Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jesus—Paano Siya Namuhay?

Jesus—Paano Siya Namuhay?

Jesus​—Paano Siya Namuhay?

“Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”​—JUAN 4:34.

IPINAKIKITA ng pananalitang iyan ang pangunahin sa buhay ni Jesus. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay buong-umagang naglakbay sa maburol na bayan ng Samaria. (Juan 4:6, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References) Dahil inaakala ng kaniyang mga alagad na nagugutom na si Jesus, inalok nila siya ng pagkain. (Juan 4:31-33) Bilang sagot, sinabi ni Jesus ang layunin niya sa buhay. Para sa kaniya, mas mahalaga ang paggawa ng gawain ng Diyos kaysa sa pagkain. Sa salita at sa gawa, namuhay si Jesus upang gawin ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. Ano ang kasama rito?

Pangangaral at pagtuturo tungkol sa Kaharian ng Diyos Ipinaliliwanag ng Bibliya ang naging buhay ni Jesus: “Lumibot siya sa buong Galilea, na nagtuturo . . . at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 4:23) Si Jesus ay hindi lamang basta nangaral o naghayag tungkol sa Kaharian ng Diyos. Nagturo din siya sa mga tao​—nagbigay siya ng tagubilin, nagpaliwanag, at kumumbinsi sa pamamagitan ng mahusay na pangangatuwiran. Ang Kaharian ang tema ng mensahe ni Jesus.

Sa buong ministeryo ni Jesus, itinuro niya sa kaniyang mga tagapakinig kung ano ang Kaharian ng Diyos at ang gagawin nito. Pansinin ang mga katotohanan tungkol sa Kaharian, pati na ang mga talata sa Kasulatan na naglalaman ng mga pananalita ni Jesus tungkol sa paksang ito.

▪ Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit, at si Jesus ang hinirang ni Jehova bilang Hari nito.​—MATEO 4:17; JUAN 18:36.

▪ Pababanalin ng Kaharian ang pangalan ng Diyos at pangyayarihing maganap ang kaniyang kalooban sa lupa gaya sa langit.​—MATEO 6:9, 10.

▪ Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang buong lupa ay magiging paraiso.​—LUCAS 23:42, 43.

▪ Malapit nang dumating ang Kaharian ng Diyos at isasagawa nito ang kalooban ng Diyos sa lupa. *​—MATEO 24:3, 7-12.

Pagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa Pangunahin nang nakilala si Jesus bilang “Guro.” (Juan 13:13) Pero sa tatlo’t kalahating taon ng kaniyang ministeryo, nagsagawa rin siya ng maraming makapangyarihang gawa. Sa pamamagitan nito, napatunayang isinugo nga siya ng Diyos. (Mateo 11:2-6) Ipinakita rin nito kung ano ang gagawin niya bilang Hari sa Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Pansinin ang ilan sa mga himalang ginawa niya.

▪ Pinakalma niya ang maalong dagat at pinatahimik ang malakas na hangin.​—MARCOS 4:39-41.

▪ Nagpagaling siya ng mga maysakit, kasama na ang mga bulag, bingi, at pilay.​—LUCAS 7:21, 22.

▪ Nagparami siya ng pagkain para mapakain ang maraming nagugutom.​—MATEO 14:17-21; 15:34-38.

▪ Tatlong beses siyang bumuhay ng patay.​—LUCAS 7:11-15; 8:41-55; JUAN 11:38-44.

Isip-isipin na lamang ang magiging buhay sa lupa kapag namahala na ang makapangyarihang Hari na iyan!

Pagpapakilala sa Diyos na Jehova Sa pagtuturo sa iba tungkol kay Jehova, wala nang mas kuwalipikado pa kaysa sa mismong Anak ng Diyos, na nakilala bilang si Jesu-Kristo. Bilang “ang panganay sa lahat ng nilalang,” nabuhay si Jesus kasama ni Jehova sa langit nang mas matagal kaysa sa ibang espiritung nilalang. (Colosas 1:15) Isip-isipin ang mga pagkakataon para matutuhan niya ang pag-iisip, kalooban, pamantayan, at mga paraan ng kaniyang Ama.

Makatuwirang masasabi ni Jesus: “Kung sino ang Anak ay walang nakaaalam kundi ang Ama; at kung sino ang Ama ay walang nakaaalam kundi ang Anak, at yaong sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.” (Lucas 10:22) Nang nasa lupa si Jesus bilang tao, may pagkukusa​—oo, may pananabik​—niyang ipinakita kung anong uri ng persona ang kaniyang Ama. Pambihira ang pagsasalita at pagtuturo ni Jesus dahil batay ito sa mga alaala niya sa langit at sa matayog na presensiya ng Kataas-taasang Diyos.​—Juan 8:28.

Ang pagpapakilala ni Jesus sa kaniyang Ama ay maihahalintulad sa nagagawa ng isang transpormer. Nakukumberte ng aparatong ito sa mas mababang boltahe ang mataas na boltahe ng kuryenteng pumapasok dito, para magamit ng karaniwang mamamayan. Nang narito sa lupa si Jesus, itinuro niya ang mga natutuhan niya sa langit tungkol sa kaniyang Ama sa paraang madaling maunawaan at maisagawa ng hamak na mga tao sa lupa.

Pansinin ang dalawang mahalagang paraan kung paano ipinakilala ni Jesus ang kaniyang Ama.

▪ Itinuro ni Jesus ang katotohanan tungkol kay Jehova​—ang Kaniyang pangalan, layunin, at mga paraan.​—JUAN 3:16; 17:6, 26.

▪ Sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, ipinakita ni Jesus ang maraming magagandang katangian ni Jehova. Makikita mismo kay Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama anupat masasabi niya: ‘Kung gusto ninyong malaman kung anong uri ng persona ang aking Ama, tingnan ninyo ako.’​—JUAN 5:19; 14:9.

Oo, namamangha tayo sa paraan ng pamumuhay ni Jesus. Pero para makinabang tayo nang malaki, dapat nating suriin kung bakit kailangang mamatay si Jesus. Dapat din tayong kumilos ayon sa ating natututuhan.

[Talababa]

^ par. 9 Para malaman ang higit pa tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung bakit natin masasabing malapit na itong dumating, tingnan ang kabanata 8, “Ano ba ang Kaharian ng Diyos?,” at kabanata 9, “Nabubuhay Na ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?,” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.