Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Nakapagtiis Siya sa Kabila ng mga Kabiguan
NADARAMA ni Samuel ang paghihinagpis sa Shilo. Halos bumaha roon ng luha. Ilang kababaihan at mga bata kaya ang maririnig na tumatangis sa pagkaalam na hindi na makauuwi ang kanilang mga ama, asawa, anak, at mga kapatid na lalaki? Nalaman natin na namatayan ng 4,000 sundalo ang Israel sa isang naunang digmaan laban sa mga Filisteo, at 30,000 naman ang napatay nang muli silang matalo ng mga ito.—1 Samuel 4:1, 2, 10.
Kabilang ito sa sunud-sunod na trahedya. Ang mataas na saserdoteng si Eli ay may dalawang napakasamang anak, sina Hopni at Pinehas, na nagmartsa palabas ng Shilo dala ang sagradong kaban ng tipan. Ang mahalagang kaban na ito ay sagisag ng presensiya ng Diyos at karaniwang nasa loob ng banal na silid ng tabernakulo—isang tulad-toldang templo. Pero ngayon, dinala ng bayan sa digmaan ang Kaban. Iniisip nilang magsisilbi itong agimat at magbibigay sa kanila ng tagumpay. Ngunit nakuha ng mga Filisteo ang Kaban at pinatay sina Hopni at Pinehas.—1 Samuel 4:3-11.
Sa loob ng daan-daang taon, ang Kaban ay nasa tabernakulo sa Shilo. Ngayon ay wala na ito. Nang mabalitaan iyan ng 98-anyos na si Eli, nabuwal siya nang patalikod mula sa kaniyang upuan at namatay. Ang manugang naman niya na nabiyuda nang araw na iyon ay namatay sa panganganak. Bago mamatay, sinabi niya: “Ang kaluwalhatian ay lumisan sa Israel tungo sa pagkatapon.” Tunay, ang Shilo ay hindi na magiging gaya ng dati.—1 Samuel 4:12-22.
Paano haharapin ni Samuel ang matitinding kabiguang ito? Mananatili kayang matatag ang pananampalataya niya sa pagtulong sa isang bayan na wala nang proteksiyon at pagsang-ayon ni Jehova? Kung minsan, maaari tayong mapaharap sa mga problema at kabiguang sumusubok sa ating pananampalataya. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin kay Samuel.
Siya ay “Nagpangyari ng Katuwiran”
Sa puntong ito, sa sagradong Arka na nakatuon ang ulat ng Bibliya. Ipinakikita nito sa atin kung paano nagdusa ang mga Filisteo nang kunin nila ang Arka at mapilitang ibalik ito. Nang banggiting muli ng ulat si Samuel, mga 20 taon na ang lumipas. (1 Samuel 7:2) Ano ang pinagkaabalahan niya nang mga panahong iyon? Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya.
Nalaman natin na bago nito, “ang salita ni Samuel ay patuloy na dumating sa buong Israel.” (1 Samuel 4:1) Ipinakikita ng ulat na pagkalipas ng panahong iyon, taun-taong dumadalaw si Samuel sa tatlong lunsod sa Israel. Nag-aasikaso siya ng mga problema at nagbibigay-kasagutan sa mga tanong. Pagkatapos, bumabalik siya sa kaniyang bayang Rama. (1 Samuel 7:15-17) Maliwanag, naging abala si Samuel, maging sa loob ng 20-taóng iyon.
Dahil sa imoralidad at katiwalian ng mga anak ni Eli, gumuho ang pananampalataya ng bayan. Lumalabas na marami ang bumaling sa pagsamba sa mga idolo. Pero pagkatapos ng dalawang-dekadang pagtitiyaga, ganito ang naging mensahe ni Samuel sa bayan: “Kung buong puso kayong manunumbalik kay Jehova, alisin ninyo ang mga banyagang diyos sa gitna ninyo at gayundin ang mga imahen ni Astoret, at ituon ninyo nang walang maliw ang inyong puso kay Jehova at siya lamang ang inyong paglingkuran, at ililigtas niya kayo mula sa kamay ng mga Filisteo.”—1 Samuel 7:3.
