Maging Mapagpahalaga
Sekreto 3
Maging Mapagpahalaga
ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.”—1 Tesalonica 5:18.
ANG HAMON: Napaliligiran tayo ng mga taong mayabang at walang utang-na-loob, at puwede tayong mahawa sa kanila. (2 Timoteo 3:1, 2) Bukod diyan, baka hindi na nga tayo magkandaugaga sa trabaho, marami pa tayong gustong gawin. Baka sa dami ng ating problema o pinagkakaabalahan, wala na tayong panahon upang pahalagahan ang mga tinataglay natin o pasalamatan ang ginagawa ng iba para sa atin.
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Maglaan ng panahon para pag-isipan ang mabubuting bagay na tinatamasa mo ngayon. Totoo, baka hirap na hirap ka na sa mga problema. Pero isaalang-alang ang halimbawa ni Haring David. Kung minsan, para siyang dinudurog sa dami ng pagsubok. Magkagayunman, nanalangin siya sa Diyos: “Binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.” (Awit 143:3-5) Sa kabila ng mga pagsubok, naging mapagpahalaga at kontento si David.
Isipin ang mga naitulong sa iyo ng iba, at pasalamatan ang kanilang pagsisikap. Namumukod-tangi ang halimbawa ni Jesus sa bagay na ito. Halimbawa, nang ibuhos ng kaniyang kaibigang si Maria ang mamahaling langis sa kaniyang ulo at paa, nagtanong ang ilan: “Bakit nangyari ang pag-aaksayang ito ng mabangong langis?” * Iniisip nila na dapat sana’y ipinagbili ang langis at ang pera ay ibinigay sa mahihirap. Pero sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo?” Idinagdag pa ni Jesus: “Ginawa niya ang magagawa niya.” (Marcos 14:3-8; Juan 12:3) Sa halip na magtuon ng pansin sa hindi ginawa ni Maria, nagpasalamat si Jesus sa kaniyang ginawa.
Napahahalagahan lamang ng ilan ang kanilang mga kapamilya, kaibigan, o iba pang mga pagpapala kapag wala na ang mga ito. Para hindi iyan mangyari sa iyo, pahalagahan ang mabubuting bagay na tinatamasa mo ngayon! Bakit hindi pag-isipan o isulat ang mga bagay na ipinagpapasalamat mo?
Yamang ang “bawat mabuting kaloob” ay galing sa Diyos, makabubuting pasalamatan natin siya sa panalangin. (Santiago 1:17) Kapag regular natin itong ginagawa, tutulong ito sa atin na maging mapagpahalaga at kontento.—Filipos 4:6, 7.
[Talababa]
^ par. 6 Noong unang siglo, ang pagbubuhos ng langis sa ulo ng bisita ay tanda ng pagiging mapagpatuloy; ang pagbubuhos naman ng langis sa paa ay tanda ng kapakumbabaan.
[Larawan sa pahina 6]
Pinasasalamatan mo ba ang ginagawa ng iba para sa iyo?