyos? Kung oo, makatitiyak ka sa bagay na ito: Hinding-hindi ‘lilimutin ni Jehova ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’—Hebreo 6:10.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Setyembre:
[Talababa]
^ par. 1 Sinipi mula sa awtor na si Arthur H. Stainback.