“Ang kamay ng mga Filisteo” ay naging mabigat sa bayan. Dahil halos napulbos na ang hukbo ng Israel, inakala ng mga Filisteo na puwede na nilang api-apihin ang bayan ng Diyos. Subalit tiniyak ni Samuel sa bayan na magbabago ang mga bagay-bagay kung babalik sila kay Jehova. Pero gusto ba nilang gawin iyon? Laking tuwa ni Samuel nang alisin nila ang kanilang mga idolo at “kay Jehova na lamang naglingkod.” Nagpatawag ng pagtitipon si Samuel sa Mizpa, isang bayan sa bulubunduking lugar sa hilaga ng Jerusalem. Doon, nag-ayuno ang mga tao at nagsisi sa pagsamba nila sa mga idolo.—Gayunman, natunugan ng mga Filisteo ang tungkol sa malaking pagtitipong ito. Kaya nagpadala sila ng hukbo sa Mizpa upang lipulin ang mga mananamba ni Jehova. Nabalitaan ng mga Israelita ang nakaambang panganib. Sa takot, hinilingan nila si Samuel na ipanalangin sila. Ginawa iyon ni Samuel at naghandog din siya. Nang pagkakataong iyon, dumating sa Mizpa ang hukbo ng mga Filisteo. Pero sinagot ni Jehova ang panalangin ni Samuel. Siya ay ‘nagpakulog ng malakas na ingay nang araw na iyon laban sa mga Filisteo,’ anupat nalito ang mga ito.—1 Samuel 7:7-10.
Ang mga Filisteo bang iyon ay parang maliliit na batang tatakbo at magtatago sa likod ng kanilang mga nanay kapag nakarinig sila ng kulog? Hindi, sila ay matatapang na sundalong sanay sa digmaan. Kaya malamang na di-pangkaraniwan ang kulog na iyon. Bakit kaya di-pangkaraniwan? Dahil ba sa nakabibinging “ingay” nito? O dahil nanggaling ang kulog sa maaliwalas na kalangitan, o dumagundong ito mula sa mga dalisdis ng burol? Anuman ito, labis na natakot at nalito ang mga Filisteo. Kaya para silang matatapang na aso na nabahag ang buntot. Nilusob sila ng mga kalalakihan ng Israel mula sa Mizpa, tinalo, at tinugis nang mga ilang kilometro hanggang sa timog-kanluran ng Jerusalem.—1 Samuel 7:11.
Malaking tagumpay ito sa bayan ng Diyos, dahil mula noon hanggang sa katapusan ng pagiging hukom ni Samuel, patuloy na umatras ang mga Filisteo. Naibalik din sa bayan ng Diyos ang mga lunsod nito.—1 Samuel 7:13, 14.
Makalipas ang daan-daang taon, isinama ni apostol Pablo si Samuel sa talaan ng tapat na mga hukom at propeta na “nagpangyari ng katuwiran.” (Hebreo 11:32, 33) Talagang tinulungan ni Samuel ang Israel na maitaguyod ang mabuti at matuwid sa paningin ng Diyos. Nagawa niya ito dahil matiyaga siyang naghintay kay Jehova at buong-katapatan niyang ginampanan ang kaniyang atas sa kabila ng mga kabiguan. Naging mapagpahalaga rin siya. Pagkatapos magtagumpay sa Mizpa, nagpatayo si Samuel ng isang monumento bilang alaala sa pagtulong ni Jehova sa kaniyang bayan.—1 Samuel 7:12.
Gusto mo rin bang ‘magpangyari ng katuwiran’? Makabubuting tularan mo ang pagtitiis, pagpapakumbaba, at pagpapahalaga ni Samuel. Sino ba naman sa atin ang hindi nangangailangan ng mga katangiang ito? Mabuti na lamang, bata pa si Samuel ay taglay na niya ang mga katangiang ito. Nakatulong ito nang mapaharap siya sa matitinding kabiguan sa kaniyang buhay.
“Ang Iyong Sariling mga Anak ay Hindi Lumalakad sa Iyong mga Daan”
Nang banggiting muli si Samuel, siya ay “matanda na.” Malalaki na ang kaniyang dalawang anak na sina Joel at Abias. Pinagkatiwalaan niya sila ng 1 Samuel 8:1-3.
pananagutang tulungan siya sa pagiging hukom. Pero nakalulungkot, nagkamali siya sa pagtitiwala sa kanila. Bagaman tapat at matuwid si Samuel, ginamit ng kaniyang mga anak ang kanilang posisyon para sa makasariling interes, binaluktot ang katarungan, at tumanggap ng suhol.—Isang araw, nagreklamo sa may-edad nang propeta ang matatandang lalaki ng Israel. Sinabi nila: “Ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan.” (1 Samuel 8:4, 5) Alam kaya ni Samuel ang problema? Walang sinasabi ang ulat. Pero di-tulad ni Eli, tiyak na responsableng ama si Samuel. Sinaway at pinarusahan ni Jehova si Eli dahil hindi niya itinuwid ang kasamaan ng kaniyang mga anak. Mas pinarangalan niya ang kaniyang mga anak kaysa sa Diyos. (1 Samuel 2:27-29) Hindi nakita ni Jehova kay Samuel ang gayong pagkukulang.
Hindi binabanggit ng ulat ang matinding kahihiyan, pagkabalisa, o kabiguang nadama ni Samuel nang malaman niya ang napakasamang paggawi ng kaniyang mga anak. Nakalulungkot, nararanasan iyan ng maraming magulang. Laganap kasi ngayon ang pagrerebelde sa mga magulang. (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga magulang na nakararanas ng gayong kirot ay makasusumpong ng kaaliwan at patnubay sa halimbawa ni Samuel. Hindi niya hinayaang matinag ang kaniyang katapatan ng kawalang-katapatan ng kaniyang mga anak. Tandaan, hindi man maging sapat ang mga salita at disiplina, maaari pa ring maabot ang puso ng mga anak sa pamamagitan ng halimbawa ng mga magulang. At gaya ni Samuel, laging may pagkakataon ang mga magulang na mapasaya ang kanilang Ama, ang Diyos na Jehova.
“Mag-atas Ka Para sa Amin ng Isang Hari”
Napakalaki ng epekto ng kasakimang ipinakita ng mga anak ni Samuel. Sinabi ng matatandang lalaki ng Israel kay Samuel: “Ngayon ay mag-atas ka para sa amin ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.” Sa hiniling nilang ito, nadama ba ni Samuel na inaayawan na siya ng bayan? Kung tutuusin, napakatagal na niyang naglilingkod bilang hukom sa bayan ni Jehova. Ngayon, hindi lamang isang propetang gaya ni Samuel ang gusto nilang maging hukom, kundi isang hari. May mga hari ang mga bansa sa palibot nila, kaya gusto rin ng mga Israelita ng isang hari! Ano ang reaksiyon ni Samuel? Mababasa natin: “Ang bagay na iyon ay masama sa paningin ni Samuel.”—1 Samuel 8:5, 6.
Pansinin ang naging sagot ni Jehova nang idulog ito sa kaniya ni Samuel sa panalangin: “Makinig ka sa tinig ng bayan may kinalaman sa lahat ng sinasabi nila sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” Tiyak na nakaaliw ito kay Samuel, pero kaylaking insulto naman sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang ginawa ng bayan! Sinabi ni Jehova sa kaniyang propeta na babalaan ang mga Israelita na malaki ang magiging kabayaran ng pagkakaroon ng isang haring tao. Nang sabihin ito ni Samuel, iginiit nila: “Hindi, kundi isang hari ang mamamahala sa amin.” Palibhasa’y masunurin sa kaniyang Diyos, hinirang ni Samuel ang haring pinili ni Jehova.—Napilitan bang sumunod si Samuel? Naghinanakit ba siya? Hinayaan ba niyang lasunin ng kabiguan ang kaniyang puso at mag-ugat dito ang sama ng loob? Maaaring ganiyan ang maging reaksiyon ng marami, ngunit hindi si Samuel. Hinirang niya si Saul at kinilalang ito ang pinili ni Jehova. Hinalikan niya si Saul, isang tanda ng pagtanggap at pagpapasakop sa bagong hari. At sinabi niya sa bayan: “Nakikita ba ninyo ang isa na pinili ni Jehova, na walang sinuman ang tulad niya sa gitna ng buong bayan?”—1 Samuel 10:1, 24.
Hindi mga kapintasan ang tiningnan ni Samuel, kundi ang mabubuting katangian ng taong pinili ni Jehova. Kung tungkol naman sa kaniyang sarili, nagtuon si Samuel ng pansin sa kaniyang rekord ng katapatan sa Diyos sa halip na sa pagsang-ayon ng bayang pabagu-bago ang isip. (1 Samuel 12:1-4) Buong-katapatan din niyang ginampanan ang kaniyang atas, pinayuhan ang bayan ng Diyos tungkol sa mga magsasapanganib sa kanilang kaugnayan sa Diyos, at pinatibay silang manatiling tapat kay Jehova. Tumagos sa puso nila ang payo ni Samuel kaya nakiusap sila sa kaniya na ipanalangin sila. Ganito ang kaniyang tugon: “Malayong mangyari, sa ganang akin, na magkasala laban kay Jehova sa pamamagitan ng pagtigil sa pananalangin alang-alang sa inyo; at ituturo ko nga sa inyo ang mabuti at tamang daan.”—1 Samuel 12:21-24.
Naranasan mo na bang maghinanakit nang mapili ang ibang tao, sa halip na ikaw, para sa isang posisyon o pribilehiyo? Ang halimbawa ni Samuel ay isang magandang paalaala na hindi natin dapat hayaang mag-ugat sa ating puso ang inggit o hinanakit. Ang Diyos ay maraming kapaki-pakinabang at kasiya-siyang gawain para sa bawat tapat na lingkod niya.
“Hanggang Kailan Ka Magdadalamhati Para kay Saul?”
Tama naman na maganda ang naging impresyon ni Samuel kay Saul. Matangkad siya at makisig, malakas ang loob at maabilidad, pero mapagpakumbaba. (1 Samuel 10:22, 23, 27) Bukod sa mga katangiang iyan, pinagkalooban din siya ng kakayahang magpasiya at pumili ng kaniyang landasin sa buhay. (Deuteronomio 30:19) Ginamit ba niya ito nang tama?
Nakalulungkot, kapag nakatitikim na ng kapangyarihan ang isang tao, kadalasan nang kapakumbabaan ang unang nawawala. Di-nagtagal, naging mayabang si Saul. Pinili niyang suwayin ang utos ni Jehova. Minsan, hindi na nakapaghintay si Saul kaya siya na ang naghandog sa Diyos sa halip na si Samuel, na siyang tanging may karapatang gawin iyon. Matindi ang pagtutuwid sa kaniya ni Samuel. Inihula pa nga ng propeta na ang pagkahari ay hindi mananatili sa angkan ni Saul. Hindi nadalâ si Saul. Sa katunayan, lalo pa siyang nagpakasama.—1 Samuel 13:8, 9, 13, 14.
Sa pamamagitan ni Samuel, inutusan ni Jehova si Saul na makipagdigma sa mga Amalekita at patayin ang ubod-samang hari nito na si Agag. Pero hindi pinatay ni Saul si Agag. Bukod diyan, kinuha niya ang pinakamaiinam sa mga samsam na dapat sana’y pinatay o sinunog nila. Nang ituwid siya ni Samuel, nakitang ibang-iba na siya sa dating Saul. Sa halip na mapagpakumbabang tanggapin ang pagtutuwid, nangatuwiran pa siya, nagmalinis, ipinagmatuwid ang kaniyang ginawa, iniwasan ang isyu, at sinisi ang bayan. Nang tanggihan ni Saul ang disiplina at mangatuwirang ihahandog naman kay Jehova ang mga samsam, binigkas ni Samuel ang kilalang pananalitang ito: “Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain.” Lakas-loob na sinaway ni Samuel ang lalaking ito at sinabi sa kaniya ang hatol ni Jehova: Ang pagkahari ay aalisin kay Saul at ibibigay sa iba—sa isang mas mabuting tao.—Lungkot na lungkot si Samuel sa mga pagkakamali ni Saul. Magdamag siyang umiyak kay Jehova. Nagdalamhati pa nga siya para kay Saul. Gayon na lamang ang panghihinayang ni Samuel kay Saul dahil nakita niyang napakalaki ng potensiyal nito. Kaya lang, hindi na ito ang Saul na nakilala niya—nawala na ang kaniyang mabubuting katangian at lumaban siya kay Jehova. Ayaw nang makita pa ni Samuel si Saul. Pero nang maglaon, itinuwid ni Jehova ang pangmalas ni Samuel: “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul, gayong itinakwil ko siya mula sa pamamahala bilang hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at yumaon ka. Isusugo kita kay Jesse na Betlehemita, sapagkat naglaan ako mula sa kaniyang mga anak ng isang hari para sa akin.”—1 Samuel 15:34, 35; 16:1.
Matutupad ang layunin ni Jehova, manatili mang matapat o hindi ang di-sakdal na mga tao. Masira man ang katapatan ng isang tao, makahahanap pa rin si Jehova ng ibang magsasagawa ng Kaniyang kalooban. Kaya inihinto ng matanda nang si Samuel ang kaniyang pagdadalamhati kay Saul. Sa utos ni Jehova, pumunta si Samuel sa bahay ni Jesse sa Betlehem, kung saan nakilala niya ang makikisig na anak na lalaki nito. Pero mula pa lang sa panganay, ipinaalaala na ni Jehova kay Samuel: “Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig . . . Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Sa wakas, nakilala ni Samuel ang bunsong anak na lalaki, ang pinili ni Jehova—si David!
Sa huling mga taon ng buhay ni Samuel, napatunayan niyang tama ang desisyon ni Jehova na palitan ni David si Saul. Napunô ng inggit si Saul, anupat ginusto niyang patayin si David, at naging apostata rin siya. Samantala, si David ay nagpakita ng magagandang katangian—lakas ng loob, integridad, pananampalataya, at pagkamatapat. Noong malapit nang mamatay si Samuel, lalo pang tumibay ang kaniyang pananampalataya dahil nakita niyang kayang lutasin ni Jehova ang lahat ng problema at gawin itong pagpapala. Nang mamatay ang tapat na si Samuel sa edad na halos sandaan, hindi nga kataka-takang nagdalamhati ang buong Israel! Sa ngayon, makabubuting itanong ng mga lingkod ni Jehova, ‘Tutularan ko ba ang pananampalataya ni Samuel?’
[Larawan sa pahina 25]
Paano natulungan ni Samuel ang kaniyang bayan na makayanan ang matinding kalungkutan at kabiguan?
[Larawan sa pahina 26]
Paano nakayanan ni Samuel ang kabiguang dulot ng kasamaan ng kaniyang mga anak?